Monday, March 3, 2014

Starting over again

DIRECTOR: Olivia Lamasan           
LEAD CAST: Piolo Pascual, Toni Gonzaga, Iza Calzado
SCREENWRITER:  Carmi Raymundo, Olivia Lamasan           
PRODUCER:  ABS CBN  
MUSICAL DIRECTOR: 
GENRE: Romance/Drama/Comedy
DISTRIBUTOR: Star Cinema
LOCATION:  Philippines
RUNNING TIME:  140 minutes

TECHNICAL ASSESSMENT:   3                
MORAL ASSESSMENT:   2.5  
MTRCB RATING: PG
CINEMA RATING: A14
              
            Architecture student si Ginny Gonzales (Toni Gonzaga) at patay na patay siya sa history professor na si Marco Villanueva (Piolo Pascual). Sa simula, hindi pinapansin ni Sir Marco ang ‘panliligaw’ ni Ginny pero nahulog din ang loob ng professor bago magtapos sa kolehiyo ang dalaga. Magkasama silang bumuo ng kanilang mga pangarap hanggang bigla na lang umalis si Ginny. Iniwan niya si Marco na walang sinasabing dahilan at nagpunta sa Barcelona para mag-aral. Makalipas ng apat na taon, napukaw muli ang puso ni Ginny nang makatanggap ng post-dated email mula kay Marco. May pag-asa pa kaya silang magkabalikan ngayong si Patty de Guia (Iza Calzado) na ang kasintahan ni Marco?
            Dahil mula sa direksiyon ni Olivia Lamasan ang romantic comedy na Starting Over Again, umasa kami na hindi formulaic ang dating nito. Kadalasan kasi, unang eksena pa lang o sa trailer pa lang ay alam mo na rin ang huling eksena. Hindi naman kami nabigo. Kahit na sa simula ay katulad ito ng mga nakasanayan na nating kuwento, iba ang ending at pati na rin ang mga characters. Mahusay ang pagganap ng mga lead stars, lalo na si Piolo Pascual. Ipinakita ni Toni Gonzaga na hindi lang siya pang-comedy (kahit na minsan medyo sumobra na ito) kundi pang-drama din. Regal, tahimik at madamdamin namang isinakatuparan ni Iza Calzado ang kanyang papel. Maganda ang pagkabalanse ng kakenkoyan ni Toni at kadramahan ni Piolo.  Buhay na buhay ang dialogo at talaga namang naka-relate ang mga manonood sa kuwento, sa takbo ng istorya at mga characters nito. Nilapatan din ito ng musikang hinihingi ng eksena at may mga kakaibang anggulo na nagpatingkad sa location. Kaya lang, may mga usapan na sobrang haba – mga detalyeng pwede na sanang iwanan sa matalinong pag-iisip ng manonood kaysa sabihin ito. May mga eksena rin na halatang hinuhuli ang kiliti ng manonood o naging dragging lalo na sa iyakan.
        Ang Starting Over Again ay kwento ng bawat isa na nagmahal, nangarap, nagsikap, natakot, nagkamali, nasaktan, umasa, nagpatawad, nagbago, at muling nagmahal. Ipinapakita nito na kailangan ang pagpupunyagi upang maabot ang iyong mga pangarap at kadalasan hindi lang sakripisyo ang katapat nito.  Minsan itinatanong natin, “Magpapakatanga ba ako sa pag-ibig? Gagawin ko ba ang lahat, kahit isakripisyo ko ang sarili at prinsipyo, para sa mahal ko?”  Pero madalas, hindi na natin ito tinatanong; nagpapadala na lang tayo sa damdamin. Ipinapakita rin ng Starting Over Again na ang pag-ibig ay mas malalim kaysa sa kilig moments, na kailangang maging handa sa pag-aasawa, na hindi ito minamadali o pwedeng pwersahin. Na kahit ano pa ang nararamdaman mo, tunay ang pag-ibig kung nagpapatawad ka at nirerespeto mo ang iyong sarili at ang iyong minamahal. Bahagi ng respeto ang katapatan at ang pagpili ng iyong ngayon at bukas. Na hanggang natatakot kang may kaagaw ka sa puso ng iyong minamahal ay hindi wagas ang iyong pag-ibig. Dahil “sa pag-ibig ay walang pagkatakot, bagkus ang ganap na pag-ibig ay nagpapaalis ng takot.” (1 Jn 4:18)
            Maraming aral, masaya at mahusay sana at ang pelikula kung mas nabigyan ng halaga ang pagkababae ni Ginny. Na ang kaganapan ng isang tao, babae man lalake, ay hindi nagsisimula sa iba kundi sa sariling pagtanggap at pagdiriwang ng pagkatao mo, ng realidad mo bilang anak ng Diyos. Maselan naman at hindi bastos ang mga eksena ng pre-marital sex pero hindi dahil ipinakitang katawa-tawa at bahagi lamang ng kwento eh ibig sabihin ay acceptable na ito.