DIRECTOR: DONDON S. SANTOS LEAD CAST:
PIOLO PASCUAL, YEN SANTOS, RAIKKO MATEO
SCREENWRITER: ONAY SALES PRODUCER: MANNY A. VALERA EDITOR:
CHRISEL DESUASIDO MUSICAL
DIRECTOR: FRANCIS CONCIO GENRE:
ROMANCE, DRAMA CINEMATOGRAPHER: ZACH SYCIP
DISTRIBUTOR: STAR CINEMA LOCATION: ALASKA, NEW ZEALAND RUNNING TIME: 100 MINS.
Technical assessment: 3
Moral assessment: 3
CINEMA rating: V14
MTRCB rating: PG
Matagal nang naninirahan
si Charlie (Piolo Pascual) sa Alaska. Naiwan niya sa Pilipinas ang kanyang anak
na Charlie (Raikko Matteo) rin ang pangalan, at matagal nang hindi niya ito
nakikita. Sabik ang bata na makapunta na sa Alaska para makilala ang ama at excited din itong masaksahan ang
northern lights sa Alaska. Laking gulat ni Charlie nang malaman na
magbabakasyon mag-isa ang anak sa Alaska. Sa kanilang pagkikita, alangan si
Charlie sa anak. Hindi nito alam kung paano ito patutunguhan at umiiwas din ito
sa mga tanong ng anak lalo’t patungkol sa dahilan kung bakit sila nagkalayo. Malayo ang damdamin ni Charlie sa anak at mas
interesado pa ito sa kanilang bisita na si Angel (Yen Santos) na nagkataong
nakasakay ng batang Charlie sa eroplano. Ngunit hindi rin pala bakasyon ang
pakay ni Angel. Tulad ng batang Charlie, mayroon din siyang hinahanap.
Kung tutuusin ay
napakasimple naman ng buod ng kuwento ng Northern
Lights: A Journey to Love—tungkol ito sa mag-aama at mag-iinang nagkalayo
at kapwa mga naghahanap ng kasagutan sa mga naiwang puwang sa kanilang puso.
Pinakamaganda at pinakamabigat sana kung nanatili sa batang Charlie ang sentro
ng kuwento at punto de bista—nasa kanya naman talaga ang bigat ng kuwento.
Bagama’t nabigyan ito ng mga maningning na sandal, nalihis pa rin ang pelikula
nang mapunta ang kuwento sa pag-iibigan ng matandang Charlie at Angel—bagay na pinilit
isingit para lamang lagyan ito ng romansa. Sayang, sapagkat isteryotipikal na romansa rin
ito, samantalang mas mabigat ang mga binitawang tema ng pelikula tungkol sa
pamilya, mga Overseas Filipino Workers
(OFW), single parents, atbp. Mahusay pa rin si Pascual bagama’t hindi gaanong
bagay ang kabuuan ng karakter sa kanya. Isa namang rebelasyon si Matteo. Si
Santos ay may mga mannerisms pa lalo
na sa pagbibitaw ng linya—kulang sa pagka-natural. Kamangha-mangha naman ang
napili nilang kalugaran at na-maximize
naman nila ito ng husto maging ang metaporya ng northern lights. Sa kabuuan namaĆ½ masaya pa ring panoorin ang
pelikula dahil may mga sandali itong talaga namang pupukaw sa damdamin ng
manonood. Mahalaga ang mensahe ng Northern
Lights: A Journey To Love patungkol sa pamilya. Tunay na nag-iiwan ng
maraming puwang ang pagkawala ng ina man o ama sa pamilya. Sa hiwalayan ng mga
mag-asawa, unang naaapektuhan ang mga bata. Kaya’t sa anumang sitwasyon,
mahalaga na laging isaalang-alang ang kapakanan ng mga bata—dahil maari nilang pasanin
hanggang sa kanilang paglaki ang poot at sakit ng pag-iwan ng kanilang
magulang. Binigyang diin din ng pelikula ang kahalagahan ng pagmamahal at
pagpapatawad na kaakibat nito. Dahil kapag poot at galit ang pinairal sa puso,
wala itong ibubungang maganda. Sa bandang huli, sinasabi ng pelikula na wala sa
lugar o panahon ang pagmamahal—lagi itong mahalaga at maipapamalas saan mang
sulok ng daigdig. May mga eksena nga lang sa pelikula na sadyang di angkop sa
mga bata—at hindi rin maganda ang mensahe nito ukol sa sekswal na relasyon ng
dalawang taong hindi pa naman kasal. Isang malaking kasayangan din ito dahil
maganda na sana at malinis ang mensahe ng pelikula kung hindi hinaluan ng
eksenang kagaya nito. Kung kaya’t ang pelikula sa ganang CINEMA ay nararapat
lamang sa mga manonood edad 14 pataas.