Cast: Angelica Panganiban, Gabby Concepcion, Kim Chiu, Derek Ramsay, Matet de Leon, Liza Lorena, Arlene Muhlach, Ketchup Eusebio ; Director: Laurice Guillen; Screenplay: Mark Meily; Producer/ Distributor: Star Cinema; Location: Manila; Genre: Drama; Running Time: 110 mins
Technical Assessment: 3.5
Moral Assessment: 2.5
CINEMA Rating: For viewers 18 and above
Magka-live-in sina Lizelle (Angelica Panganiban) at Adrian (Gabby Concepcion) na malaki ang agwat ng edad at estado. Ang 25 anyos na si Lizelle ay isang ulilang lubos na nagta-trabaho bilang serbedora sa coffee shop nang makilala ni Adrian, mahigit 40 anyos at may mataas na katungkulan bilang doktor sa isang malaking ospital. Maraming tutol sa kanilang relasyon lalo na ang anak ni Adrian na si Ysa (Kim Chiu) na halos kasing-edad ni Lizelle. Magugulat sina Lizelle at Adrian sa pagpapakilala ng bagong manliligaw ni Ysa na si Gary (Derek Ramsay). Sa simula pa lang ay halata ang pagkadismaya ni Adrian kay Gary, habang si Lizelle naman ay hindi mapakali. Malalaman na ito palang si Gary ay dating kasintahan ni Lizelle na iniwan siya nang walang paalam dalawang taon na ang nakararaan upang magtrabaho sa barko. Si Adrian ang siyang sumalo sa kalungkutan ni Lizelle. Ngayon si Gary ay nagbabalik sa buhay ni Lizelle upang buhayin ang dati nilang pag-ibig at si Ysa ang kanyang gagamitin upang makalapit siya dito.
Maayos ang pagkakagawa ng pelikula. Mahusay ang pagkakadirehe ni Guillen na hindi matatawaran ang galing sa paghahagod ng tamang emosyon sa bawat eksena. Maging ang pinaka-simpleng eksena ay nagniningning dahil sa hitik at lalim nang pinaghuhugutang emosyon ng mga karakter. Hindi naging melodramatiko ang pelikula. Walang katakot-takot na sampalan, walang gaanong histerya. Sumunod lamang ito sa natural na daloy ng mga pangyayari at sa mga nararapat na reaksiyon ng mga tauhan. Naging mas makapangyarihan ang pelikula sa mga sandali ng katahimikan nito kung saan madarama ng manonood ang pinagdadaanang pighati ng mga tauhan. Pawang mahuhusay lahat ng nagsiganap at bumagay sa kanila ang kani-kaniyang papel. Lumutang nang husto ang galing ni Panganiban sa pag-arte sa pelikulang ito. Kuha niya ang nararapat na komplikasyon ng tauhan na kanyang ginampanan. May ilan nga lang problema sa editing ang pelikula dala siguro marahil ng pagmamadali, pero maari na rin itong palagpasin dahil di naman gaanong nakaapekto sa kabuuang daloy. Sayang nga lang dahil kung mas napagtuunan pa ito ng pansin at napaglaanan ng panahon, magiging mas maayos pa sana ang pelikula.
Tinalakay ng pelikula ang isang sensitibong paksa ng pakikiapid. Makikita sa pelikula ang hirap na pinagdadaanan ng isang taong nasa masalimuot na relasyon. Nariyang hindi siya tanggapin ng mga kaanak at harap-harapang kutyain dahil hindi siya tunay na kapamilya. Sinundan pa ito ng mas maraming komplikasyon nang magbalik ang dating pag-ibig. Nakaugat naman ang lahat sa lalim ng emosyon at hindi lang sa tawag ng laman kung kaya't hindi mahirap unawain ang pinagdaanan ng mga tauhan. Sadyang may mga sandali na hindi mapipigil ng tao ang bugso ng kanyang damdamin. Nakakabahala ang ipinakikitang pagtatalik sa labas ng kasal. Hindi man sinabi ng pelikula na ito'y tama, hindi pa rin ito magandang halimbawa. Marahil ang mga eksenang ganito ay kailangan upang ipakita ang lalim ng relasyon ng mga tauhan, ngunit ang ganitong dahilan ay mauunawan lamang ng mga manonood na may hinog na kaisipan at nasa wastong gulang. Hindi nararapat ang ng ito sa mga manonood na wala pang 18 taong gulang.