Cast: Eula Valdez, Glaiza de Castro, Emilio Garcia, Chanda Romero, Pinky Amador, Bella Flores, Adreinne Babiera; Director: Paolo Herras; Producers: Marc Licaros, Joseph David Santos; Screenwriters: Paolo Herras, Marlon Rivera; Music: Isha; Editor: Dempster Samarista; Genre: Drama; Cinematography: Rodolfo Aves, Jr., Marissa Floirendo Distributor: Alessandro Productions; Location: Manila; Running Time: 105 min.;
Technical Assessment: 3
Moral Assessment: 2.5
CINEMA Rating: For viewers 14 and above
Si Messina (Eula Valdez) ay nagmula sa pamilya ng manghuhula. Kilalang manghuhula ang kanyang ina (Chanda Romero) sa kanilang lugar na kung saan panghuhula ang pangunahing ikinabubuhay ng mga tao. Tinakasan ni Messina ang kanilang lugar dahil binansagan siyang salot nang minsang mahulaan niya ang isang kamatayan at ito ay nagkatotoo. Iniwan niya ang kanyang anak na si Claire (Glaiza de Castro) dahil hindi niya ito maisama. Magbabalik si Messina sa kanilang lugar nang malaman niya na namatay ang kanyang ina sa hindi pa alam na kadahilanan. Kasabay ng pag-aalam ni Messina ng dahilan ng kamatayan ng kanyang ina ay pilit naman niyang itatakas si Claire sa mundo ng panghuhula na kanilang kinagisnan. Ngunit hindi sila papayagan ng sindikato ni Jacob (Emilio Garcia) na siyang nagpapatakbo sa negosyo ng panghuhula. Marami raw iniwang utang ang ina ni Messina at dapat itong pagbayaran ni Claire sa pamamagitan rin ng panghuhula. Magawa pa kayang itakas ni Messina si Claire gayong nahumaling na rin ito sa mundo ng panghuhula?
Isang naiibang kuwento ang pelikula na tumatalakay sa isang mundong bihira o hindi pa masyadong alam ng nakararami. Hindi pangkaraniwan ang paksang nais talakayin ng Ang Manghuhula kung kaya't sa kabuuan ng pelikula'y mas maraming tanong kaysa sagot ang mananatili sa isip ng manonood. Palaisipan kung paanong naging isang sindikato ang dapat sana'y di pangkaraniwang kakayahan ng panghuhula na hindi pa rin batid kung biyaya o sumpa. Hindi gaanong malinaw ang takbo ng kuwento at hindi rin malinaw kung saan ito patutungo. Hanggang sa huli'y hindi masabi kung narating ba ng pelikula ang nais nitong marating. Mahusay naman ang mga nagsiganap sa pangunguna ni Valdez ngunit pawang maraming butas at kulang sa pelikula na hindi napunan ng husay ng mga tauhan. Bagama't maliwanag ang nais makuha ng pangunahing tauhan, hindi naman malinaw kung ano ba talaga ang problema at ang ugat na pinanggagalingan nito. Sayang at pawang maraming nais sabihin ang pelikula ngunit nanatili ang lahat sa isipan ng may likha nito at hindi nagamit ang biswal na midyum ng pelikula.
Maituturing nga bang biyaya o sumpa ang kakayahang malaman ang hinaharap? Maliwanag ang turo ng simbahan ukol dito na bagama't sa simula pa lamang ng kasaysayan ay may mga propeta nang nagpapahayag ng hinaharap, hindi pa rin nararapat isa-alang-alang ng tao ang kanyang buhay sa manghuhula. Ang gawin itong isang negosyo ay mas higit na masama lalo pa't nauuwi ito sa panloloko. Ito naman ay naipakita ng pelikula at hindi nito kinukunsinte ang mga maling gawa. Nakakabahala nga lang kung paanong ituring ng anak na si Claire ang kanyang ina na halos pawang wala na siyang paggalang dito. Nakakalito rin kung paano at bakit pilit na inaako ni Claire ang papel ng isang manghuhula gayong alam naman niya ang kapahamakang idudulot nito sa kanya. Ang pinakanakakabahala sa lahat ay kung paanong binigyang kapangyarihan ng pelikula ang mga barahang gamit sa panghuhula na halos maging instrumento ito ng kaguluhan at patayan sa kanilang lugar. Nakakabahala rin ang madalas na pagpapakita ng mga imahe at santo na simbolo ng pananampalatayang katoliko na pawang nais ipahiwatig ang pagiging paganong Katoliko ng mga Plilipino. Dahil sa mabigat nitong tema, nararapat lamang ang pelikula sa mga manonood na may edad 14 pataas.