Saturday, October 25, 2014

The Trial


DIRECTOR:  Chito Rono  LEAD CAST:  John Lloyd Cruz, Richard Gomez, Jessy Mendiola, Gretchen Barretto, Enique Gil, Sylvia Sanches, Vincent de Jesus  PRODUCER & DISTRIBUTOR:  Star Cinema GENRE:  Family drama  LOCATION:  Philippines  RUNNING TIME:   132 minutes
Technical assessment: 3   Moral Assessment: 3  MTRCB rating: R13   CINEMA rating: V14 
Guwapo at mabait pero “mentally challenged” si Ronald, (John Lloyd Cruz), naglilingkod bilang hardinero sa isang paaralan upang makapagtapos siya ng elementarya.  Nagsisilbing “tutor” niya ang gurong si Bessy (Jessy Mendiola) na itinuturing naman siyang kaibigan.  Ngunit “in love” si Ronald kay Bessy, at sa kanyang payak na pang-unawa, mahal din siya ni Bessy.  May kakalat na video ng dalawa na mukhang ginagahasa ni Ronald si Bessy.  Madedemanda si Ronald ng “rape”, at magsisimula ang masalimuot na takbo ng tahimik nilang buhay.
Maganda at nakaduduro ng isipan ang kuwentong hinangad na isalaysay ng The Trial, at hindi rin karaniwan ang ganitong tema sa industriya ng pelikulang Pilipino, bagay na nagsilbing hamon sa mga nagsiganap.  Bagama’t pasado naman ang pagganap ng karamihan sa mga tauhan, minsan ay “magaralgal” ang atake nila Gomez at Lloyd Cruz sa kani-kaniyang mga papel—nasasapawan ng kanilang imahen bilang mga artista ang katauhang kanilang kinakatawan sa pelikula.  Yon bang, hindi ka nila “madala” sa pag-arte nila, naroon pa rin sa likuran ng isip mo na “Sine lang yan, yan si John Lloyd, iyan si Richard.”  Hindi rin makinis ang pagkakatagni-tagni ng mga pangyayari, para tuloy “inimbento” lang ang storya para makagawa lang ng pelikula.  Kulang sa realismo ang characterization, at maraming “daplis” o “inconsistency” ang katauhan ni Ronald, pero maayos ang pagkakaguhit ng ginampanan ni Mendiola.
Maganda ang hangarin ng The Trial na ipagtanggol ang mga “kapos” sa kakayahan ng isip, at batikusin ang mga huwad na pagmamamabuti ng ilang mga nakaaangat sa buhay.  Sana’y pinalalim pa nito ang mensaheng iyon, pero hindi ito nangyari.  May isang malaki at maling hakbanging ginawa ang The Trial na nakabawas sa kabubuan ng magandang hangarin at mga katangian nito.  Iyon ay ang pagtuon ng labis na pansin sa relasyon ng mag-asawang Gomez at Baretto bilang Atty. Julian at Amanda Bien na tumutulong sa kaso ni Ronald.  Talos naming dapat sabikin ang manonood sa katotohanang huhubaran sa dulo ng pelikula, pero nakaka-labnaw sa halaga ng pangunahing mensahe ng The Trial sub-plot ng mag-asawang magusot ang buhay.  Oo nga’t mabuti ang ipinakitang pagpapatawad at pagkakasundo ng mag-asawa pero minadali ito, kulang sa lalim—bagay na naging sanhi ng pagsasanga ng layunin ng pelikula.  Pag may nagtanong sa iyo tuloy kung tungkol ba sa ano yung The Trial, malamang hindi mo masasabi kung ito ba’y tungkol sa paglilitis na mag-aangat sa ating kamalayan hinggil sa taong tulad ni Ronald, o tungkol sa happy ending na dinala ng paglilitis?  Kayo ang humusga.