Director: Antoinette Jadaone
Lead Cast:
Liza Soberano, Enrique Gil
Screenwriter:
Antoinette Jadaone
Producer:
Olivia Lamasan
Editor:
Benjamin Gonzales Tolentino
Genre: Romance
Cinematographer:
Neil Daza
Distributor: Star Cinema
Location:
Philippines
Running
Time: 110 Minutes
Technical
assessment: 3.5
Moral assessment:
3
CINEMA rating:
A14
MTRCB
Rating: PG
Pagtatagpuin
ng sining ang dalawang magkahiwalay na mundo na noo’y mga college students pa lang na sina Tin (Liza Soberano) at Raf ( Enrique Gil). Magiging close ang dalawa ang magkakatuluyan
bilang magkasintahan. Punong-puno silang dalawa ng pangarap at ambisyon – sabay
nilang binuo ang kanilang pangarap na sila ay tatandang masaya, matagumpay at
higit sa lahat, magkasama. Ngunit tila hindi ito ang mangyayari. Makalipas ang
walong taon, magku-krus muli ang kanilang landas – sa pagkakataong ito, si Raf
ay isa nang matagumpay at pilantropong doktor. Habang si Tin nama’y
nagta-trabaho bilang executive assistant
ng isang may-ari ng NGO (Non-Government
Organization). Kalauna’y magkakaalaman na tila sila’y pinaghiwalay ng
sanga-sangang mga pangyayari. Magkatuluyan pa kaya sila sa bandang huli o mas
makabubuti sa kanilang dalawa ang magkani-kaniyang landas?
Makasining
at makabuluhan ang Alone/Together. Hindi
ito yung tipikal na pelikulang kilig kahit pa ang sikat na tambalang LizQueen
ang naririto. Tinalakay nito ang masalimuot na pag-ibig sa gitna ng pangarap, ambisyon, dangal at paninindigan. Mahusay ang
pagkakahalukay ng pelikula sa tamang damdamin ng bawat tauhan bagama’t
maka-minsa’y pawang hindi ito gaanong dama ng manonood. Kasabay ng pagtatalo ng
isip at damdamin ng pangunahing tauhan ay sabay din ang pagkalito sa mararamdaman
ng manonood. Pero maaring ito’y sinasadya din. Patungo ang pelikula sa mga
usaping kung ituring ay “mature” – trabaho, obligasyong panlipunan, ambisyon,
responsibilidad, pangarap at tunay na kasiyahan. Bagama’t kung tutuusi’y marami dito ang parang
“pilit’ at di pa masyadong akma – at ang tila hindi kapani-paniwalang pagitan
ng mga panahon o timeline, masasabi
na ring mahusay ang pelikula sa tapang nitong maghain ng isang romance na may kakaibang sangkap. Dun pa
lamang, kahanga-hanga na ang pelikula.
Maraming nais sabihin ang Alone/Together – nariyang ipaalala nito sa mga manonood maya’t-maya
ang dapat na “hindi paglimot” sa nakaraan. Patungkol ito sa hindi paglimot sa
kasaysayan at sa mga aral na dulot nito. Tama nga naman, sa gitna ng palasak na
“move-on mentality”, bakit hindi natin balikan ang nakaraan hindi upang
maghasik ng galit or kawalang patawaran kundi upang matuto sa mga aral na
nakapaloob sa mga pangyayaring ito. Magkaiba ang paglimot at pagpapatawad. Sa hindi
paglimot ay magagawa nating maging mas mabuting tao – at sa pangkalahatan ay
makakabuo tayo ng mas mabuting lipunan. Sinasabi rin ng pelikula na parating
may pag-asa at parating may pagkakataong bumangon sa pagkakadapa. Hindi rin dapat
panghinaan ng loob na tuparin ang pangarap dahil lang sa pagkakamali. Ang sining
ay sumasalamin sa buhay – hindi perpekto ngunit makabuluhan at may sariling
pagkakakilanlan. Ang pag-ibig gaya ng ipinakita sa pelikula ay parte lamang ng
kabuluhan at hindi ito ang lahat-lahat. Sa
pagmamahal dapat laging isinalang-alang ang maraming bagay at komplikasyon na nakapalibot
dito. Kahanga-hanga si Tin bilang isang karakter na nagawang pairalin ang isip
higit sa puso – na bagama’t naging takot at mahina sa simula ay nag-ipon ng
tapang at lakas upang harapin ang at sundan ang mga pangarap. Si Raf naman ay
kahanga-hanga rin na nagawang baguhin ang kanyang buhay sa pamamagitan din ng
pagsusumikap. Magandang halimbawa silang dalawa para sa mga kabataan – maliban lamang
sa isang pagkakamaling kanyang ginawa sa bandang dulo ng pelikula – na tila
pinanindigan din naman niya kung kaya’t katanggap-tanggap na rin ito sa kabuuan.
Dahil sa mature na tema ng pelikula,
nararapat lamang ito sa mga manonood na 14 gulang pataas.—RPJ