DIRECTOR: Enzo Williams
LEAD CAST: Derek Ramsay, Lovi
Poe, Christopher de Leon, Jean Garcia SCREENWRITER: Senedy Que EDITOR: Vito Cajili CINEMATOGRAPHER: Lee Meily, Sherman Co MUSICAL EDITOR: Jessie Lasaten PRODUCER: Lily and Roselle Monteverde DISTRIBUTOR:
Regal Films LOCATION: Metromanila, Cebu
Technical assessment: 2
Moral assessment: 2
CINEMA rating: V18
MTRCB rating: R 13
Matitipuan ni Cyrus
(Derek Ramsay) ang waitress na si
Yassi (Lovi Poe) at aalukin niya itong maging isang receptionist sa kanyang opisina—isang ahensiya na nag-eempleyo ng
mga “escorts”, mga babae at lalaki na binabayaran kapalit ng aliw. Masipag at deboto si Yassi sa pagpapalaki sa
kanyang dalawang nakababatang kapatid, at pagkat tanto niyang makakakatulong ang
malaking sahod na alok ni Cyrus sa pangangailangan ng kanyang pamilya,
tatanggapin niya ang bagong trabaho.
Lingid sa kanyang kaalaman, ang tunay na balak ni Cyrus ay hikayatin
siya balang araw upang pagkakitaan din bilang isang escort. Ang hindi inaasahan
ni Cyrus ay siya ang mai-in love sa
dalaga, isang kalagayang magiging labis na nakagigipit pagka’t magiging masugid
na mangliligaw ni Yassi ang biyudo at mayamang businessman na si Gary Montenilla (Christopher de Leon).
Madaling sundan
ang daloy ng istorya ng The Escort
at dapat sana’y naging kapani-paniwala na ito sa pagsasalamin ng mga nangyayari
sa tunay na buhay—sa mundo ng mga babaeng bayaran at sa mundo ng politika. Nguni’t may mga bagay na nakakasira sa
pagiging makatotoo nito. Isa na ang casting ni Poe bilang Yassi—ito lamang
ang masasabi ng CINEMA: hindi bagay kay Poe ang papel ng isang walang malay na
birhen. Isa pa’y ang dialogue—maraming parteng artipisyal ang
dating kaya hindi nito makayang antigin ang simpatiya ng manonood para sa mga
tauhan. Nakabawas din sa realismo ng
pelikula ang labis na product placement—tuloy
lumalabas lang itong parang behikulo para maibenta ang mga brands at resort na
pinag-shooting-an nito.
Marahil ay
sinikap ng The Escort na maghatid ng
magandang mensahe sa manonood pero malabo pa rin kung ano ang tunay na layunin
ng nito. Ang magbigay ba ng aral na walang kahihinatnang mabuti
ang masamang gawain? Kung ganon, ay
bakit ginagamit nito ang childhood trauma
ng ilang mga tauhan para magmukhang katanggap-tanggap ang kanilang pagtataksil
at pagpapasasa sa buhay ngayong mga adults
na sila? Gusto ba nitong sabihin na ang
tunay na pag-ibig ay hindi nabibili?
Kung ganon, bakit walang ipinakitang lalim ang pagmamahalan nila Yassi
at Cyrus na magbibigay-katarungan sa “sakripisyo” ng birheng si Yassi upang
sagipin ang buhay ni Cyrus sa huli?
Napakababaw ng relasyon nila, na tila pinaigting lamang ng ilang araw na
bakasyon sa isang luxurious resort. Ninais ba ng The Escort na pahalagahan ang virginity
ng isang babae? Kung ganon, bakit
pinahaba-haba nito ang mga eksena sa kama na nagpapahiwatig na hindi na bagito
sa larangan ng laman ang dalaga? Hindi
tarok ng CINEMA kung paano ginawaran ito ng MTRCB ng gradong R-13, ngunit sa
ganang amin, hindi dapat napapanood ito ng mga may murang isipan.