Tuesday, September 30, 2014

Maria Leonora Teresa


Direction: Wenn Deramas;  Starring: Iza Calzado, Jodie Sta. Maria, Zanjoe Marudo, Cris Villanueva ; Screenplay: Wenn Deramas, Keiko Aquino,; Editing: Marya Ignacio; Producer: Malou Santos, Chara Santos-Concio; Music: Idonnah Villarico; Location: Metro Manila; Genre: Horror; Distributor: Star Cinema

Technical assessment: 2.5   Moral assessment: 3   CINEMA rating: V14   MTRCB Rating: PG13
     Maaaksidente ang isang bus ng Little Magnolia School at masasawi ang karamihan sa mga sakay nitong bata, kabilang na sina Maria Pardo, Leonora Vera at Teresa De Castro. Labis na mamimighati ang kani-kanilang mga magulang at ang tanging makalulunas ay ang mga manyikang ibibigay ni Dr. Manolo (Villanueva) bilang isang naiibang paraan ng paghilom ng damdamin. Sa simula ay parang makatutulong ang mga manyika kina Faith Pardo (Calzado), Stella De Castro (Sta. Maria) at Titser Julio (Marudo) pero nang lumaon sunod-sunod ang mga karumal-dumal na pagkamatay ng mga taong malalapit sa kanilang tatlo.
     Sa totoo lamang, may talino sana ang buod ng kwento, lalo na ang misteryo sa likod ng mala-demonyitang mga manyika. Makatotohanan ang kirot na pinagdaanan ng mga magulang na nabigyang buhay sa madamdaming pagganap nina Calzado, Sta. Maria at Marudo.  Kaya na sanang hindi ito gawing kakatakutan pero pinili ng direktor ang tiyak na pagbenta nito sa takilya kaya binudburan ng mga eksena ng patayan ang pelikula. Nakakatawa nga na kung kailan nagsisimula na ang kakatakutan ay bumagal ang daloy ng kwento at madalas ay nagiging katawa-tawa pa. Bilang horror, nakaipit pa rin ito sa panggugulat kaysa sa kilabot. Lahat naman nang ginamit na istilo ay napanuod mo na nang paulit-ulit sa ibang mga pelikula. Pinilit na lagyan ng sophisticated special effects ang ilang eksena pero hindi naman ito naging matagumpay dahil mas matatandaan mo ang kaburaraan tulad ng pagkakahalata sa batang ipinapalit sa manyika. Napakarami ring butas ang naratibo dahil hindi buo ang mga motibo o taliwas sa karakter ang mga desisyong pinili. Pero ang hindi namain maisip ay kung bakit ibinigay kay Villanueva ang pagganap sa mahalagang tauhan gayun wala naman siyang ni kapirasong kakayahan sa pag-arte. Medyo mapanlinlang tuloy ang pelikula dahil komedya naman pala ito sa huli at hindi tunay na kakatakutan.
     Walang lihim ang pwedeng itago habang buhay at lahat ng pagkakamali ay pagbabayaran at pagbabayaran din balang–araw. Pangit nga lamang ang ginawang paraan ng pelikula sa paniningil sa pagkakamali ng tatlong magulang—bagamat maaring makipagtalo na tanging si Julio lamang talaga ang may pagkakasala—pero malinaw ang mensahe na hindi maaring ibaon sa limot o pagtakpan habang buhay ang pagkakasala.  Sa kabilang dako, ang paghihiganti ay hindi katumbas ng katarungan dahil ang una ay nakatuon sa prinsipiyo ng “mata kapalit ng mata” kaysa sa pagtutuwid sa pagkakamalli. Walang kapayapaan ang taong hindi marunong magpatawad kahit na mapaghigantihan pa niya ang mga nanakit sa kanya. Walang kapanatagan ang taong hindi marunong humingi ng tawad kahit pa mahusay niyang napagtatakpan ang kanyang kasalanan. Katulad ng nabanggit, may potensyal sana ang Maria Leonora Teresa kung binawasan ang komersyo at pagpupumilit na maging “horror” (at kung tinanggal si Villanueva). Hindi angkop ang pelikula sa mga batang manunuod—hindi lamang dahil sa marahas na patayan kundi dahil sa mababaw nitong konsepto ng pagbuo ng tauhan at naratibo.