Direction: Maryo
J. delos Reyes Cast: Angelica
Panganiban, Dingdong Dantes, Paolo Avelino Story
and Screenplay: Keiko Aquino Genre:
Drama; Location: Metro Manila Distributor: Star Cinema; Running Time: 103 minutes
Technical assessment:
3
Moral assessment:
2.5
CINEMA rating:
V16
Pagkatapos
ng mala-pantasyang pagkakakilala, ligawan at kasal nina Ann (Panganiban) at
Geoff (Dantes), tila wala nang katapusan ang kilig at saya ng kanilang
pagsasama. Hanggang magkaroon ng problema si Geoff sa trabaho at nagkataon
namang abala si Ann dahil kaka-promote
naman niya. Dahil tila walang mapagsabihan ng sama ng loob ay natukso si Geoff
sa ka-opisinang handang maglaan ng sandalan para sa lalake. Habang lumalaon ay
mararamdaman ni Ann ang pagtabang ng kanilang pagsasama at susubukang
sorpresahin ang asawa para makabawi. Pero siya ang masosorpresa pagkat mahuhuli
niya sa akto ang pagtataksil ng kabiyak. Magiging lamat ito sa kanilang
relasyon. Mahihirapang magpatawad si Ann samantalang hindi makakapagtiyagang
manuyo si Geoff at muli itong magtataksil. Magiging daan ito upang tuluyang
sumuko si Ann at mabaling ang atensyon sa ibang lalake. Lalong magiging masalimuot
ang sitwasyon para sa dalawa na susubok sa tatag ng pagmamahal at pagtataya
bilang mag-asawa.
Bilang
isang melodrama, angat ang The Unmarried
Wife sa karaniwan dahil maganda ang pagkakatahi ng mga eksena, mahusay ang
mga gumanap at may kiliti at kagat ang palitan ng salita. Hindi bago ang tema
at hindi rin kakaiba ang atake pero nabigyang hustisya naman ito ng malinis na
produksyon. Kaya nga lamang, hindi ito ang tipo ng pelikula na ipaglalaban mo
at pag-aaksayahan ng oras para lamang mapanuod. Magaling si Panganiban pero ang
kanyang atake sa karakter ay nakita na sa mga naunang pelikula niya kung saan
isa siyang api o nilokong asawa. Kapos ang pagganap ni Dantes samantalang
mala-tuod naman ang atake ni Avelino. Ang malaking kakulangan ay galing sa
malabnaw o sadyang di pantay na pagkakahubog ng mga tauhan. Halatang kiling kay
Panganiban ang pagkakasulat ng kwento pero masyado namang nahuli ang pagbigay
ng maayos na motibasyon sa mga lalake. Mabababaw at makikitid ang utak ng mga
bidang lalake na ginagawang dahilan ang sandali ng kalungkutan o pagkabigo para
talikuran ang kasal—at pagkatapos ay sa isang “sorry” lamang ay aasahang maayos
na ang lahat. Nagkaroon na mainit na pagtatalo ang mga ina nina Ann at Geoff
para bigyan ng pagbubuod ang pananaw sa asawang babae—na “de-kahon” ayon sa
mata ng tradisyunal na lipunan.
May
magandang mensahe para sa mga mag-asawa ang kwento. Una, ang panandaliang
ligaya sa ibang kandungan ay kumplikado, masakit, at nakaaapekto hindi lamang
sa mag-asawa kundi sa buong pamilya at mga taong nakapaligid sa kanila. Lahat ng mag-asawa ay nagkakagalit, nagkakabagutan,
nagkakaroon ng kumpitensya, at minsan, nagdedesisyong maghiwalay. Pero ang
lahat ng ito ay nalalagpasan kung ang layunin ng magkabilang panig ay buuin ang
pamilya at patatagin ang pagsasama. Ibig sabihin, sa mga pagkakataong
nagkakaroon ng problema, hindi na mahalaga kung sino ang mas tama kungdi kung
sino ang mas nagmamahal. At ito ang ikalawang punto—na ang pinakapundasyon ng
matatag na relasyon ay ang tapat at mapagmahal na komunikasyon. Sabi nga ni
Geoff, kung nag-usap lang sila nuong simula pa hindi sana sila umabot sa
hiwalayan ang kanilang kasal. Sa kabilang dako, matalino ang pagpili ni Ann na
ayusin muna ang sarili kaysa sa makipagbalikan na lamang kaagad sa asawa. Kahit
papaano naman ay nagkaroon ng hustisya para sa mga kababaihan na hindi dapat
magpabulag sa paglalambing ng lalake na para bang eto na lamang ang tanging
dahilan upang sila’y mabuhay.