DIRECTOR:
Antoinette
Jadaone STARRING: James Reid, Nadine Lustre; WRITTEN BY: Antoinette Jadaone;
GENRES: Drama, Romance; CINEMATOGRAPHY:
Mycko David; PRODUCTION COMPANY:
Viva Films; DISTRIBUTED BY: Viva
Films; COUNTRY: Philippines; LANGUAGE: Filipino, English RUNNING
TIME: 1 hour 40 minutes
Technical
assessment: 3
Moral
assessment: 2.5
CINEMA
rating: V18
MTRCB
rating: PG
Nang dahil sa trabaho, magtatagpo ang landas nila
Gio (James Reid), isang graphic artist
at Joanne (Nadine Lustre), isang bagong graduate
at bagong salta sa Maynila na nagta-trabaho sa isang advertising agency. Magkaka-gusto agad si Gio kay Joanne kaya’t
liligawan niya ito sa paraang alam niya—magkakamabutihan sila sa kabila ng
pagiging magka-iba ng pananaw sa buhay. Makukumbinsi ni Gio si Joanne na
magsama silang dalawa at dito’y lalo silang tila hindi na mapaghiwalay. Ngunit
masusubok ito nang magkaron si Gio ng oportunidad sa London at mapilitan si
Joanne na sumama dito kahit pa nasa Maynila ang katuparan ng kanyang pangarap.
Magsasama sila sa London at doon magsisimula nilang madiskubre ang
kani-kanilang sarili – ang kani-kaniyang kasiyahan na kahit pa ibig sabihin
nito’y kailangan nilang magkahiwalay.
Marubdob ang bawat damdamin sa Never Not Love You. Taong-tao ang mga karakter na binigyang buhay
ng isa sa mga pinakamainit na tambalan ngayon. Lumabas ang pelikula sa
karaniwang de-kahong romansa. Nariyan pa rin ang kilig, pero sa pagkakataong
ito, mas may malalim na kabuluhan at sinseridad ang pelikula na talakayin ang
isang relasyon sa gitna ng mga pansariling ambisyon, kasiyahan at pangarap. Mga
bagay na nangagailangan ng mas mataas na antas ng pagdedesisyon. Ang mga
komplikadong sitwasyon at karakter ay nagampanan ng buong husay ng dalawang
bida. Bumagay sa kanilang parehas ang kanilang mga papel—si Reid bilang happy-go-lucky artist at si Lustre
bilang ma-ambisyon na probinsiyana.
Sakto ang timpla at hagod ng damdamin ng mga eksena, pati na ang mga
malalim na katahimikan sa gitna ng mga away, pagtatalo, at kaguluhan. Pati ang
mga piniling lugar ay nakatulong din ng husto sa lalo pang ikinaganda ng
kuwento. Kita ang kaluluwa ng pelikula
na naka-ugat sa dalawang pusong nagmamahalan-magkaiba ng mundo ngunit
pinagtagpo ng layuning mahalin ang isa’t-isa.
Lamang, tila nagkulang ang pagkahubog ng kabuuan sa bandang huli kung
saan hindi masyadong buo ang naging katapusan ng kwento. Hindi lamang bitin
kundi nagging salat sa sapat na katuwiran ang naging pagtatapos. Pawang hindi
rin gaanong nahalukay ang lalim ng mga damdamin. Maaring sinasadya din nitong
iwasan ang histerya, ngunit may nawala ding elemento sa pelikula na dapat sanaĆ½
nakapukaw ng isipan at puso ng manonood.
Nasa sentro ng Never
Not Love You ang dalawang kabataang nagsisimulang mamulat sa katotohan ng
pagsasama ng magkasintahan. Bagama’t hindi tahasan, nakakiling ang pelikula sa
makabagong pananaw patungkol sa pakikipag-live-in:
walang alinlangang pinalalabas ito na katanggap-tanggap sa lipunan. Nakababahala
na hindi man lang nababahala ang kahit na sino sa kuwento sa ganitong klaseng set-up na mayroon ang dalawa. Tila baga,
sapat nang panghawakan ang mga salita—o ang pagpapa-tattoo para masabing may matibay na saligan na ang pagsasama ng
isang babae at isang lalaki. Mamumuhay na parang mag-asawa na kinasal lamang sa
isang tattoo bar.
Wala ring maituturing na kinikilalang gabay ang mga
tauhan. Ang mga desisyon ay pawang naka-base lamang sa payo ng kaibigan o di
kaya ng boss. Napakaliit ng papel na
ginampanan ng mga magulang sa pelikula. Parte marahil ng nais panghawakan ng
pelikula na nasa wastong gulang na ang mga karakter upang gumawa ng kani-kanilang
pansariling desisyon. Delikado ito at
nakababahala lalo’t higit sa mga pagkakataong nangingibabaw ang emosyon sa
isipan. Walang malinaw na pagpapahalaga ang mga tauhan bukod sa pagnanais
nilang maging “masaya”—pero maging ang kasiyahang ito ay dapat pag-isipan kung
saan naka-ugat at kung saan patungo. Parte marahil ng napakaraming tanong sa isipan
ng mga tauhan sa bandang huli. Saan ba dadalhin ng tadhana ang dalawang
magka-ibang puso na bumabagtas ng kani-kaniyang kapalaran? Anong bukas ang
naghihintay kung laging magtatalo ang puso at isipan? Sa gitna ng mga
pagtatalong ito, sana’y naisipan ng pelikula na kurutin kahit gaano kanipis ang
posibilidad na baka kaya magulo ang mga relasyon ay sa dahilang wala itong
tamang pagbabasbas? Wala itong matibay na ugat at maasahang gabay at saligan—na
ang dalawang puso ay di maaring isipin lamang ang kanilang pansariling
kapakanan kundi pati ang kapakanan ng buong komunidad sa kanilang paligid sampu
ng bubuin nilang maliit na lipunan sa kanilang tahanan? Tila yata ang konsepto
ng kasiyahan sa kasalukuyang panahon ay naka-sentro sa pansariling kaligayan,
ambisyon at mararamot na dahilang dikta ng lipunang nalunod na sa kamunduhan.
Dahil sa mga maseselang tema ng pelikula ukol sa relasyon, minamarapat ng
CINEMA ang Never Not Love You ay
akma sa mga manonood na 18-taong-gulang pataas.