Cast: Lovi Poe, Joem Bascon, Jacky Woo, Jake Roxas, Ricardo Cepeda; Director: Ramos and Paulo Villaluna; Producers: Forward Group and Feminine Annex; Screenwriters: Ellen Ramos, Paulo Villaluna, Caloy Santos, Patricia Evangelista, Raymond Amonoy; Genre: Drama; Location: Baguio City; Running Time: 90 min.;
Technical Assessment: 2.5
Moral Assessment: 1.5
CINEMA Rating: For mature viewers 18 and above
Maglalayas ang 16-taong-gulang na si Maria (Lovi Poe) sa poder ng kanyang amain (Ricardo Cepeda) upang sumama sa kanyang kasintahang si Ryan. Sa Baguio sila tutuloy na dalawa at dito ay makikilala nila sa magkahiwalay na pagkakataon si Yoshi (Jacky Woo) isang Hapon na nagbalik sa Pilipinas upang hanapin ang dating pag-ibig bago man lamang siya bawian ng buhay dahil sa sakit na cancer. Habang si Ryan ay nagnanais na makasiping sa wakas si Maria, ang huli nama’y nais na maglibang sa labas ng kuwarto. Sa labis na pagkainip ay aalis mag-isa si Maria at dito ay makakasama niya at makikilala ng mas malalim si Yoshi. Mapapalagay ang loob ni Maria dito. Samantala, ang amain naman niya ay umupa ng imbestigador (Jake Roxas) upang ipahanap siya. Hawak nito ang susi sa isang pinakatatagong sikreto na magbabago sa buhay nilang lahat na nagsasanga-sanga ang mga kuwento sa maliit na siyudad ng Baguio.
Sa umpisa’y pawang may lalim na nais ipahatid ang kuwento ng Walang Hanggang Paalam. Pinaiisip nito ang manonood sa kung paanong magkakaron ng koneksyon ang iba’t-ibang tauhan na may kani-kaniyang pinanggalingan. Nababalot ng katahimikan at lungkot ang kabuuan ng pelikula. Karamihan sa mga nais nitong sabihin ay maririnig sa nakabibinging mga katahimikan. Pero ang katahimikan ding ito ang siyang dahilan kung bakit sa bandang huli’y walang malinaw na nasabi ang pelikula. Sayang sapagkat mahusay sana ang mga nagsiganap. Natali lamang sila sa limitadong materyal na hindi nagsubok payabungin ng maayos ang daloy ng emosyon. Kulang sa tamang hagod ang mga eksena at magtatalo ang lohika at emosyon sa karamihan ng mga pangyayari. May ilang koneksyon din na sadyang nakasanga sa kabuang kuwento anumang pilit gawin na ito ay ikonekta. Kung susumahin, mayroon naman talaga sanang kuwento na nais itong iparating. Yun nga lang, hindi naging gaanong epektibo dahil sa maaga at pilit na pagbunyag ng ilang sikreto na dapat sana’y kalaunan pa lamang malalaman ng manonood.
Ninais marahil ng mga may-akda ng Walang Hanggang Paalam na maglahad ng naiibang kuwento na tumatalakay sa pre-marital sex, insesto at homoseksualidad bagama’t hindi na naman na talagang bago ang mga ito. Wala ring bagong mapapala sa pelikula kung aral ang pag-uusapan. Nagsimula ang kuwento sa pagrerebelde sa magulang. Matapos ay sumama sa kasintahang ang nais naman ay makuha ang pagkakababae ng nobya. Mahihirapan ang nobyo ngunit kataka-takang maagang bibigay ang babae sa isang estranghero. Hindi rin malinaw kung bakit kinailangang ilagay pa sa kuwento ang ilang eksena na patungkol sa homosekwalidad. Pati ang insesto ay hindi na rin naharap at natalakay ng husto. Pawang pinalabas lamang na ang mga ito ay nangyayari at ginagawa ng walang anumang malinaw na dahilan at sadyang wasak na ang batayang moral ng mga kabataan pati na ng mga nakakatanda sa lipunan. Labis na nakakabahala ang pelikulang ito at nararapat lamang sa mga manonood na may hinog na pag-iisip. Bagama’t walang hubaran sa pelikula, ang kabuuang konsepto nito ay masyadong sensitibo kung hindi man eskandaloso para sa mga manonood.