Thursday, June 4, 2009

Dalaw

Cast: Katrina Halili, Tonton Gutierrez, Glydel Mercado, Kristel Fulgar, Matet de Leon, Mon Confiado, Anita Linda, Dexter Doria; Director: Joven Tan; Screenwriter: Joven Tan; Genre: Horror; Distributor: Pixel8 Entertainment Productions; Location: Cavite; Running Time: 90 min.;

Technical Assessment: 2.5
Moral Assessment: 2.5
CINEMA Rating: For viewers 14 and above

Dahil desperado nang makakuha ng magandang istoryang kakaiba, pupunta si Laarni (Katrina Halili) sa isang bayan sa Cavite upang magsaliksik ukol sa kumakalat na balitang nagmumulto sa lugar na nagngangalang Estela (Kristel Fulgar). Si Estela diumano ay dumadalaw sa mga dalagita na unang beses pa lamang dinaratnan ng regla. Sa pagsasaliksik ni Laarni, malalaman niya ang kuwento ni Estela: Hindi naging masaya ang pagsasama ng mga magulang ni Estela. Laging nag-aaway sina Erning (Tonton Gutierrez) at Cleo (Glydel Mercado) ukol sa isang lalaking kalaguyo ni Cleo na si Amado (Mon Confiado). Sa isang mainitang pagtatalo, mapapatay ni Erning si Cleo sa harapan ni Estela. Labis na maaapektuhan si Estela ng pangyayari. Ito na rin ang simula ng pagmamalupit ni Erning kay Estela. Ngunit mayroon pa palang mas malalim na dahilan kung bakit malupit si Erning kay Estela at ito ang kanyang sinisisi sa pagkakapatay niya kay Cleo. Habang nadidiskubre ni Laarni ang lahat ay pinagmumultuhan na rin siya ni Estela. Mabigyang linaw kaya ni Laarni ang kuwento ni Estela o maging isa rin siyang biktima ng pagdalaw nito?

Nagsubok ang pelikulang Dalaw na makabuo ng isang kakaibang kuwento katakutan mula sa isang karaniwang sabi-sabing Pilipino ukol sa buwanang dalaw ng mga kababaihan. Kaiga-igaya sana ang konsepto pero hindi ito napanindigan sa kabuuan ng pelikula. Pinakamalaking pagkakamali nito ang hindi pagbibigay ng bigat sa kuwento ng bida. Pawang mas malalim pa ang kuwento ng mga pangalawang tauhan kaysa sa bida. Tuloy ay hindi malaman ng manonood kung kanino ba talaga ang kuwento. Maraming inihaing isyu ang kuwento ngunit wala ni isa sa mga ito ang tunay na nagalugad at nabigyang halaga. Maganda naman ang tunog at mga kuha ng kamera na talagang madarama na isang katakutan ang pelikula ngunit pawang hindi naging epektibo ang mga ito dahil hindi maramdaman ang tunay na kuwento. May mga tauhang hindi malaman ang tunay na kinalaman sa istorya tulad ng manghuhula at isang matandang may-ari ng bahay-tuluyan na hindi malinaw ang papel na ginagampanan sa kuwento ni Estela. Sa bandang huli’y pawang nasayang ang mga mahuhusay na pagganap ng karamihan sa mga tauhan sa dami ng butas ng kuwento.

Karaniwan na sa kulturang Pilipino ang pagiging mapagpaniwala sa mga sabi-sabi. Isa na rito ang ukol sa buwanang dalaw ng mga kababaihan. Halos wala namang bago sa sinabi ng pelikula at pinalala pa nito ang pananakot sa mga dalagita. Sa halip na bigyang linaw ang sabi-sabi ay lalo pa itong naging malabo. Nakakabahala ang kuwento ni Estela. Hindi isang karaniwang relasyong mag-ama ang tinukoy sa pelikula. Pero higit na nakababahala na hindi ito naresolba at nabigyang paliwanag. Pawang ang lahat ay mga reaksiyon na lamang sa pangyayari. Pawang puro kasamaan ang namamayani sa kuwento at wala man lang bahid ng kaunting kabutihan o kadalisayan. Maging ang intensiyon ni Laarni ay hindi dalisay na nagnanais lamang gamitin at pagkakitaan ang kuwento ni Estela. Hindi malinaw ang tunay na ugat ng problemang pampamilya ni Estela. Halos kundenahin pa nito ang insesto at pagpapakamatay bilang pagtakas sa problema. Isang malaking pagkakamali at kasalanan ang pang-aaping ginawa kay Estela ngunit wala naman talagang naparusahan sa kuwento. Ang kanyang pagpapakita at pagdalaw ay pawang walang sinisino at walang mensaheng nais iparating bukod sa pananakot. Kinonsinte rin ng pelikula ang pakikiapid sa konteksto ng pagmamahal kung kaya’t lalo itong naging kabaha-bahala. Sa dami ng maseselang paksang tinalakay sa pelikula at mga eksena nitong katakutan, nararapat lamang ang Dalaw sa mga manonood na 14 gulang pataas.