DIRECTOR: Cathy
Garcia-Molina LEAD CAST: Liza Soberano,
Enrique Gil, Joey Marquez, Ara Mina, Zaijian Jaranilla, Ryan Bang SCREENWRITERS: Carmi Raymundo, Jancy Nicolas,
Gilliann Ebreo, Cathy Garcia-Molina PRODUCERS: Charo Santos-Concio, Malou Santos GENRE: Romantic Comedy PRODUCTION COMPANY: ABS-CBN Film Productions,
Inc. DISTRIBUTED BY: Star Cinema COUNTRY: Philippines LANGUAGE: Tagalog RUNNING TIME: 120 minutes
Technical assessment:
3
Moral assessment:
3
CINEMA rating: PG
14
MTRCB rating: PG
Nagkakaroon na
ng maraming followers si Cali (Liza
Soberano) sa blog niyang “Bakit List”. Sa
blog na to niya ibinubuhos ang marami niyang katanungan patungkol sa buhay at
pag-ibig na halatang may pinaghuhugutan sa kanyang nakaraan lalo na ang mapait
niyang karanasan sa pag-ibig sa ex-boyfriend
niyang si Gio (Enrique Gil). Magtatago
si Gio sa pangalang “DahilListBoy” at magsasagutan sila online. Ang sagutan na iyon
ay magiging viral—daan tungo sa
pagsikat ng “Bakit List” at ni Cali bilang blogger.
Isang kumpanya ang magkakainteres kay Cali na maging endorser sa kundisyon na dapat ay magkasama sila ni DahilListBoy.
Hindi pa tuluyang napapatawad ni Cali si Gio kaya mag-aalangan siya. Masaya naman
si Gio dahil nakakita siya ng pagkakataon para magkalapit ulit sila ni Cali at
umaasa siyang magkakabalikan silang muli. Papayag din si Cali sa alok ng
kumpanya ngunit mailap pa rin siya kay Gio
Kung tutuusin ay
hindi naman na masyadong bago ang buod ng kuwento ng My Ex and Whys—binigyan lamang ito ng bagong bihis at ginawang
makabago para maging angkop sa panahon. Ang
pelikula ay tungkol lang sa isang magkasintahan na nagkahiwalay at kapwa umaasa
na magkakabalikan—at tiyak namang magkakabalikan, hindi lang alam kung kalian
at paano. Mahusay ang paggamit at paglalaro ng mga salita sa pelikulang ito—bagay
na uso sa mga kabataan ngayon at mapalad sila dahil nasa panahon sila na marami
silang paraan at pagkakataon upang mailabas ang kanilang saloobin. Halatang pinagbuhusan ng talino ng mga
manunulat ang pagsasanib ng social media
at kung paano ito nakakaapekto sa buhay at pag-ibig ng mga kabataan sa
kasalukuyang panahon. Gayunpaman,
nagkulang ang pelikula sa pagpapalalim ng karakterisasyon lalo na ng dalawang
pangunahing tauhan. Hindi rin nito
natarok ang lalim ng kanilang pinaghuhugutan. Naging mababaw tuloy sa kabuuan ang pelikula, at
para bang ang pino-problema ng mga bida—at pinagaaksayahan ng gallon-galong
luha—ay pawang mga walang kabagay-bagay lang. Wala kasing mapanghawakang lalim sa kanilang
relasyon, o maging sa relasyon napakaraming tao sa paligid nila. Malaking tulong lang sa pelikula ang walang
kapintasang ganda ni Soberano. Bagay sila ni Gil at pareho naman silang natural
sa kanilang pag-arte. Yun nga lang, masyadong ginawang perpekto ang karakter ni
Gil dito kung kaya’t nagmumukha namang mababaw ang kay Soberano. Sa madaling sabi, walang matinding kalaban o conflict sa pelikula. Maging ang mga ginawang karibal ay hindi rin
panghahawakan. Epektibo naman ang
pelikula sa pagpapakilig, pagpapatawa at pagpapa-iyak. Ang Korea ay magandang backdrop para maging mas romantiko pero hindi pa rin ito naging
tunay na milieu. Sa kabila nito’y
nagkulang ang pelikula sa pagbubukas ng isip sa mga mas malalalim pang isyu at
komplikasyon ng bawat relasyon. Gamit na
gamit na marahil ang salitang move-on
kung kaya’t hindi nagawa nito ang dapat sana’y pagbibigay lalim at linaw sa
usaping relasyon at pag-ibig. Sayang. Sinayang ng My Ex and Whys ang pagkakataong sagutin ang maraming “bakit” na
tanong; sa halip, mas marami itong iniwan “bakit”.
Mas tanga raw
ang hindi ang magmahal. Yan ang sagot ng My
Ex and Whys sa tanong kung bakit ba dapat magmahal at magtiwala muli. Kung tutuusin ay hindi naman talaga ganoon
kadali. Maaring simple, ngunit hindi
madali. Yan ang naging sentro ng pelikula— kung paano nga ba talaga magmahal,
magpatawad at magtiwala muli. Maraming
puntong tama ang pelikula—gaya ng sa pagmamahal, dapat may tiwala, dapat
nakahandang masaktan, pero nakahanda ring magpatawad. Pero hindi naging malinaw sa pelikula ang
kaibahan ng pang-aabuso at panloloko sa tunay at sinserong pagsisisi at
pagbabago. Ang ama ni Gio ay hindi
kinakitaan ng katiting man lang na pagsisisi at pagbabago hanggang sa dulo ng
pelikula. Pinalalabas lamang nakakatuwa
at katanggap-tanggap ang pangloloko sa babae, lalo na kung ikaw ay kabilang sa
pamilya ng mga macho. Nakababahala ang
mga binitawang mensahe ng mga eksenang ito. Ang nanay naman ni Cali ay nagsabing
nagmamahal siya kahit nasasaktan siya dahil masaya siyang nagmamahal—at wala
man lang itong ginagawang paraan upang labanan ang panloloko at pang-aabuso sa
kanya ng mga lalaki. Talaga bang walang matutunang mabuti ang mga bagong
henerasyon sa kanilang mga tinitingalang magulang o nakakatanda? Marahil sa layunin ng pelikulang sagutin ang
mga bakit, maging sila ay nalito sa hirap ng mga sagot. Siguro dahil masyadong nag-focus ito sa pagmamahal na romantiko
lamang. Hindi nito binigyang halaga ang
maraming uri pa ng pagmamahal. Ginawa pa
nitong mas mahalaga ang opinyon ng ibang tao kaysa sa pagpapalalim ng mga
relasyon sa paligid nila. Sa bandang dulo nama’y isa lang ang nais sabihin ng
pelikula—huwag matakot magmahal at masaktan at magpatawad—ang pinakamahalaga ay
ang magmahal, wala nang bakit-bakit pa. Ang
mas mahalaga sigurong tanong ay hindi “bakit” kundi “ano”. Ano nga
ba ang tunay na kahulugan ng pagmamahal? Sapagkat usaping relasyon ang pelikula
at may mga eksenang pawang nakababahala, minarapat ng CINEMA na ang pelikula ay
angkop lamang sa mga manonood na may edad 14 pataas.