Monday, November 25, 2013

Alamat ni China Doll


Lead cast: Angelica Panganiban, Cesar Montano, Philip Salvador; Direction: Adolf Alix, Jr.; Screenplay: Lav Diaz; Producer: Ronald Arguellas, Evelyn Vargas; Music: Lav Diaz; Cinematography: Albert Banzon; Genre: Drama; Distributor: Cinema One

Technical Assessment: 2
Moral Assessment: 2
MTRCB Rating:  R18
CINEMA rating: R18

Si China Doll / Myrna Yu / Helen (Angelica Pangilinan) ay dating kasapi ng isang grupong dahilan ng di mabilang na karahasan at pagpatay sa lipunan. Bigla na lamang siyang nawala nang mahuli at ilagay sa witness protection program ng isang NBI agent (PhilipSalvador). Tahimik na sana ang  buhay niya hanggang muling mailathala ang kanyang totoong kwento. Isang laos pero matinik na manunulat, si Perry Nanali (Montano) ang gagamitin niyang kasangkapan para muling makabalik sa pagsusulat ang lihim ni China Doll. Maggugulo ang buhay ng tatlo dahil sa mga lihim na maaring mabunyag ang katotohanang ayaw mailabas.

Ginamit ni Alix ang istilo ng non-linear storytelling sa pelikula. Ibig sabihin ay patalon-talon ang pangyayari mula kasalukuyan at iba’t ibang panahon sa nakaraan. Hindi naman mahirap sundan – hindi dahil magaling ang pagkakagawa – kundi dahil  iniba-iba naman ng produksyon ang pagkakagawa sa bawat panahon. Mahusay naman ang pagkakaganap ng mga pangunahing tauhan pero hindi gaanong nakalusong ang pagkakaganap sa konsepto ng tauhan. Kulang ang pagkamisteryosa ni Pangilinan bilang si China Doll na hinuhubaran ng katotohanan at hindi naman gaanong mabagsik si Salvador bilang NBI na maraming itinatagong lihim. Sa totoo lang, sa ordinaryong manunuod, hindi mararamdaman ang sinasabing sapin-sapin na katotohanan. Ang bisa ng paggamit ng pagkukwentong non-linear ay nasa kakayahan na masilip ang kapirasong katotohanan at unti-unting mabuo ang kwentong salungat sa unang inakala. Sa magulong paroo’t parito ng China Doll, iisang pisngi pa rin ng katotohanan ang nabubuo at wala namang misteryong natatambad dahil simula pa lamang ay alam mo na ang takbo nito. Masyadong nagpaka-indie ang pelikula dahil marahas ang mga ilaw at hindi man lamang sinikap pantayin ang kulay at pagkakayari ng bawat eksena. Hindi siguro ito ang pinakamabisang paraan para ipakita na marahas ang katotohan. Ang makakagusto lamang nito ay ang kapwa manunulat o indie director na nais makita ang lalim ng pelikula kapag hindi ito nasasakyan ng masa.

Hubad na katotohanan… iyan ang nais itambad ng pelikula sa pagsusumikap na unti-unti nitong hubarin ang saplot ng kasinungalingan at pagtatahi ng mga alamat. Sabi natin, ang katotohanan ay nakakapagpalaya, pero sa pelikula… ang pag-akap sa katotohanan ay nakakamatay. Gusto ba nitong ipahiwatig na ang katotohanan ng mas malakas at mas matapang lamang ang dapat mangibabaw? Papaano kung ang katotohanan ay makasisira ng mga buhay? Dapat ba itong ibunyag pa kahit wala namang kabutihang idudulot? Hindi sinagot ng kwento ang mga tanong na ito. Bagkus, inihain lamang at pinababayaang tuldukan ito ng nalilitong manunuod. Pero dahil wala sa mga nagtangkang magbago o maging tapat ang nabuhay, madaling masabi na karahasan ang naka-umang sa taong sasagasa sa mga naglilihim. Masyadong marahas at magulo ang pelikula para sa simpleng manunuod. Mas mabuting piling-pili lamang ang tumangkilik nito.