DIRECTOR: Eduardo Roy, Jr. LEAD CAST:
Hasmine Kilip, Ronwaldo Martin, Maria Isabel Lopez WRITER:
Eduardo Roy, Jr.CINEMATOGRAPHY: Albert Banzon EDITING:
Carlo Francisco Manatad MUSIC:
Edwin Fajardo PRODUCERS: Almond Deria Hernandez, FErdiand Lapuz PRODUCTION DESIGN: Harley Alcasid GENRE: Drama LOCATION: Philippines
LANGUAGE: Pilipino (with English
subtitles) RUNNING TIME: 1:47
Technical assessment: 3.5
Moral assessment: 2.5
CINEMA rating: V18
MTRCB rating: R-16
Nabubuhay
sa pagnanakaw sila Jane (Hasmine Kilip) at Aries (Ronwaldo Martin), naturingang
mga “street dwellers” ng lipunan—yaong mga taong naninirahan sa kung saan-saang
kalye at mga lugar na pampubliko sa Maynila.
Edad 16 si Jane, at si Aries, 17, may anak silang mag-iisang buwan ang
edad; at sinasabi nilang sila’y mag-asawa, at ang apelyido nila’y “ Ordinaryo”. Kahit na mukhang “astig” si Jane, darating
ang araw na mahihimok siya ng isang bakla na tanggapin ang alok nitong
tulong. Pupunta sila sa supermarket at habang namimili si Jane
ng mga lampin, ipapahawak niya ang anak sa bakla. Habang nakapila sa kahera, matutuklasan ng
bakla na kulang ang kanyang pambayad, kaya’t magpapaalam ang bakla upang sumaglit sa ATM. Hindi na ito babalik, tangay ang sanggol.
Humakot
ang Pamilya Ordinaryo ng mga gantimpala
at papuri sa mga international film
festivals sa ibang bansa, simula ng 2016 release—karamihan dito’y Best
Actress (Hasmine Kilip), Best Director (Eduardo Roy, Jr.), at Best Film. Hindi kataka-taka, pagka’t sadyang
kahanga-hanga ang husay ng pagganap ni Kilip—isang di kilalang artista—at ng
pagkakadirihe ni Roy, kaya’t nagmistulang dokumentaryo ang pelikula. Nitong nakaraang Mayo, nakamtan din ni
Ronwaldo Martin (batang kapatid ni Coco) ang Best Actor award sa Harlem (New
York) Film Festival. May mga pagkukulang
din ang pelikula, kabilang dito ay ang paulit-ulit na linyang binibigkas ni
Kilip at Martin—ang dating tuloy ay parang imbento lang nila ang sinasabi
pagkat nakalimutan nila ang script,
ngunit naremedyuhan dapat ito ng editing.
Hindi
maikakaila na ang kuwento sa Pamilya
Ordinaryo ay ordinaryo na lamang, kung baga, sa malalaking siyudad tulad ng
Maynila, ngunit sinikap pa rin ng pelikula na imulat pa ang mga mata ng mga taong
nagiging manhid na sa kalagayan ng mga dukha sa Pilipinas. Nakapagngingitngit kung paano pinagsasamantalahan
at inaabuso ng media, ng masasamang-loob,
at ng kapulisan sila Jane at Aries.
Magkahalong inis at habag din ang mararamdaman ng manonood gawa ng mga palalong
hakbangin ng dalawa sa paghahanap ng kanilang nawawalang sanggol. Ang galit ng lipunan ay dapat ituon ng
manonood hindi sa tao, kungdi sa sistemang lumalamon sa puso at diwa ng tao. Bitin ang katapusan ng pelikula, tila baga hamon
sa manonood upang magpasiya sa sarili
kung ano ang nais niyang mangyari, at ang nararapat niyang gawin.