Wednesday, February 24, 2016

Everything about her


DIRECTOR: Joyce Bernal  LEAD CAST: Vilma Santos Recto, Angel Locsin & Xian Lim  PRODUCER:  Charo Santos-Concio  GENRE: Drama  DISTRIBUTOR: Star Cinema  LOCATION:  Philippines RUNNING TIME:  2 hours
Technical assessment:  3
Moral assessment:  3
CINEMA rating:  V14
Si Vivian (Vilma Santos) ay kilala sa pagiging matapang, mapangahas, at matagumpay na babae sa kanyang larangan. Tinitingala siya, kinatatakutan at nasa pinakamataas na posisyon sa kanyang kumpanya. Ngunit magbabago ang lahat nang siya ay ma-diagnose ng cancer sa buto. Dito kinakailangan niyang sundin ang magiging payo ng kanyang doctor, kabilang na ang pag-aalaga ng isang private nurse. Papayag si Vivian sa kundisyon na itatago pa rin ang kanyang sakit at walang ibang kahit sino ang dapat makaalam. Darating sa buhay ni Vivian si Jaica (Angel Locsin) na sa simula ay mahihirapang makisama sa kanya ngunit dahil kailangan nito ng trabaho para sa kanyang pamilya, pagti-tiyagaan niya si Vivian. Sa tulong ng isang  kaibigang nagmamalasakit kay Vivian, matatawagan ni Jaica ang nag-iisang anak ni Vivian, si Albert (Xian Lim) na naninirahan sa Amerika. Makukumbinsi ni Jaica si Albert na umuwi ng Pilipinas dahil isisiwalat nitong may cancer si Vivian—isang paglabag sa mahigpit na bilin ni Vivian. Sa pag-uwi ni Albert matutuklasan ni Jaica ang malalim na sugat sa relasyon ng mag-ina.
Isang magandang karanasan ang makitang muli sa big screen si Bb. Vilma Santos. Binigyang-buhay niya ang karakter ni Vivian nang buong husay. Kapwa mahuhusay din sina Angel Locsin at Xian Lim. Hindi naman gaanong bago ang tema ng pelikula kung tutuusin, ngunit sadyang dinala ni Ate Vi ang kabuuan ng pelikula. Dama ang puso ng kuwento sa husay ng kanyang pagkakaganap. Mahusay din ang script at direksiyon na hindi masyadong nagpadala sa tukso na iliko ang kwento sa sentro. Marahil ay nagkulang lang ang Everything About Her nang bahagya sa pagpapaigting pa ng kwento ng mag-inang Vivian at Albert. Parang marami pang dapat sana’y ipinakita upang higit pang naramdaman at naintindihan ng manonood ang kanilang pinanggagalingan. Marahil hindi na rin dapat pang binigyang-diin ang kuwento ni Jaica na pawang nakagugulo lang sa daloy ng kuwento ni Vivian. Sa kabuuan naman ay hindi na rin masama ang kinalabasan ng pelikula na patungkol sa mga ina na piniling magkaroon ng sariling karera bukod sa pagiging ina.
Malakas ang mensahe ng Everything About Her patungkol sa mga tinatawag na working moms. Ipinakita ng pelikula kung gaano kalalim ang sugat na ibinabaon nito sa puso ng mga anak na tila naghahanap ng pagkalinga at panahon ng isang ina. Hindi nito hinuhusgahan o nilalahat ngunit ipinakita nito ang karaniwang nagiging kapalit ng pagtatrabaho ng ina sa labas ng tahanan—ang pagkakaroon ng galit ng mga anaksa kakulangan ng pagkalinga ng isang ina. Sa isang banda, may batayan nga ba ang pagiging isang mabuting ina? Sa lipunang pinaiikot ng materyalismo, saan nga ba lulugar ang isang ina kapag nagugutom na ang kaniyang mga anak? Parating nagiging batayan ng pagiging isang mabuting babae ang pagiging mabuting ina. Kapag sa paningin ng mga anak ang ina ay naging masama, parang nagiging masamang babae na rin siya. Tila ba naka-angkla ang basehan ng pagkababae sa pananaw ng iba—sa kanyang anak o asawa—ngunit hindi sa sarili niyang pagsusumikap at ambag sa lipunan. Ito isang malaking debate magpasa-hanggang ngayon. Ngunit marahil sa kabuuan ng Everything About Her, ang naipahiwatig nito ay—para sa isang masaya, makabuluhan, at mahabang buhay, nararapat na bigyang pansin at oras ang mga tunay na mahalaga sa buhay, ang mga relasyon, relasyon sa Diyos, sa sarili, sa pamilya, sa kaibigan at sa mas malawak pang komunidad. Sa bandang dulo ng buhay ng isang tao, hindi yaman, kasikatan o kapangyarihan ang magiging sukatan ng makabuluhang buhay kundi ang malalalim na relasyon na itinanim at pinagyabong nang may wagas na pagmamahal.