Thursday, September 26, 2013

Sonata

LEAD CAST: Cherie Gil, Carlo Jalandoni, Chart Motus, Richard Gomez  DIRECTOR: Peque Gallaga. Lore Reyes  SCREENWRITER: Wanggo Gallaga  PRODUCER:  Peque Gallaga, Lore Reyes & Cherie Gil  MUSICAL DIRECTOR:  Emerzon Texon  GENRE: Drama RUNNING TIME: 110 minutes  LOCATION:  Manapla, Negros Occidental 
                      
Technical assessment:  4
Moral assessment:  4
MTRCB rating:  PG 13
CINEMA rating:  PG 13

Hindi makaahon sa balon ng paghihinagpis ang nalaos na opera singer na si Regina Cadena (Cherie Gil).  Bukos sa kanyang tinig, halos nawala na rin ang lahat sa kanya: matayog na luklukan sa lipunan, papuri ng madla, mga kaibigan at tagahanga, kalaguyo, at ang pagnanais pang mabuhay.  Anupa’t mistulang bilanggo siyang lugmok sa pag-iisa at kalungkutan, bagama’t sa hacienda pa rin siya nakatira—ayaw na niyang makakita o makakausap ng tao.  Ang hanap na lamang ng mga labi niya’y bote ng alak—at ang mga halik ng kalaguyong may-asawa at unti-unti nang kumakalas sa pangungunyapit niya.  Sa ganitong kalagayan matatagpuan ng batang si Jonjon (Chito Jalandoni) ang kumupas na bituin, nang isama ito ng kanyang inang si Cora (Chart Motus) sa Bacolod upang magbakasyon.  Mapaglaro si Jonjon, mausisa; maaakit siya ng kakaibang pagkatao ni Regina, at ipapahayag niya ito sa kanyang maliliit at musmos na paraan.  Magsisilbing distraction para kay Regina ang pagbibigay pansin sa kanya ni Jonjon, magkakalapit sila, at mamumukadkad ang isang uri ng pagkakaibigan na magdudulot ng panibagong sigla sa naluluoy niyang kaluluwa.
            Napakahusay ng pagkaka-tagni-tagni ng mga payak ngunit taos-pusong mga pangyayari sa Sonata.  Damang-dama ni Gil ang papel niyang napakalayo mula sa nakasanayan nang kontrabida.  Bida siya rito, ngunit isang bidang kawa-awa, sugatan at bulag sa kagandahan ng buhay.  Ang bawa’t aspetong teknikal tulad ng daloy ng salsaysay, tunog, tugtog, liwanag, sinematograpiya, lokasyon, at hanggang sa kaliit-liitang detalyang nagpapakita ng karangyaan ng nakawilihang buhay ng opera star ay sama-samang bumubuo ng isang makabagbag-damdaming himig—oo, ng isang sonata.  Isang pambihirang tampok ng Sonata ay ang paggamit ng wikang Ilonggo (at panaka-nakang Tagalog at Inggles kung kailan nararapat) na higit pang nagpatingkad ng “kulay-probinsiya” ng pelikula.  (Tumpak din ang pagkakasalin sa English subtitles, bagay na kinailangan pagkat tangka diumanong ipasok ang Sonata sa mga international film festivals.)
            Ang kahanga-hanga sa Sonata ay kung paano nito nahabi ang isang kuwentong aantig sa mga manunood na nagmumula sa iba’t ibang antas ng lipunan.  Ang pighati, pangungulila, pag-asam sa lumipas na ligaya, payak at busilak na pakikipagkaibigan—lahat tayo ay mayroon nito, ngunit hindi lahat ng tao ay magkakaroon ng pagkakataong makapanood ng isang opera, o malaman man lamang kung ano ito.  Sa Sonata, dahil sa pagiging magkaibigan ng soprano at isang paslit, naglaho ang pagkakahati ng mayaman sa mahirap: sa pagkukuwento ni Regina kay Jonjon ng istorya ng bawa’t isang operang nagtampok sa kanya, sa pag-aanyaya ni Jonjon na sumama si Regina sa kanilang paglalaro sa riles ng tubuhan, atbp.  Anupa’t lumayang muli ang diwa ni Regina at siya’y umawit nang muli.  Salamat sa galing ng mga direktor at manunulat, walang nasayang na eksena sa Sonata, buong-buo and pelikula, hanggang sa maganap sa buhay ni Regina ang nawika niya minsan kay Jonjon:  “Ang gustong-gusto ko sa lahat (ng ginampanan kong opera) ay ‘yung may namamatay sa dulo.”