Friday, December 4, 2009
Biyaheng Lupa
Cast: Jacklyn Jose, Angel Aquino, Eugene Domingo, Andoy Ranay, Coco Martin, Julio Diaz, Allan Paule, Carlo Guevarra, Susan Africa, Shamaine Buencamino; Director: Armando Lao; Producer: Joji Alonso; Screenwriter: Armando Lao; Genre: Drama; Distributor: Quantum Films; Location: Manila/ Bicol; Running Time: 90 min.;
Technical Assessment: 3
Moral Assessment: 3.5
CINEMA Rating: For viewers 14 and above
Lulan ng isang bus na magmumula sa Maynila patungong Legaspi ang iba’t-ibang klase ng pasaherong may kani-kaniyang dalahin sa buhay. Sa bawat pagsara ng pintuan ng bus, tatahimik ang lahat at maririnig lamang ng mga manonood ang iba’t-ibang saloobin ng mga pasahero na tumatakbo lamang sa kanilang mga isip. Sa pamamagitan din nito makikilala ang iba’t-ibang tauhan: si Helen (Jacklyn Jose) ay kakatagpuin ang kalaguyo nitong higit na mas bata sa kanya. Lingid ito sa kaalaman ng kanyang asawa kung kaya’t gayon na lang ang pagtatago niya sa sulok ng bus sa takot na may makakita sa kanya. Si Alex (Julio Diaz) naman ay inaasam na makumbinse ang kapatid na kanyang pupuntahan upang hikayating sumali sa kanyang negosyong networking. Ito raw ang magpapayaman sa kanya. Si Obet (Coco Martin) naman ay maghahanap ng trabaho sa tulong ng kaibigan upang takasan ang responsibilidad sa nabaldadong ina. Si Mickey (Carlo Guevarra) naman ay isang pipi’t-bingi na pupuntahan ang puntod ng tunay na ina lingid sa kaalaman ng pamilyang umampon sa kanya. Si Fina (Shamaine Buencamino) ay kakatapos lamang sumali sa isang game show sa Maynila. Uuwi siyang luhaan at talunan. Ito at marami pang ibang kuwento ang masasaksihan habang tumatakbo ang bus kasabay ng ilang mga aberya, abala at paghinto-hinto nito sa mga estasyon. Makarating kaya silang lahat ng maluwalhati sa kanilang patutunguhan?
Kakaiba ang konsepto ng pelikula. Walang bida, walang kontrabida. Wala ring gaanong dayalogo at tanging mga nasa sa isip ng mga tauhan ang kadalasang maririning ng mga manonood. Tunay nga namang malaman at hitik sa kuwento ang isipan ng bawat taong nasa isang mahaba at halos nakakainip na biyahe. Mahusay ang pagkakasulat ng pelikula. Bagama’t wala itong pinanghahawakan na masasabing kuwento, may mga naipaabot naman itong malinaw na saloobin at damdamin. Nakatulong din nang malaki ang mahuhusay na artistang nagsiganap bilang mga interesanteng mga tauhan sa bus. Markado ang bawat sandali nila sa pelikula. Bagama’t ang kanilang kuwento ay maririnig lamang at hindi makikita, damang-dama pa rin ang mga ito dala ng mga nangungusap nilang mga mata at kilos. Halong lungkot, takot, tuwa ang mararamdaman ng manonood sa mga patong-patong na kuwentong masasaksihan nila sa loob ng isang bumibiyaheng bus.
Naging napakalawak ng sakop ng pelikula kung usaping moral ang pagbabalingan. Hindi naman kasi nagbalak ang may-akda nito na magparating ng lehitimong kuwento. Sa halip, ang pelikula ay naglatag lamang ng iba’t-ibang uri ng saloobin. Mga sitwasyon ng buhay na talaga namang nangyayari. Ang babaeng nakikiapid sa kuwento ay pilit na itinatago ang ginagawang kasalanan. Hindi siya nagsisisi sa kanyang ginagawa ngunit hindi rin naman niya ito ipinagmamalaki at kitang walang kapayapaan ang kanyang isip. Ang taong walang inisip kundi pera at pagiging ganid ay wala ring kasiyahan at kapayapaan. Hindi rin matahimik ang isang babaeng nabuntis sa pagkadalaga at itinakwil ng mga magulang. Ang isang anak na tinangkang takasan ang pag-aaruga sa ina ay nagsisi at bumalik din. Ito at marami pang ibang kuwento ang maaring kapulutan ng aral o pagninilay sa pelikula. Sa bandang huli’y sinasabi ng pelikula na ang tao kailanma’y hindi nag-iisa sa paglalakbay sa buhay. May mga tao siyang makakasabay, makakasalamuha at makakaisa ng damdamin. Sadyang nilikha ang tao upang mapabilang sa isang pamilya, isang komunidad at isang simbahan. Magkakaiba man ang landas na tatahakin, sa bandang huli’y malalaman nating iisa rin ang nais nating patunguhang lahat – ang walang hanggang ligaya at kapayapaan at yan ay siguradong hindi matatagpuan sa lupa, gaano man kalayo ang ating lakbayin.