Technical
assessment: 3
Moral
assessment: 3
CINEMA
Rating: PG 13 with parental
guidance
Tubong
Silay, Bacolod at nangangarap makilala bilang program host sa telebisyon ang magandang dalaga na si Audrey Locsin
(Liza Soberano). May matindi rin
syang paghanga sa kaibigang binata na si Tristan Montelibano (Gerald Anderson).
Mabibigyan ng pagkakataon ang
paghangang ito ni Audrey dahil iiwan si Tristan ng kanyang girlfriend upang manirahan sa Maynila. Mula sa nararamdamang sakit
dulot ng pakikipaghiwalay ng girlfriend
ay mababaling kay Audrey ang atensyon ng binata at magkakamabutihan silang
dalawa. Makikitang masaya sina Audrey at Tristan sa kanilang relasyon, subalit
sa punto na nanaisin ng una na tuparin ang mga pangarap nya para sa sarili ay
medyo mag-iiba ang tono ng huli. Hindi sila magkakasundo sa bagay na ito kaya
magdudulot ito ng kalituhan kay Audrey, hanggang sa maaksidente at ma-comatose si Tristan. Matiyaga at may pagmamahal
na aalagaan ni Audrey ang nakaratay na kasintahan na aabutin ng ilang buwan. Sa
panahong ito ay makilala ni Audrey si Ethan Alfaro (Enrique Gil), isang
progresibong empleyado ng sikat na TV network at aalukin siya nito ng trabaho. Makikita ni Audrey na ito na ang
pagkakataong hinihintay niya para mabigyan katuparan ang matagal na niyang
pangarap at inaasam-asam na tagumpay sa buhay. Tatanggapin niya ang alok ni Ethan at magkakasama sila sa mga
proyekto ng network. Madaling magkakasundo
sa trabaho ang dalawa. Subalit hahantong sa higit pa sa magkatrabaho ang
mararamdaman nila sa isa’t isa. Mahuhulog ang loob ni Audrey kay Ethan na
siyang naghatid ng katuparan sa mga minimithi niyang pangarap sa buhay. Paano
naman ang pinangarap niyang pag-ibig kay Tristan na nakaratay?
Nakasentro
sa “kilig formula” ng tambalang Gil at Soberano ang kwento ng Everyday I love You. Dahil dito ay
inaasahan na ang mga tagpo at alam na ng manonood ang magiging katapusan ng
pelikula. Sa madaling salita ay mababaw ang kwento. Nakapaglabas naman ng
hinihinging emosyon ang mga pangunahing aktor, mababaw ang kanilang luha at
nakatulong ang aspetong ito ng pagganap para maging epektibo ang eksenang drama.
Mahusay ang ibinigay na suporta ng mga beteranong aktor at aktres sa pagganap. Samantala
hindi “consistent” sa paggamit ng “subtitles” sa mga salitang Bisaya kaya hindi
naging makatotohanan ang aspetong ito ng pelikula. Halimbawa na lamang sa
“hosting” ni Audrey ng “local program” Silay
Scooter Girl kung saan mga taga Bacolod ang pangunahing target audience, pawang Tagalog ang
salitang gamit ni Audrey. Maganda naman ang sinematograpiya at naging kalakasan
nito ang magagandang kuha ng kamera. Epektibo ang mga close-up shot kina Gil at Soberano para kiligin ang kanilang mga fans sa sinehan. Pero di na sana sinama
sa close-up shot ang nakaratay na si
Tristan, kasi malusog at matipunong lalaki ang pinakikita sa halip na hitsurang
maysakit. Medyo sumablay ang editing
dahil halos hindi nagpalit ng kasuotan si Tristan sa mga sumunod na eksena pagkagising
mula sa pagka-comatose. Epektibo
naman ang inilapat na tunog at musika. Nakadagdag ang himig ng theme song ng kilig sa mga eksena nina
Gil at Soberano.
Napakahalaga
ng pagiging totoo sa sarili katulad ng sinasabi sa kawikaan na sa katotohanan maaring
lumaya ang isang tao. Pinili ng mga pangunahing tauhan ang maging tapat at
totoo sa kani-kanilang mga nararamdaman. Positibo ang paghahatid ng temang pag-ibig sa Everyday I love You lalo na ang
karakter ni Ethan sa pagitan nila ni Audrey kung saan nagpakita ng kahandaang magparaya
at magsakripisyo, tumulong kahit walang maasahang kapalit, at maghangad ng
paglago ng minamahal at tagumpay
nito, may paggalang at malakas na pagpipigil sa sarili. Nagpakita din ng
malasakit, kalinga, at pagpapatawaran ang karakter ni Audrey sa pagitan nila ni
Tristan. Makabuluhan ang mga sinambit na salita sa mga eksena nina Audrey,
Ethan at Tristan na pinapayuhan ng mga nakatatanda sa kanila ukol sa mga aspeto
ng relasyon, pamilya at trabaho. Sa kabuuan ay katanggap-tanggap ang aspetong
moral ng pelikula.