Cast: John Lloyd Cruz, Bea Alonzo, Maricar Reyes, Noel Trinidad, Tirso Cruz III; Director: Cathy Garcia-Molina; Producer/ Distributor: Star Cinema ; Running Time:125 minutes; Location: Manila, Malaysia; Genre: Drama, Romance
Technical Assessment: 3.5
Moral Assessment: 2.5
Rating: For viewers ages 14 and above
Si Allan (John Lloyd Cruz) ay nagta-trabaho bilang account executive sa isang bangko na pag-aari ng mga magulang ng kasintahan niyang si Daphne (Maricar Reyes). Sa kabila ng pagkakaroon ng halos lahat ng bagay sa buhay, tila may hinahanap-hanap pa rin siya. Magbabago ang lahat nang makilala niya si Mia (Bea Alonzo) sa isang kakatwang eksena sa Pasig Ferry. Sapagkat simple at masayahin si Mia, pawang may kakaiba agad na mararamdaman si Allan dito. Isang araw ay muling magku-krus ang kanilang landas at sila ay magkakausap at magkakasama nang matagal. Lalong mahuhulog ang loob nila sa isa’t-isa. Ngunit mayroong problema sa parte ni Allan, hindi magawang iwan ni Allan si Daphne dahil kaakibat rin nito ang pagtalikod sa magandang buhay na kanyang matagal na pinagsumikapan at pinangarap. Nang hindi piliin ni Allan si Mia, ay bumalik ang huli sa Malaysia kung saan siya nagtatrabaho bilang hotel receptionist. Makalipas ang ilang taon ay hahanapin at susundan ni Allan si Mia sa Malaysia ngunit si Mia ay may iba ng mahal at malapit na ring ikasal sa isang Malay. Magkatuluyan pa kaya silang dalawa?
Maganda ang daloy ng kuwento ng Miss You Like Crazy. Kahit pa sabihing alam na ng manonood ang kahahantungan ng kuwento, nagawa pa rin nitong papaniwaling ilihis sa inaasahan at pahirapan ang dalawang pangunahing tauhan na magkatuluyan. Iyon nga lang, sadyang may mga elemento sa pelikula na nagbibgay-dahilan para asahan na nang manonood ang katapusan nito. Sa kabila pa rin nito’y matagumpay ang pelikula sa pagbibigay ng bagong-bihis sa isang kuwentong pag-ibig ng dalawang taong nagkahiwalay, kapwa nabigo at kapwa nahirapan sa pagpili at sa bandang huli’y tadhana pa rin ang nagpasiya sa kanilang kapalaran. Hindi matatawaran ang husay sa pag-arte nila Cruz at Alonzo. Maging si Reyes ay lutang ang kahusayan kahit pa kung tutuusin, siya’y baguhan sa larangan ng pag-arte. Maganda ang kuha ng kamera na nagpakita at nagdala sa manonood sa ilang magandang lugar sa Malyasia. Marami ring makabuluhang linyang magpapa-isip at magpapakilig sa manonood.
Patungkol sa isang wagas na pagmamahalang nagkatagpo sa isang maling panahon ang pelikula. Ipinakita kung paanong ang tunay na pag-ibig ay nahihirapang gumawa ng desisyon dahil sa takot nilang makasakit ng damdamnin ng iba. Ang dalisay na pag-ibig nga naman ay nagsasakripisyo at nagpaparaya. Ipinakita sa kuwento na maaring magmahalan ang dalawang tao kahit pa hindi pa sila gaanong magkakilala. Hindi ito gaanong makatotohanan at maaring magbigay ng maling pananaw sa manonood ukol sa pag-ibig. Lumutang nang husto ang konsepto ng mabilisang pagmamahalan at pag-asa sa tadhana ang kuwento. Mga mahika sa pag-ibig na maaring totoo lamang sa iilan. Higit na nakababahala rin ang pagpapakita ng relasyong sekswal ng mga tauhan sa labas ng kasal. Pawang ang mga ito’y katanggap-tanggap na sa lipunan at hindi na pinagtatalunan kung tama o mali. Nakababala ang pelikula sa aspetong ito. Pero ilan sa mga mabubuting aral sa pelikula ay ang pagpapakitang ang tunay na pagmamahal ay matiyagang naghihintay at sa pag-aasawa, ang kinakailangan ay parehas ang pagmamahal at respeto ng dalawang tao sa isa’t-isa. Ipinakita rin sa pelikula ang pagrespeto sa relihiyon at paniniwala ng isang tao. Gayunpaman, dahil sa ilang maseselang tema sa pelikula, nararapat lamang ito sa manonood na may gulang 14 pataas.