LOCATION: Philippines RUNNING TIME: 125
minutes
Technical
Assessment: 3.5
Moral
Assessment: 3
MTRCB
Rating: PG13
CINEMA
Rating: Mature viewers 14 and above
Kasalukuyang
nagkakaproblema ang pagsasama ng mag-asawang Vince (Richard Gomez), isang doctor,
at Trisha (Dawn Zulueta) na isang businesswoman dahil sa pagkakabisto ni Vince sa
pakikipagmabutihan ni Trisha sa bestfriend niyang si Greg (Tonton). Aaminin ni Trisha na bagama’t
nagkakalapit sila ni Greg, wala pang namamagitan sa kanila maliban sa isang
halik. Gayunpaman, hihingi siya ng
tawad kay Vince subalit mahihirapan si Vince na patawarin ang asawa at
kalimutan ang ginawa nito, pagkat sa kanyang isipan, pagtataksil pa rin
ito. Sa puntong ito ng sama ng
loob at paninibugho ni Vince sa asawa aymagkukrus naman ang landas ni Vince at
ang dalagang abogado na si Adie (Bea Alonzo). Katulad ni Vince, may pinagdaraanan
ding sakit ng kabiguan sa pag-ibig si Adie dahil tinalikuran siya ng kanyang fiancé na si Ryan (Tom Rodriguez).
Makakasama at makukumbinse ni
Vince si Adie na makahiligan ang sailing sport kaya nagkakasama sila tuwing weekend hanggang tuluyang magkalapit at magkamabutihan. Katulad ng dapat mangyari ay mabibisto
ng asawang si Trisha ang nabubuong relasyon sa dalawa.
Karaniwang
kwento ng problemang may-asawa, pangangalunya, paghahanap ng sarili at
pagpapahalaga sa pamilya ang hatid ng The
Love Affair. Subalit naiangat
ng director mula sa karaniwang talakay ang kwento dahil sa mga elemento ng
tinatawag na power casting, characterization, at pagpapalabas ng
emosyon sa mga eksena. Wala pa ring kupas ang chemistry ng tambalang Gomez at Zulueta gayundin ang mga husay nila
sa pagganap lalo na si Zulueta. Makahulugan at tumatatak ang palitan ng mga
linya. Hindi rin nagpahuli sa kanyang mga eksena at mga linya si Alonzo.
Epektibo rin ang ginawang trato ng direktor sa mga malalapit na kuha ng kamera.
Tagumpay ang stratehiyang ito na makuha ang simpatiya ng manonood at mataman na
sundan ang mga susunod na eksena o pangyayari sa mga tauhan. Medyo nakakainip
lang ang pinahabang mga eksena ng paghingi ng tawad na hindi naman
maibigay-bigay. Nagpatagal din ang
mga inulit na eksena ng flashback
tulad ng inulit na death scene ng anak nila Vince at Trisha para
ipagdiinan ang kasalanan ni Vince sa pagkamatay ng anak. Gayunpaman ay maganda
ang disenyo ng produksyon at maayos ang mga transition
ng mga indoor at outdoor scenes.
Mayaman
sa mensahe ng pagpapahalaga sa pamilya ang The
Love Affair. Ito ay sa kabila ng pinakitang kahinaan ng mga magulang sa
harap ng tukso, dahil sa kasunod ng pagbagsak nila sa kanilang mga kahinaan ay
ang pagbangon na maitama ang mga pagkakamali at makapagsimulang muli. Totoong mahirap matanggap ang pagkakamali at makipagpatawaran
sa pagitan ng mag-asawa. Mahirap ding ibalik ang nawalang tiwala. Subalit gaano man kasakit o kasalimuot
ang mga naging sitwasyon ay dapat pa rin itong harapin at lapatan ng lunas sa
halip na takasan at dagdagan pa ng ibang pagkakamali. Bagama’t ang tema ng The
Love Affair ay pagtataksil ng asawa (sinabi na nga sa pamagat nito),
malinaw at matatas ang mensahe ng pelikula: hindi kailanman mabuti o tama ang
pakikiapid, nakakasira ito ng buhay, dapat itong iwasan. Ang mga kaibigan ni Adie na mismo ang
nagbababala at pumipigil sa dalaga sa ginagawa nitong pagpatol sa isang may
asawa. Natatangi dito ang karakter
ni Feleo na gumanap bilang kaibigan ni Adie. Naging totoo ito sa pagpapakita ng malasakit at hayagang
pagsasalita sa kaibigan upang maimulat lamang ang mga mata nito sa kanyang
kahangalan. Ang pagpapahalaga sa
pamilya ay isa pang maliwanag na mensahe ng The Love Affair, mensaheng pinadaan sa mga anak ni Vince at Trisha na sa kabila ng kanilang kabataan buong
tatag at tapang na hinarap ang problema at sinikap na makatulong maiayos ang
pamilya. Gawa ng mga maseselang
isyung tinatalakay sa The Love Affair,
pati na rin ang mga markadong linya at eksena ng pagtatalik, maaring malabis na
ito para sa pang-unawa ng mga kabataang may murang isipan.