DIRECTOR:
Albert Langitan LEAD CAST: Paolo
Ballesteros, Yam Concepcion & Polo Ravales
SCREENWRITER: Albert Langitan
PRODUCER: Vic del Rosario,
Jr. EDITOR: Mark Cyril Bautista MUSICAL DIRECTOR: Immanuel Verona GENRE: Comedy
CINEMATOGRAPHER: Journalie
Payonan DISTRIBUTOR: Viva Films LOCATION: Oriental Mindoro, Philippines RUNNING TIME: 96 minutes
Technical assessment: 2.5
Moral assessment: 2.5
CINEMA rating: V14
Sumpungin at may pagka-spoiled brat ang baklang si Kimmer (Paolo
Ballesteros), na nakatakdang ikasal kay Macky (Polo Ravales). Isang araw, habang namamasyal sa beach si Kimmer kasama ng kanyang yaya,
nahulog siya sa gulod nang pilit niyang abutin ang isang bulaklak. Natagpuan siya ng mga batang naglalaro na
walang ulirat sa dagat at itinuloy siya sa bahay ng kapitan ng barangay, kung
saan matutuklasang may amnesia siya,
at walang matandaan sa mga pangyayari, kahit ang kanyang pangalan. Aarugain siya ng kapitan at ng kanyang
maybahay, habang inaasahan nilang babalik ang pag-alala ni Kimmer. Pagkat ang
soot niya nang matagpuan siya at isang t-shirt
na may nakasulat na “Macky” sa dibdib, papangalanan siyang Macky ng isang
batang lalaking naging malapit sa kanya. Di kalaunan, makikilala ni
Kimmer/Macky si Doray (Yam Concepcion) ang anak na dalaga nila kapitan, at dito
sisibol ang isang kakatwang relasyon sa pagitan ng isang matalinong dalaga at
isang baklang hindi maalala na siya ay bakla.
Hindi kinailangan ng Amnesia
Love ang katangi-tanging film-making
techniques pagka’t ang sinakyan nito ay ang daloy ng kuwento. Bilang
komedya, hindi ito nakakatuwa pagkat ang pagpapatawa nito ay uminog sa
kapangitan ng asal ni Kimmer na idiniin pa ng kabastusan ng kanyang pakikitungo
sa may-edad niyang yaya. Tila kinailangan
pa ni Kimmer na mabagok para magkaroon ng modo. May mga parte na nakakainip ang pelikula at
pinahahaba ang eksena nang hindi naman kailangan. Hindi rin “pantay-pantay” ang kalidad ng
pagganap ng mga pangunahing artista: minsa’y ayos, minsa’y pilit, tuloy
nagmumukhang artipisyal ang mga tauhan.
Isang bagay na hindi inaasahan ang nagbigay kulay sa Amnesia Love: ang pagpapakita ng
pang-araw-araw ng buhay ng mga naninirahan sa isla: ang kapayakan ng kanilang
pamumuhay, ang kaayusan ng komunidad, ang kanilang likas na kabutihan (na hindi
pa nababahiran ng makabagong kaguluhan ng lungsod), atbp. Ngunit sa pagtatapos ng
pelikula, hindi mapigil ng CINEMA na magtaka kung ano ba talaga ang tinutumbok
nito. Bakit pinagsabong ang katusuan ng
babae at ang katapatang magmahal ng bakla? Hindi patas. Tila ba idinisenyo lamang ang kuwento para palabasin na mabubuting tao din
naman ang mga bakla kaya dapat lamang na ibigay ang hinihingi nila—same sex marriage. Pero di ba kataka-taka na sa islang yaon—na ni
hindi pa nga maabot ng cell phone signal—ay
wala ni isa man lamang batang magtatanong sa magulang kung bakit dalawang
lalaki ang ikinakasal?
Ang pag-aasawa ay panghabang-buhay na pag-iisang dibdib ng
isang lalaki at isang babae, upang maganap ang kalooban ng Panginoon na
magpatuloy ang lahi sa pamamagitan ng mga supling na ibubunga nito. Huwag nating hayaang malito ang ating mga
anak—lalo na ang mga musmos—at tanggapin nila nang walang tanung-tanong ang mga
paniniwalang lihis sa itinakda ng kalikasan.