Cast: Vilma Santos, Luis Manzano, John Lloyd Cruz, Dimples Romana, Paw Diaz; Director: Olivia M. Lamasan; Producer: Charo Santos; Screenwriters: Olive Lamasan, Raymond Lee, Senedy Que; Genre: Drama; Distributor: Star Cine Production; Location: Manila/ New York; Running Time: 120 min.;
Technical Assessment: 3
Moral Assessment: 2.5
CINEMA Rating: For viewers 14 and above
Si Shirley (Vilma Santos) ay isang tumatandang public school librarian na matagal nang hiwalay sa asawa at mag-isang itinaguyod ang tatlong anak. Nang pinipilit siya ng kanyang anak na si Dang (Dimples Romana) na ibenta ang compound dahil balak nitong mag-migrate sa ibang bansa kasama ang buong pamilya, labis siyang nagdamdam. Kaya't nagdesisyon si Shirley na puntahan ang anak niyang si Mark (Luis Manzano) na nasa New York para magbakasyon. Sa pag-aakalang wala nang babalikan sa Pilipinas, susubukan ni Shirley na magsimula ng panibagong buhay doon. Dahil dito'y mapipilitan si Shirley na makipisan sa anak na may kinakasamang boyfriend na si Noel (John Lloyd Cruz). Bagama't pawang tanggap ni Shirley ang pagiging bakla ng anak, hindi niya gaanong matanggap si Noel. Subalit dahil parating abala sa trabaho si Mark, si Noel ang parating maiiwang tumingin at mag-asikaso kay Shirley. Magkaayos kaya silang dalawa at mahanap kaya ni Shirley ang panibagong buhay sa New York sa gitna ng lumalala niyang relasyon sa mga anak?
Matino ang produksiyon ng In My Life at naging mas makinang dahil karamihan sa mga eksena ay kinunan pa sa New York. Halatang pinagbuhusan ng talino't galing ang kabuuan ng pelikula. Hindi matatawaran ang husay ni Vilma Santos sa pagganap at hindi rin nagpahuli dito si John Lloyd Cruz. Si Luis Manzano na bagama't hindi pa kasinghusay ay nagawa naman nang maayos ang kanyang karakter. Nakababahala lang na pawang hindi gaanong nagamit ang kalugaran ng kuwento na halos naging palamuti lang. Ang mga kuwentong nakakabit sa New York ay hindi naman talaga nagpaiting sa tunay na kuwento ng pelikula. Sa madaling salita, kahit ilipat ang kuwento sa ibang kalugaran ay hindi pa rin magbabago ang takbo nito. Ang naging resulta tuloy ay napakaraming maliliit na kuwentong nakasanga sa pinakapuso ng pelikula na sa halip na makatulong sa pagpapayabong ng istorya ay nagpapaligaw sa nais nitong patunguhan. Naging pilit tuloy ang ilang eksena kung ikukumpara sa kabuuan. Salamat na lamang sa napakahusay na pagganap ng mga tauhan, sa malinis na sinematograpiya, sa magandang komposisyon ng mga eksena kaya't maituturing pa ring kaaya-aya ang In My Life.
Kahanga-hanga ang tauhan na si Shirley. Bagama't marami siyang pagkukulang at talaga namang hindi perpekto, nagawa naman niyang isakripisyo ang sariling kaligayahan alang-alang sa kinabukasan ng mga anak. Naging mahigpit at malupit man siya paminsan-minsan, ang mga ito'y hindi naman niya sinasadya. At sa bandang huli'y natuto siyang umamin sa mga pagkakamali at namayani pa rin ang pagmamahal at pagpapatawad. Marami nga lang nakakabahalang moral sa pelikula tulad ng relasyong homosekswal na nagsasama ang dalawang lalaki na pawang mag-asawa. Ipinakitang ito'y katanggap-tanggap at wala ni ano mang sinabi sa kuwento na ang ganitong relasyon ay hindi tama. Halatang nag-ingat din ang pelikula na huwag gawing sobrang lantaran ang mga eksena ng lambingan sa pagitan ng dalawang lalaki na naging maganda naman ang kinalabasan. Talamak din sa Amerika ang pagkapit sa patalim ng ating mga kababayan na nagpapakasal para lamang maging US citizen at makapagtrabaho doon ng legal. Hindi naman sinasabi ng pelikula na ito ay tama, ngunit sadyang ito ang natatanging paraan upang maging maayos ang kalagayan ng ilang Pilipinong naninirahan doon ng walang papel o illegal. Sa kuwento ng pelikula, nagamit ang aspetong ito upang makatulong kay Noel at upang gumaan din ang pakiramdam ni Shirley. Lalo tuloy naging nakababahala na naging katanggap-tanggap na talaga ang “marriage for convenience” sa ating mga kababayan. Higit pa rito'y kung paanong nagkakawatak-watak ang isang pamilya sa pagnanais ng mas malaking kita sa pangingibang-bayan. Dahil sa mga aspetong ito ay nararapat lamang ang pelikula sa mga manonood na may edad 14 pataas.