Cast: Nash Aguas, Robert Villar, Gloria Romero, Ana Capri, Sharlene San Pedro, Yul Servo; Director: Maryo J. delos Reyes;Screenwriter: Ricardo Lee; Genre: Drama; Distributor: APT Entertainment; Location: Bohol; Running Time: 100 min.;
Technical Assessment: 2.5
Moral Assessment: 3.5
CINEMA Rating: For viewers of all ages
Payak at tahimik ang pamumuhay ng mga tao sa San Isidro sa gitna ng ilang komplikasyon ng kanilang mga relasyon. Malapit na magkaibigan ang mga batang sina Ariel (Nash Aguas) at Rosemarie (Sharlene San Pedro). Dahil sa kahirapan ng buhay, si Ariel ay nais ipaubaya ng kanyang ina (Ana Capri) sa kanyang ama (Gerard Madrid) na may iba nang pamilya, ngunit labag ito sa kalooban ni Ariel na hindi pa rin mapatawad ang ama sa ginawa nitong pag-iwan sa kanila. Maayos naman ang pamilya ni Rosemarie at malapit sa mga ito si Ariel. Sa kanilang eskuwelahan, nagtitinda ng mga kakanin si Lola Idang (Gloria Romero) na may matinding hinanakit sa kanyang mga anak na umiwan sa kanya liban sa isa (Yul Servo). Malalason ang isang daang mga mag-aaral kasama na sina Ariel at Rosemarie pagkatapos kumain ng bibingkang kamoteng kahoy ni Lola Idang. Mamamatay si Rosemarie habang makakaligtas naman si Ariel. Labis na maapektuhan si Ariel sa pagkamatay ni Rosemarie, ngunit mapapalapit naman ito kay Atong (Robert Villar) ang kanilang kaklaseng walang kaibigan dahil sa kanyang itsura, amoy at pag-uugali; lingid sa lahat, si Atong ay minamaltrato ng kanyang malupit na tiyahin (Irma Adlawan). Kamumuhian si Lola Idang ni Ariel at ng mga magulang na namatayan, at halos kukulungin naman ito ng kanyang anak upang hindi tugisin ng mga mga galit na taong bayan.
Isang mapangahas na kuwento ang Kamoteng Kahoy, na hinalaw mula sa isang tunay na pangyayari sa lalawigan ng Bohol ilang taon pa lamang ang nakakalipas. Naipakita nang maayos ang payak na pamumuhay sa probinsya. Maganda ang mga tanawin at nakakaaliw sa pagkapayak ng produksiyon. Magagaling ang mga nagsipagganap lalo na sina Irma Adlawan, Robert Villar, Nash Aguas, at Gloria Romero bagama’t hindi gasinong lumalim ang kanilang mga karakter gawa ng pagkaka-”sabog” ng istorya. Pinilit maging maayos ang daloy ng kuwento ngunit sadyang nakakalito sa dami ang mga kuwentong pinagtagni-tagni at isiniksik sa isang malaking trahedya. Hindi mo tuloy malaman kung kanino o sa ano ba talaga umiinog ang kuwento? Ang dapat sanang bigat ng kuwento na kay Lola Idang at ang kanyang panindang kamoteng kahoy (kaya nga ito ang pamagat ng pelikula, dip o ba?) ay hindi gasinong naramdaman pagkat malabo ang pagkakalahad ng kanyang pagkatao. Nangibabaw naman ang punto de bista ni Ariel dahil laman siya ng pelikula mula simula hanggang wakas ngunit pawang karaniwan lamang ang kanyang pinagdaanan, di tulad ni Atong na may pinakamakulay na buhay ngunit ginamit lamang na “tungkod” sa kuwento ni Ariel. Ito ang matinding problema ng pelikulang maraming tauhan: hindi nabibigyan ng kaukulang pansin ang halaga ng bawat isa. Malaki sana ang potensiyal ng pelikula, subalit lumabas itong parang bibingkang napakaraming budbod, bukayo, latik, asukal at niyog sa ibabaw ngunit hilaw naman ang kamoteng kahoy na binubudburan.
Mapapatawad na natin ang minsa’y eksaheradong pag-arte ng mga naghihinanakit na tauhan sa Kamoteng Kahoy sapagkat malinaw at kahanga-hanga ang mensahe ng pelikula ukol sa pagpapatawad. Ipinasisilip nito sa atin kung gaanong kahirap matutuhan ang pagpapatawad—mahapdi at sadyang mapait na proseso ito na hindi kailanman maaring ipilit o apurahin. Habang matinding hinagpis ang pinagdadaanan ng buong bayan sa nangyaring trahedya sa mga bata ay may kani-kaniya naman silang suliranin na kinakailangan nilang lutasin sa loob ng kani-kanilang mga tahanan. Dalisay ang debosyon ni Lola Idang sa 20-taong pagtitinda ng kamoteng kahoy sa paaralan, ngunit nababalutan pa rin ang kanyang katauhan ng poot sa kanyang mga anak—bagay na naging sanhi ng walang saysay na pagkamatay ng isang-daang mga bata at halos nagtulak sa kanya sa tiyak na kapahamakan. Ipinakita sa Kamoteng Kahoy kung paanong ang galit ay nagiging isang matinding lasong kumikitil sa kaluluwa—higit pa sa lasong pumapatay lamang sa katawan. Hangga’t may galit at walang pagpapatawad sa puso ay hindi kailanman magiging maayos ang buhay ng isang tao, ng isang pamilya, at maging ng isang bayan.