Monday, September 23, 2013

Lauriana


LEAD CAST: Adrian Cabido, Allen Dizon, Bangs Garcia, Victor Basa; DIRECTOR: Mel Chonglo; SCREENPLAY: Ricky Lee; Director of Photography: Nap Jamir; Production Design: Edgar Littaua; LOCATION: Quezon, 1950s: GENRE: Drama, Thriller; RUNNING TIME:120 minutes;  DISTRIBUTOR: Sineng Pambamsa

Technical assessment:  2.5
Moral assessment:  2
MTRCB rating: PG13
CINEMA rating: PG18

Ang 10-taong gulang na si Carding (Cabido) ay tatlong taon nang ulila buhat nang maaksidente ang kanyang mga magulang sa Maynila. Ang kakulangan sanhi ng biglaang pagkawala ng kanyang mga magulang ay mapupunuan ng kanyang pakikipagkaibigan kina Samuel Corazon (Allen Dizon), isang Kapitan ng Philippine Constabulary, at sa kanyang kinakasamang si Lauriana (Bangs Garcia), isang mananayaw sa barrio. Sa simula ay para silang isang maliit na pamilya kung saan saksi ang bata sa malagkit na lambingan nina Samuel at Lauriana. Pero sa isang iglap ay biglang mababago ang tema at makikita ni Carding ang sunod-sunod na karahasan dahil sa matinding selos at takot ng lalake maagaw ng iba ang kinakasamang dalaga. Ang mga alaala ng kalupitang ito ay madadala ni Carding hanggang sa kanyang pagtanda (Basa). Hirap siyang makipagtalik at wala rin siyang tiwala o awa sa mga katrabaho. Ang pinakamatinding emosyong nangingibabaw sa kanya ay galit at pagnanasang maipaghiganti ang pagkamatay ni Lauriana sa kalupitan ni Samuel.

Epektibo sana ang istilo ng manunulat at direktor na papayapain ang kalooban ng manunuod sa malumanay at mabagal na daloy ng kuwento at pagsusuyuan nina Samuel at Laurina sa unang bahagi ng pelikula. Aakalain ng manunuod na isang pagsubaybay lamang ito sa pagkamulat ni Carding sa mga gawain ng matatanda. Kaya’t matindi ang dating ng biglang paglantad ng karumaldumal na mga karahasan ni Samuel kay Lauriana. Maganda ang disenyo ng produksyon dahil sinikap nitong maging tapat sa dekadang tinutukoy sa mula pinakamaliit na gamit hanggang sa pagkakagawa sa mga set. Kapansin-pansin din na pinagbuhusan ng panahon ang pag-iilaw at pagkukulay sa mga eksena. Magaling ang konsepto ng pagkakahubog sa mga tauhan – ang pait ng kalooban ni Carding dahil wala siyang nagawa para tulungan si Lauriana, si Lauriana na pilit binibigyang dahilan ang hindi makataong kalupitan ni Samuel, at si Samuel na lagpas na sa katinuan ang pagmamahal at kagustuhang siya lamang ang umangkin kay Lauriana. Maganda pero nanatiling isang konsepto ito dahil mas nabubuo ng mga manunuod sa isip ang gustong puntahan ng kwento kaysa sa aktuwal na naipakita sa mga eksena. Unang-una, sadyang napakabagal at maraming paulit-ulit na eksena na kung tutuusin ay maaring putulin ang kalahati dahil kuha na ng mga manunuod sa unang mga segundo pa lamang. Nag-uumapaw rin ang mga detalye at side stories  na nakagulo lamang sa daloy ng pelikula. Ikalawa, hindi naging ganap ang pagkabuo ng kwento ng mga tauhan dahil na rin masyadong mahahaba ang ilang eksenang hindi na sana kailangan. Ikatlo, hindi epektibo ang pagganap nina Dizon, Garcia at Basa. Pwede na, pero hindi nabigyang katarungan ang pait, sakit at pagkasira ng pagkatao na pinagdaraanan ng kani-kanilang ginanapang mga karakter. Tanging sina Cadibo at Angeli Bayani (ang gumanap na tiyahin) ang naging tapat sa hinihingi ng kwento.

Napapanahon sana ang mga isyung inungkat sa Lauriana tulad ng epekto ng pagtuturo ng taliwas o paglalantad sa bata sa mga negatibong gawain, ang pag-aabuso ng mga lalake sa asawa o kinakasama, at ang paghihiganti. Kaya lamang, natakpan ang lahat ng ito ng mahahabang eksena nina Samuel at Laurina ng pakikipagtalik at karahasan. Nakababagabag din na tila walang pakiaalam lahat ang mga nasa paligid ni Lauriana bagamat alam naman nila ang pang-aabusong dinaranas ng dalaga. May maling pagkakaunawa sa pagmamahal—na siyang pangunahin dahilan kung bakit nagtitiis si Lauriana at nananakit si Samuel. Pero tila hindi ito natutunan ni Carding nang siya ay tumanda na dahil patuloy pa rin siyang hindi nakikiaalam kahit kaya niya at malupit magsalita sa iba kahit maliit at di sinasadya ang pagkakamali. Tanging ang tauhan ni Bayani lamang ang kakikitaan tunay na pagtanggap, pag-uunawa at pagmamahal. Sa huling eksena ng pelikula, gusto mong magdiwang dahil mismong tadhana na ang gumanti kay Samuel at magkakaroon na siguro ng kapayapaan at paghihilom si Carding pero sa kabilang banda, tila mas malalim ang panlulumo at kawalang pag-asa na nararamdaman ng manunuod dahil mas matimbang ang ang mensahe ng karahasan kaysa sa pagmamahal at pagpapatawad.

Nakapagtataka na PG13 lamang ang iginawad ng MTRCB samantalang tigib sa karahasan, sekswal at negatibong mga elemento ang tema at lenguahe. Tiyak naming walang magulang ang magugustuhang mapanuod ng kanilang mga teenager ang pelikula kahit na kasama pa sila para gumabay.