Friday, September 20, 2013

Lihis


LEAD CAST: Jake Cuenca, Joem Bascon, Isabelle Daza, Lovi Poe, Gloria Diaz, Racquel Villavivencio  DIRECTOR:  Joel Lamangan  SCREENWRITER:  Ricky Lee  PRODUCER:  Film Development Council of the Philippines (FDCP)  GENRE: Drama  RUNNING TIME:  100 minutes  DISTRIBUTOR:  FDCP  LOCATION:  Philippines

Technical assessment:  2
Moral assessment:  2
MTRCB rating:  R 16
CINEMA rating:  V 18  (For viewers 18 years old and above)

Magbubukas ng Lihis ang ilang sandaling dokumentaryo na nagpapakita ng mga kabuhungang nangyayari noong dekada 80, at magsasalit-salit iyon at ang mga eksena ng mga pangyayaring magaganap makalipas ang 20 taon.  Kabilang sa samahang NPA sila Ka Jimmy (Jake Cuenca) at Ka Felix (Joem Bascon) noong panahon ng kaguluhan, at magkakaibigan sila kahit batid nilang mahigpit na ipinagbabawal ito ng samahan. Hahadlang sa pag-iibigan ng dalawa ang pagdating ni Jasmin (Lovi Poe), isang volunteer na tangkang magtagal sa samahan nang dalawang linggo lamang  ngunit mapapaibig at papakasalan ni Ka Felix.  Taong 2006, ang estudyanteng si Ada (Isabelle Daza) ay magsasaliksik naman para sa kanyang ginagawang thesis tungkol sa isang massacre na nangyari sa Barrio Acacia.  Dito niya matutuklasan ang tunay na pangyayari noong panahong iyon na pilit itinatago sa kanya ng kanyang inang si Cecilia (Gloria Diaz).
Maganda at maayos ang simula ng Lihis, bagama’t gasgas na ang mga eksenang ipinakikita nito.  Marami-rami na ring mga pelikula ang namuhunan sa mababaw na pagtalakay sa kasaysayan noong panahon ng Martial Law sa Pilipinas, at hindi naiba rito ang Lihis, bagay na nagpakulay-propaganda dito.  Sapat ang husay sa pagganap na ipinakita ng bagitang si Daza, higit siyang palagay sa harap ng kamera kaysa sa kanyang ina sa tunay na buhay, si Diaz, na minsa’y magaling at minsa’y hilaw ang pagganap.  Pasable na rin ang pag-arte ni Poe, bagama’t hindi ganoong kalaki ang hamon ng kanyang papel.  Kakatwang panoorin ang dalawang kilalang machong aktor (Cuenca at Bascon) na kumikilos nang salungat sa kanilang imahen bilang mga artista, ngunit naitawid naman nila nang kapani-paniwala ang kani-kaniyang papel.  Maliban nga lang sa masyadong malinis at maporma ang mga rebeldeng bida: sosyal ang tabas ng buhok, naka-gel pa yata, style gumamit ng tubaw sa ulo man o sa leeg, at ang pananamit ay sunod na sunod sa uso ngayon, hindi naglalalayo sa mga modelong nasa billboards sa EDSA—samakatuwid, hindi tapat sa panahon ng istorya.  Pero ang pinakamalaking problema ng Lihis ay ang kanyang pahatid na mensahe.  Malabo.
Sa pagbabalik-tanaw sa mga mabibigat na isyu noong panahon ng Martial Law, at sa pagtatakda sa underground movement bilang mundo ng mga pangunahing tauhan, ano ang ninais tumbukin ng Lihis?  Na sila ay may matinding pagmamahal sa bayan at hangaring sagipin ito sa tiyak na kapahamakan?  Sa paglalarawan ng bawal na pag-ibig, gusto bang sabihin ng pelikula na walang hihigit pa sa kapangyarihan ng laman para alipinin ang tao?  Kung hangad ng Lihis na pag-alabin ang damdaming ng manonood upang mahalin ang Inang Bayan, lumihis ito sa kaniyang pakay, pagkat higit na maigting ang paglalahad nito ng ugnayang namamagitan sa dalawang lalaki kaysa kanilang ipinaglalaban para sa bayan.
