DIRECTOR: Jun Robles Lana LEAD CAST: Eugene Domingo, Eddie
Garcia, Shamaine Buencamino, Gladys Reyes, Noni Buencamino, Iza Calzado, Daniel
Fernando, Nicco Manalo, Sue Prado MUSIC:
Ryan Cayabyab
CINEMATOGRAPHY: Carlo
Mendoza GENRE: Drama
Technical assessment:
4 Moral assessment:
2.5 CINEMA rating: V 18
Si Marilou (Eugene Domingo)
ay ang masunuring maybahay ni Jose (Daniel Fernando), and kaisa-isang barbero
sa baryo nila sa probinsiya. Hindi
lamang siya masunurin—sunud-sunuran pa siya, hanggang sa puntong siya pa ang
nagpapaligo sa asawa niya, na iniiwan lang naman siya sa gabi para mag-gudtaym
sa kabayanan. Pero may pakinabang
din ang pagiging masunurin niya, pagka’t natuto siyang maggupit ng buhok sa
kauudyok ng asawa, kahit na nga wala naman siyang ambisyong magbarbero, at
katunayan siya ang gumugupit ng buhok ni Jose. Isang araw, hindi na gigising si Jose matapos ang isang gabi
ng pagkalasing. Bagama’t bantulot,
masusumpungan ni Marilou na buksang muli ang barberya ni Jose, at siya nga ang
magiging barbero dito. Mapapasok
sa masalimuot na mga pangyayari ang buhay ni Marilou, at mangyayari ang hindi
inaasahan.
Kahanga-hanga ang
pagkakabuo ng Barber’s Tales (Mga
Kuwentong Barbero), at karapat-dapat lamang na isang batikang artistang
tulad ni Domingo ang maging tampok na tauhan nito. Walang maipipintas na gasino sa aspetong teknikal ng
pelikula sapagkat ang mga mumunting pagkukulang nito ay nalulukuban naman ng
pangkalahatang angking kinang nito, lalo na ng sinematograpiya.
Maganda naman ang kuwento bagama’t minsan ay mukhang pilit, tila ba
labis na mainit sa paghahatid ng pinili nitong mensahe. Mahusay ang direksiyon, kapani-paniwala
ang setting ng istorya, at malikhain
ang sinematograpiya. Ipinanalo ni
Domingo ang pagganap niya sa Barber’s
Tales ng isang Best Actress award sa 2013 Tokyo International Film Festival—salamat
naman at kinikilala ang husay ng aktres hindi lamang sa komedya kundi pati na
rin sa drama.
Tanong ng manonood,
“masustansiya” ba ang Barber’s Tales? Naniniwala kaming may matayog na
hangarin ang pelikula. Gusto
nitong imulat ang mga mata ng manonood sa abang kalagayan ng mga kababaihan sa
isang kulturang hindi kumikilala sa kanilang mga katangian liban sa kanilang
pagiging butihin asawa, ina, o alila.
Nais din ng pelikula na bigyang-diin ang kawalan ng katarungan sa isang
lipunang mapang-api sa maralita at mapagsamantala sa mangmang. Kaya lamang, hindi nito napalalim ang
pagsasaad ng matayog nitong hangarin, nagmukha tuloy karikatura ang ilang mga
situwasyon. Isang halimbawa, hindi
naipakita nang sapat ang mga dahilan kung bakit nagiging rebelde ang isang
tao. Gasgas na gasgas na rin ang
tema ng martial law at diktadurang
Marcos—wala na bang ibang maaaring sisihin ang mga gustong magrebelde? Sa kabila din ng pagsisikap ng pelikula
na ipakitang may magagawang kabutihan ang mga babae kung magkakabuklod-buklod
lamang sila, nanaig pa rin ang nakakalungkot na katotohanang ang kanilang
pagkamasarili at karuwagan din ang daan tungo sa kanilang pagkabigo. Sa gawing pagtatapos “sumemplang” ang Barber’s Tales: napaniwala nito ang
manonood na moog ng lakas at liwanag ng isip si Marilou, pero paano siya
“bumigay” nang walang kaabug-abog?
Iisa lamang ang maaaring dahilan noon—“classmates” pala sila ng
luka-lukang akala niya’y tinutulungan niya. Hay, kuwentong barbero nga.