Cast: Eugene Domingo, Dindong Dantes, Zanjoe Marudo, Baron Geisler, Meriam Quiambao, Ariel Ureta; Director: Joyce Bernal; Producers: Piolo Pascual; Screenwriter: Chris Martinez; Music: Brian Cua; Editor: Vanessa de Leon; Genre: Comedy; Cinematography: Shayne Clamente; Distributor: Spring Films; Location: Manila; Running Time: 105 min.;
Technical Assessment: 4
Moral Assessment: 4
CINEMA Rating: For viewers 14 and above
Kahit na kambal sina Kimmy at Dora (Eugene Domingo) ay labis na magkaiba ang kanilang personalidad at ugali. Matalino ngunit mapagmataaas at magaspang ang ugali ni Kimmy. Siya ang naatasang mamamahala sa malaking negosyo ng kanilang pamilya Go Dong Hae. Bagama't mahina ang utak at isip-bata, mapagmahal at mapagkumbaba naman si Dora na laging inaapi ni Kimmy ngunit minamahal naman ng labis ng kanilang ama (Ariel Ureta). Nariyan ding ang lalaking gusto ni Kimmy (Dingdong Dantes) ay mas gusto si Dora. Kaya't nang malaman ni Kimmy na mas malaki ang iiwanang pamana kay Dora, labis na lang ang pagdaramdam at sama ng loob nito. Aakalain naman ng kanyang tauhan (Baron Geisler) na nais niyang ipapatay at ipakidnap si Dora. Ngunit dahil sa isang kalituhan, si Kimmy ang makikidnap at mapipilitan si Dora na magpanggap bilang Kimmy upang hindi maapektuhan ang kanilang ama at mapangalagan din ang kapakanan ng kanilang negosyo. Saan kaya hahantong ang palitang ito nina Kimmy at Dora?
Isang tunay na nakakaaliw na pelikula ang Kimmy Dora. Naiiba ang kuwento at talaga namang angat ang uri ng komedya nito. Tama ang timpla ng bawat elemento. Mahusay ang pagkakahabi ng kuwento na hindi lamang basta nakakaaliw kundi may lalim rin. Maganda ang kuha ng kamera at mahusay ang editing. Napakahusay ng pelikula sa kabuuan kaya't nararapat lamang bigyang papuri ang lahat ng nasa likod ng pelikulang ito lalo na ang direktor. Ngunit kung may natatanging yaman ang pelikula, yan ay ang pangunahing tauhan nito na si Eugene Domingo. Tanging siya lamang sa hanay ng mga komedyante ngayon ang makakapag-bigay katarungan sa tauhan nina Kimmy at Dora na bukod sa dual role na ay kinailangan pang magpanggap at magpalit bilang isa't-isa. Hindi magiging matagumpay ang kabuuan ng pelikula kundi dahil sa husay at talino ni Domingo.
Paano nga bang nagiging magkaiba ang pagkatao ng kambal? Sa kabila ng magkalapit at halos parehong itsura, parehas na mga magulang at parehas na pagpapalaki ay nagiging magkaiba pa rin ang dalawa sa bandang huli. Kung anong buti ng ugali ni Dora ay siya namang sama ni Kimmy. Naipakita naman ng pelikula na ang pag-uugaling ito ay may malalim na pinanggagalingan at wala naman talagang taong likas na masama. Kapuri-puri ang pagkatao ng kanilang ama na walang kinikilingan sa dalawa. Alam lamang niya na mas kinakailangan ni Dora ng pagkalinga kung kaya't mas malaki ang oras at atensiyon ang ibinibigay niya dito habang si Kimmy naman ay may sapat na kakayanan upang alagaan ang sarili. Sa kabila pa rin nito'y labis pa rin ang pagmamahal niya dito. Hindi nga lang ito naramdaman ni Kimmy sa simula kung kaya't inakala niyang siya'y hindi minamahal. Naging salat tuloy sa pagmamahal si Kimmy at nauwi sa galit ang inggit sa kapatid. Sa bandang huli nama'y natutunan parehas nila Kimmy at Dora ang halaga ng bawat isa at namayani pa rin ang pagmamahal sa pagitan ng magkapatid. Pagkatapos ng lahat ng unos sa magkapatid ay hindi pa rin maitatanngi na iisa ang dugong nananalaytay sa kanilang ugat at hindi nila matatakasan ang natatanging dahilan ng kanilang pagkatao – pag-ibig. Bagama't kapuri-puri ang aral ng pelikula ay hindi pa rin ito angkop sa mga batang manonood dahil sa tema nito na may ilang eksena ng krimen, karahasan, at mangilan-ngilang sekswalidad, kung kaya't nararapat lamang ang pelikula sa mga may edad 14 pataas.