Noong namalas ng CINEMA ang  dokumentaryong nagbukas sa Lihis, naisip naming “Siryoso ito, mukhang malaman!”  Ngunit noong mangyari na ang unang “sagupaan” ni Ka Jimmy at Ka Felix, naisip naman namin, “Ganoon lang?  Ganoon bang kasimple yon?”  Sa una kasi’y ipinakita ang init ng kanilang mga pagtatalo sa mga pulong, na halos magsuntukan na sila, iyon pala’y eskrimahan ang totoong gusto nila.  Nagsuntukan; nang magkadaganan, nauwi sa halikan; at nagtuluy-tuloy sa pukpukan.  Sa tantiya ng CINEMA, ginamit lamang na “sasakyan” ng Lihis ang Martial law setting upang patunayan na masidhi sa lahat ang tawag ng laman—higit na makapangyarihan kaysa sa mga pinakamatayog na adhikain ng tao.  Sa gayon, tila “nabakla” ang layunin ng Lihis. 
“Mapagbigay” ang pelikula sa relasyon ng dalawang lalaki—ito ang naging pananaw ng CINEMA gawa ng mga katanungang hindi masagot sa Lihis.  Kung mahigpit na ipinagbabawal ang ganoong uri ng relasyon sa NPA, bakit hindi iwinawasto ng mga kasamahan nila ang dalawa samantalang “marami nang nakakahalata” sa kanila?  Kung higit na mahalaga kay Ka Jimmy at Ka Felix ang kanilang ipinaglalaban sa bayan, bakit hindi nila inuuna ito sa lahat?  Walang ipinakikitang isinasakripisyo ang sariling pagnanasa alang-alang sa pagsulong ng layunin ng samahan.  Sa katunayan, alipin sila ng “init” nila sa isa’t isa: sa liwanag ng araw, sa ilog, hantaran silang gumagawa ng bawal—hindi na ba nila naisip na baka may makakita sa kanila, kasama man nila o mga taga-nayon na maliligo o maglalaba sa ilog—bagay na makakapula sa pangalan ng samahan?  Kung hindi lamang laman ang ugat ng kanilang pagkaka-akit sa isa’t isa, bakit hindi man lamang sila ipinakikitang nag-uusap nang matimtiman tungkol sa kanilang pag-ibig sa bayan at malasakit sa kapwa?
Maging ang buong-loob na pagkarahuyo ni Jasmin kay Ka Felix hanggang sa pakasalan siya nito ay hindi masasabing nagmumula sa tunay na pag-ibig kungdi sa kagustuhan lamang patunayan ng babae na wala siyang ginustong hindi napasakanya.  At nang mapasakanya na nga, sa kabila ng pagkakaroon ng maayos na buhay at pamilya ni Ka Felix, mabibitag pa itong muli sa matinding pagtugis ng lumuluha at nagdurusang Ka Jimmy.  Kakatwa na pati na ang ina ni Ka Jimmy ay naging kunsintidora; ni hindi niya pinaalalahanan ang anak na layuan ang lalaking may pamilya—and mahalaga sa kanya’y maligaya ang kanyang anak, tapos.
May mga naulinigan kami sa sinehan na nag-aabang sa mga eksena ng pagtatalik ng dalawang lalaki.  “Tatlong eksena daw iyon,” sambit nila, at dumating nga ang tatlong eksena, tatlong eksenang hindi namin inakalang buong-layang ipapalabas sa mga sinehan ng SM Malls na hindi diumano nagpapalabas ng mga pang-adults.
Hindi ikinakaila ng CINEMA na may mga taong “lihis” ang kagustuhang seksuwal, at ang mga ito’y matatagpuan kahit na sa mga samahang tulad ng NPA, militar, o Simbahan, sa anumang relihiyon.  Hindi nanghuhusga ang CINEMA batay sa kasarian ng tao, ngunit nais ipagpalagay ng CINEMA na ang pinilakang tabing ay may kapangyarihang mag-angat ng kalagayan at kamalayan ng tao.  At ang isang paraan upang maisakatuparan ito ay ang pagpapakita na mayroon pang mga bagay na higit na mahalaga kaysa pangsariling kasiyahan, lalu na’t kung ang kasiyahang ito ay nagiging sanhi lamang ng higit pang malaki, marami, at malalang mga suliranin.