Wednesday, November 11, 2015

Old skool


Lead cast: Tessie Tomas, Angel Aquino, Buboy Villar; Direction:; Cia Hermosa Jorge Genre: Drama; Distributor: Star Cinema Location: Antipolo
Technical assessment: 3.5
Moral assessment: 4
CINEMA Rating: VA
MTRCB Rating: G
Lungkot at kawalan ng layunin ang naramdaman ni Lola Feliza (Tomas) matapos mamatay nang kanyang asawa kaya naisip niyang sundan ang kanyang pangarap na makatapos ng Grade 6. Lakas loob siyang nag-enroll at papasok bilang regular na mag-aaral sa kabila ng alinlangan ng punong guro, sariling takot at pangungutya ng ilang bata, lalo ang class bully na si Buboy (Villar). Pagsusumikapan ni Lola Feliza na tupdin ang mga gawain at sumabay sa mga aralin. Subalit pahihirapan siya ng sutil na si Buboy, tulad ng ginagawa ng nito sa ibang mga kamag-aral.  Magkakaroon naman si Lola Feliza ng mga personal na layunin tulad ng pakikipagkaibigan at paglalapit ng loob kay Buboy. Para makadagdag sa gastusin, magtitinda si Lola Feliza sa palengke subualit hindi makayanan ng kanyang katawan ang pagod at mapipilitang tumigil sa pagpasok. Magiging daan si Buboy para maipagpatuloy ni Lola ang pag-aaral hanggang sa tuluyan siyang makapagtapos sa Grade 6.
Pinagsumikapan ng Old Skool na iayos at bigyang diin ang pagkwekwento higit sa anumang aspeto, kaya naman malinaw ang daloy, buo ang mga tauhan at makatwiran ang mga motibo. Medyo nagkulang lang sa pagpapaliwanag kung bakit pinapayagan ng paaralan ang kabastusan ni Buboy nuong una.  Matalino ang pagkakadirehe rito, walang OA na iyakan pero tagos sa puso ang lungkot ni Lola Feliza, walang umaatikabong aksyon pero pananabikan mo ang tagisan ni Buboy at Lola Feliza at walang nakakainsultong komedya pero may kiliti ang bitaw ng usapan. Higit sa lahat, totoo ang daloy, mga problema at ang sagot na inihain kaya malalim ang kagat sa puso at pitik sa pag-iisip. Kaya naman hindi nahirapan ang mga nagsiganap na isapuso ang pagkatao ng kanilang mga ginampanang tauhan. May mga pagkukulangang man sa disenyo at drama ng pag-iilaw ay sinalo naman ito ng swabeng timpla ng musika na sumasabay sa kasalukuyang damdamin ng eksena. Payak man ang kabuuang aspetong teknikal nito, matagumpay pa rin ang pagkakasalaysay ng kwento at ng mensahe.
Ang Old Skool ay isang pelikulang puno ng pag-asa. Pag-asa sa pagsusumikap. Pag-asa sa pag-abot ng mga pangarap, Pag-asa sa pagmamahal, Pag-asa sa pagbabagong buhay. Pinakamalinaw na mensahe nito ang pagpupursige at pagsusumikap na tuparin ang mga pangarap. Hindi balakid ang ang pisikal, emosyonal o pinansyal na kalagayan, bagkus, dapat magsilbi itong mga inspirasyon at dahilan upang lalong pagsumikapan na marating ang rurok ng husay ng iyong pagkatao. Napakainam na pagtatapos sa pag-aaral ang ginawang motibo ng pelikula dahil sa panahon ngayon ay dumarami nang kabataan ang hindi na nakikita ang halaga ng edukasyon. Ang pumapangalawang malakas na mensahe ay ang pagtanggap at pagmamahal bilang tugon sa pagmamalupit at masasamang ugali. Mas lumambot ang puso at nahikayat magbago si Buboy nang pakitaan siya ni Lola Feliza ng malasakit at pag-uunawa. Katulad ng panawagan sa atin bilang mga Kristyano, awa at malasakit ang una nating ipakita sa mga nangangailangan—lalo iyong mga naliligaw ng landas. Napapanahon ang pelikula at bagay sa anumang gulang ng manunuod.