Technical assessment: 4 Moral assessment: 2.5 CINEMA Rating: V 14
Nang mapag-alaman ng mayamang
negosyanteng si Ricky (Robert Arevalo) na nauubos na
ang kanyang yaman, nakita niya ito bilang resulta ng pagiging maluho ng kanyang
mag-anak na nahirati na sa marangyang buhay. Dahil dito, upang paigtingin ang
kanyang punto, nagdesisyon siyang bumalik sa lugar kung saan siya nagmula bago
siya umasenso—ang
Tondo. Magbabalik siya sa lugar at maninirahan sa isang pag-aari niyang gusali.
Hahamunin din ni Ricky ang kanyang dalawang apo (Cris Villonco at Rafa
Siguion-Reyna) na sumama sa kanya upang mas lalo pa silang matuto sa buhay—malayo
sa karangyaan na kanilang kinagisnan. Tutol naman dito ang mga anak at manugang
ni Ricky (Eric Quizon, Ali Sotto, Audie Gemora) kaya’t gagawa sila ng paraan
upang isabotahe ang plano ni Ricky sa pamamagitan ng pakikipagsabwatan sa katiwala
(Rez Cortez) nito.
Malinis ang pagkakagawa ng Hari
ng Tondo. Mayroon itong kwentong busilak
sa katotohanan ng lipunan at naglalayong imulat ang manonood sa maraming usapin
na malimit ay nakakaligtaan. Naiparating nito ang mensahe sa pamamaraang hindi
melodramatiko at malabis na realismo kundi sa mahusay na paghahalo ng drama at
katatawanan—ang
resulta’y isang bagong mukha ng Tondo,
isang Tondong puno ng pag-asa sa
kabila ng dumi at kahirapan. Bagay
na bihira nating masaksihan. Walang
itulak-kabigin sa
galling ng pagganap ni Arevalo pati na ng lahat ng mga nagsiganap.
Natural ang kanilang pag-arte at nababagay sila sa kani-kanyang papel. Sila ang mga nagpa-igting sa kabuuang galing ng
pelikula. Maganda at maayos din ang kuha ng kamera. Ang daloy naman ng kuwento
ay madaling sundan at may maayos na sanga-sangang kuwento na sumasalamin sa
mukha ng Tondo.
Isang mundo na desperado,
nakasadlak sa kahirapan ngunit nanatiling may pag-asa—iyan
ang bagong Tondo na ipinakita sa pelikula. Kahanga-hanga ang pagpapaigting nito
sa mensaheng hindi salapi ang
pinakamahalaga sa buhay ng tao kundi ang pakikipagkapwa-tao. Ang pera ay
maaring mawala ngunit ang relasyon na inalagaan ay parating nandiyan. Niyakap din ng pelikula ang kahulugan ng simpleng
pamumuhay na siyang susi sa tunay na kaligayahan. Ang tunay na pagmamahal ay hindi nasusukat sa yaman o
panlabas na anyo kundi sa nilalaman ng puso. Iyun nga lang, may ilang maseselang eksena ng pagtatalik
ng hindi pa mag-asawa, pati na ang pagkondena sa homoseksualidad na sadyang
nakakabahala—baka
matularan at isipin ng mga batang manonood na ito ay tama sapagkat walang
malinaw na tinig ang
pelikula ukol dito—bagkus ay kinu-kunsinti pa nga, maliban na lamang kung ang isa ay nang-aabuso na.
Kahanga-hanga rin kung paanong naninindigan ang mga kababaihan ng pelikula
laban sa karahasan at pang-aabuso ng kalalakihan sa babae. Sa bandang huli’y mag-iiwan ng mahalagang aral ang
pelikula ukol sa buhay at sa lipunang ating ginagalawan—na
dapat tayong maging bukas sa problema
ng paligid at huwag kalimutan ang
ating pananagutan sa kapwa marating man natin ang rurok ng tagumpay at pagtamasa ng
ginhawa, bagay
na ininuturo sa atin ng Simbahan—ang mahalin ang Diyos, kasunod ang
kapwa.