Direction: Prime Cruz; Lead Cast: Ryzza Cenon, Martin del
Rosario, Cholo Barretto, Vangie Labanan; Story/Screenplay; Jen Chuanunsu; Editing: Galileo Te; Cinematography: Tey Clamor; Producer: Perci Intalan, Jun Lana; Location: Metro Manila; Genre: Romantic Thriller; Distributor: The Ideal First Company Running Time: 82 minutes.
Technical assessment: 3
Moral
assessment: 3
CINEMA
rating: V18
Si Jewel (Cenon) ay isang misteryosang dalaga na mag-isang
naninirahan sa Unit 23B. Sa umaga, siya ay isang mahiyaing guro ng Ingles sa
internet pero sa gabi, siya ay nagbabagong-anyo at nagiging mapusok at mapang-akit.
Lilipat sa gusali nila si Nico (del Rng osario) at kanyang lola (Labalan). Magsasanga ang kanilang landas at buhay nang maging
magkalapit silang magkaibigan. Dagdag pa ang pagkakasundo ni Lola at Jewel sa
isa’t isa. Unti-unti ay mahuhulog ang loob ni Nico kay Jewel, kaya nga lamang
ay may matinding lihim ang dalaga na maaring makasira sa kanilang pagkakaibigan o sa buhay ni Nico.
Sinikap ni Prime Cruz na bigyan ng bagong kahulugan ang alamat at kwentong bayan ng mga manananggal sa pagsilip ng pagiging tao nito at pagkakaroon ng
kakayahang magmahal at magpahalaga. Salungat ito sa nakasanayang pananaw sa mga nilalang ng Literaturang Filipino. Hindi maikakaila ang husay ng
sinematograpiya nito na kahit ang mga hindi nakaiintindi ng kasanayang ito ay
mapapansin ang laro ng ilaw at imahen ng mga eksena. Kapuri-puri rin ang daloy
ng kwento. Tama ang paninimbang kung kailan dadaanin sa kilig ang pag-usbong ng
pag-ibig at sindak sa pagkakatuklas sa tunay na katauhan ni Jewel. Malaking
bagay ang karakter at pagkakaganap ni Lola dahil nabigyan nito ng gaan at
katotohanan ang relasyon nina Nico at Jewel. Mahina ang pagkakagananp ni Nico.
Wala siyang iniwan sa kapirasong kahoy na nabarnisan sa labas pero hungkag sa
loob. Pwede nang patawarin ang mala-robot na pag atake ni Cenon kay Jewel, hindi siya kapanipaniwala sa kabaitan
o sa pag-aakit pero mayroon namang mga pagkakataon ng kinang tuwing
nilalabanan niya ang pagbabagong anyo (kaya siguro maya’t maya ang mga eksenang ito para
mapanindigan na humusay nang gumanap si Cenon). Ang tambalan nina Cenon at del
Rosario ang pinakamahina sa pelikula. Wala silang “chemistry”, ika nga. Maganda
ang materyal at ang sining nito. Mas mapaghuhusay sana ang pelikula kung mas
bihasa ang mga gumanap. Ang pinakamatitibay na eksena ay kung kailan
tahimik na nagkakatinginan lamang silang dalawa. Walang kumikilos,walang nagsasalita pero
napakalakas ng damdamin sa pagitan at napakarami nang maaring pagmuni-munian.
Dahil ang kinatatayuan ng kwento ay tungkol sa manananggal,
asahan na may mga mamamatay o mga ilang karumaldumal na eksena.
Pero sa mga kamay ni Cruz, hindi ito ang kanyang binigyang-diin. Sa halip,
ipinakita ang pagsusumikap ng isang nilalang na labanan ang tawag ng laman at
kung papaanong ang pag-ibig ay mas makapangyarihan kaysa kamunduhan. Malakas din ang mensahe sa pamilya at pag-aalaga sa
matatanda at nagtangka rin si Cruz na pahagingan ang isyu ng “EJK” o extra
judicial killings. Samakatuwid, sa gitna ng konteksto ng likas na patayan dahil
sa tema ng “manananggal”, naisingit ang tema ng buhay, pagmamahal at paggalang
sa tao. Kailangan nga lamang ng mas mature na manunood na may matalim na kabatiran
at malawak na pag-iisip para hindi mauwi sa simpleng naratibo tungkol sa hindi makatotohan nilalang or sex and violence ang pelikula.