Tuesday, December 6, 2011

The Road

CAST: Rhian Ramos, Carmina Villaroel, Barbie Forteza, Marvin Agustin, TJ Trinidad, Jacklyn Jose, Louise delos Reyes; DIRECTOR: Yam Laranas; SCREENPLAY:  Aloy Adlawan and Yam Laranas; PRODUCER: GMA Films; GENRE: Horror; LOCATION: Phiippines; RUNNING TIME: 110 minutes


Technical Assessment: 3.5
Moral Assessment: 3
Cinema Rating: For viewers 13 and below with parental guidance

Nahahati ang pelikula sa tatlong dekada ng magkakaugnay na pangyayari sa isang abandonadong daan sa karimlan. Taong 2008, iniimbestigahan ng pulis na si Luis (TJ Trinidad) ang misteryosong pagkawala ng dalawang dalagang teen-ager na umuugnay sa isang aksidente na nangyari sa parehong lugar. Taong 1998 naman, dalawang babae (Rhian Ramos at Louise delos Reyes) ang  nasiraan ng sasakyan sa parehong kalsada at sila’y sapilitang ipiniit ng isang lalaki (Alden Richards) sa isang bahay na nasa gitna ng kawalan. Dito, sila ay parehong mamamatay. Taong 1988 naman ay may isang batang lalaki na pawang ikinulong ng kanyang mga magulang (Carmina Villaroel at Marvin Agustin) sa bahay sa kani-kanilang dahilan. Masasaksihan ng bata ang ilang karumal-dumal na krimen na magaganap sa kanilang bahay na nakatayo sa ngayo’y abandonado nang daan.

Mahusay ang pagkakagawa ng pelikulang The Road. Hindi ito karaniwang pelikulang katakutan na walang ginawa kundi ang takutin lamang ang manonood. Sa totoo pa nga pawang hindi naman pananakot ang naging kabuuan ng pelikula. Walang gaanong gulat at makapanindig balahibong mga eksena ngunit madadala ka ng mga pinag-isipang anggulo, galaw ng camera, editing, kulay, at higit sa lahat, sa husay ng mga nagsipagganap at kakaibang isitilo ng paglalahad ng kwento. Nagawa nitong pag-isipin ang manonood at tingnan ng may kakaibang lalim kung bakit nangyayari ang ilang krimen. Kitang-kita ang mapanuring mata ng director sa pag-atake nito sa bawat eksena ng tatlong magkakaiba ngunit magkakaugnay na kuwento. Yun nga lang, may ilang butas pa rin sa kuwento na sadyang mahirap tanggapin at ngunit maari naman itong palagpasin gawa ng kabuuan nitong kahusayan.

Sinasabi ng The Road na may mga pangyayari sa ating lipunan na di naaayon sa batas ng kalikasan at batas ng Diyos. Ngunit kadalasan di’y nagiging biktima ang tao ng mga bagay na wala siyang kontrol at kung minsa’y ganun nga lang talaga. Laganap ang kawalang-katarungan dahil sa kagagawan ng iilan. Ang pinakamatinding aral ng pelikula ay may patungkol sa pamilya. Ang pamilya ang naging ugat nang lahat ng kaguluhan at krimen sa pelikula. Ang kawalan ng tunay na pagmamahal sa loob ng tahanan at ang lalim ng sugat na idinudulot nito ay maaring magbunga sa malabis na kasamaan. Kitang-kita ang tindi ng epektong nagagawa ng kaguluhan at kasamaan na namamayani sa isang tahanan. Ang sugat na idinudulot ng matinding pagkawala, pagkamuhi at malabis na kalungkutan ay kadalasang mahirap nang paghilumin at nag-iiwan ito paminsan ng mga suliranin tulad ng problema sa pag-iisip gaya ng nilahad sa pelikula. Mabuting gabayan ang mga batang manonood upang mapaintindi sa kanila kung kahalaga ang pagmamahalan sa isang pamilya.