DIRECTOR: J.P. Habac
STARRING: McCoy De Leon, Elisse Joson, Bembol
Roco, Chai Fonacier Paulo Angeles, Milo Elmido Jr.
COUNTRY: Philippines
LANGUAGE: Filipino
RUNNING TIME: 90 minutes
Technical
Assessment: 3
Moral
Assessment: 3.5
Cinema
Rating: A14
MTRCB
Rating: PG
Magkaeskuwela sila Pol (McCoy De Leon) at Laya (Elisse Joson) sa isang pamantasan
sa Baguio ngunit hindi sila magkakilala. Nang minsang masilayan ni Pol si Laya,
napahanga na siya agad dito. Pero dahil sadyang torpe, hindi nagka-lakas loob
si Pol na magpakilala kaya’t naging pawang ligaw-tingin lang siya kay Laya mula
sa malayo. Magtatagpo ang kanilang landas isang gabi sa isang bar—si Pol na gumigimik
lang at nanonood ng music festival at
si Laya na may mabigat na dinadalang problema at desidido nang bumalik ng
Maynila. Sa pagtatagpong yun,
magsisimula ang isang makabuluhang pagkakaibigan sa pagitan nilang dalawa at
ang posibilidad na ma-in-love sila sa isa’t-isa.
Payak ang kuwento maging ang pagkakagawa ng Sakaling Maging Tayo ngunit hitik ito sa damdamin at sinseridad. Walang
histerya, walang sigawan, sampalan o mabibigat na eksena pero sinalamin nito
ang saloobin ng mga kabataan ukol sa maraming bagay na bumabagabag sa kanila. Maayos
ang pagkaka-direhe at mahusay ang mga nagsiganap. Nababagay silang lahat sa
kanilang karakter na ginampanan—pawang hindi mukhang umaarte lang ang mga
tauhan at napakagaan nilang panoorin. Ang Baguio bilang kalugaran ng kuwento ay
umakma rin sa daloy ng kuwento—banayad at tahimik. Hindi man nakapag-paiyak ang
pelikula, nakapagpukaw naman ito ng ilang mahalagang usapin ukol sa kabataan at
pag-ibig.
Mariing ipinakita sa pelikula kung ano ang ibinubunga ng kapusukan at
maling desisyon. Ngunit mas mariin pa rito ang pagsasabing hindi pa huli ang
lahat upang magdesisyon nang tama—at sa bawat pagkakamali, pinakamahalaga ang
may matutunan dito. Nagsusumigaw sa pelikula ang aral na ito nang walang halong
panenermon at panghuhusga. Patunay na ang paggawa ng mali ay isa na talagang
kaparusahan kung kaya’t nararapat maging bukas sa pagsisisi at pagbabago. Si
Pol ay isang mabuting halimbawa lalo na sa mga kabataang lalaki. Angat siya sa
karaniwan—dalisay at mapagmahal bilang anak at kaibigan, at maging bilang mangingibig.
Si Laya bagama’t nagkamali ay kapuri-puri pa rin sa pagpupursigeng magbago at
ituwid ang kanyang mali. May takot sa kahihinatnan ngunit hindi takot ituwid
ang landas. Nababagay sa kanyang karakter ang kanyang pangalan—pinili niyang maging
malaya sa isang mapang-abusong relasyon at malaya sa mga maling desisyon,
pagkat ang pagbibigay ng lahat-lahat para sa minamahal ay hindi parating tama. Ang dapat ay ang pagmamahal sa sarili at
pagsasaalang-alang sa kinabukasan. Higit sa lahat, maging maingat sa pagpili—at
parating piliin kung ano ang tama. Hindi
ito magiging madali, ngunit ito ang makapagbibigay ng kapayapaan ng isip at
damdamin—at sa bandang huli ng sakripisyo ay ang mga tunay na biyaya. Walang maseselang
eksensa sa pelikula ngunit usaping pag-ibig at sekswal ang pinaka-buod nito na
tinalakay sa disenteng paraan—bagay na dapat maituro sa kabataan 14-gulang
pataas upang sila ay magabayan sa kanilang magiging desisyon sa buhay.—RPJ