DIRECTOR:Mae Cruz-Alviar CAST: Kathryn
Bernardo, Daniel Padilla, Mateo Guidicelli
PRODUCER: John Leo Garcia SCREENWRITER:
Carmi Raymundo, Kristine Gabriel
GENRE: Romantic Comedy PRODUCTION
COMPANY: ABS-CBN Film Productions, Inc.
DISTRIBUTOR: Star Cinema COUNTRY:Philippines LANGUAGE:
Filipino RUNNING TIME:79 minutes
Technical assessment: 2.5
Moral assessment: 2.5
CINEMA rating:
V14
MTRCB rating; PG13
Kapwa lango sa kalasingan
ang dalawang estranghero na sina Gab (Kathryn Bernardo) at Dos (Daniel Padilla)
nang katuwaan silang ikasal ng mayor na kasama nila sa inuman. Nakatakda na
talagang ikasal si Gab sa US-based niyang fiancé na si Jason (Mateo Gudicelli).
Sa pagkawala ng kanilang kalasingan ay magkakasundo sina Gab at Dos na gawin
ang lahat ng paraan upang mapawalang-bisa ang nasabing kasal. Ipagtatapat ni
Gab sa fiancé ang ginawa niyang paglalasing subalit maduduwag siyang sabihin
ang aksidenteng pagpapakasal kay Dos dahil ayaw niyang tumalikod ito sa
itinakda nilang kasal. Samantala habang tinatrabaho nila ang mga proseso
ng annulment ay malalaman nila na ang taong makakatulong sa kanila ay nasa
Cebu. Bibiyahe sila sa Cebu kasama ang dalawang kaibigan para
hanapin ang taong ito. Habang nasa Cebu ay magkakalapit sila at
tuluyang mahuhulog ang loob sa isa’t isa. Subalit paano na ang nakatakdang
kasal ni Gab kay Jason? Kasabay nito ay mabubunyag din kay Gab na may maselan
palang kalagayan si Dos na maari nitong ikamatay ano mang oras kung di
sasailalim na matagumpay na operasyos sa ulo.
Mababaw at di
kapani-paniwala ang kwento ng Can’t Help Falling In Love. Tila
sinadya lang gawin ang pelikula para makita ng mga fans ng sikat na tambalan
ang kanilang mga idolo sa big screen. Madalas na close-up ang mga individual na
kuha ng camera kina Padilla at Bernardo at mukhang oportunidad ito ng dalawa
para magpa-cute sa screen at magpakilig ng mga fans. Pero sa acting ay walang
masyadong ipinakita ang ang dalawa. Maganda naman ang mga malalayong kuha ng
kamera sa mga tampok na lugar sa Cebu kasabay ng paglalarawan sa mga ito sa
pamamagitan ng voice over ni Padilla. May ilang eksena na epektibo ang lighting
katulad ng break-up scene nina Gab at Jason, tuwing gigising si Dos at
nagte-thank you kay Lord, at ang wedding scene. Tama lang sana ang mga inilapat
na musika at kanta maliban sa eksena ng pagkanta ni Gab na naka-microphone at
bulaklak bago ipasok sa operating room si Dos na medyo corny ang dating.
Paulit-ulit na eksena
sinasambit ang “thank you Lord” sa pelikula ng pangunahing tauhan na si Dos
tuwing gigising siya dahil may sakit siya. Pero may sakit man o wala ay maganda
na simulan ang araw ng nagpapapasalamat sa Diyos. Samantala, pangunahing tema
ng pelikula ang pagpapakasal. Maaring itong gawin ng madalian
subalit hindi ang pagpapawalang-bisa. Ang kasal ay isang seryosong kaganapan sa
buhay ng dalawang tao at marapat na gawin ng may lubos na kamalayan at
pang-unawa. Samakatuwid hindi talaga ito pwedeng gawin kapag hibang
sa kalasingan ang isang tao kahit nasa tamang edad pa ito. Gayundin
din naman, ang sinumang tao na nakatakda nang ikasal ay dapat maging maingat
upang huwag mapasubo ang sarili sa mga situwasyong alanganin. Sa
isang relasyon ay mahalaga na isaalang-alang ang kalayaan ng bawat isa at
pagkasunduan ang mga limitasyon upang maging maligaya at panghabang-buhay ang
samahan. Naghatid din ang pelikula ng mensahe ng pagtatapat, pagtanggap, at
pagpapatawad sa pagitan ng mga magkatipan, ng mga magulang at anak. Sa kabuuan
ay positibo ang hatid na mensahe ng pelikula. Bagama’t maituturing
na maganda ang mensaheng ginustong ihatid ng Can’t Help Falling in Love, nalilmliman ito ng kababawan at labis
na paglalabas nito ng mga eksenang “pangiliti” at “pampakilig”—hindi mabuting
itanim sa kamalayan ng mga musmos na manonood na ang pag-aasawa ay ganon-ganon
lamang, romansa, komedya, kasalan na!