CAST: Marian Rivera, Ruffa Mae Quinto, Heart Evangelista, Lovi Poe, Solenn Heussaff, John Lapus, Aljur Abrenia, Rom Rodriguez, Mikael Daez; DIRECTOR and WRITER: Chris Martinez; PRODUCER: Regal Films; GENRE: Comedy; LOCATION: Philippines
Technical Assessment: 2
Technical Assessment: 2
Moral Assessment: 2
CINEMA Rating: For viewers age 18 and above.Apat na dalaga mula sa iba’t ibang antas ng lipunan ang sumali sa paligsahang “Miss Manila Sunshine Supermodel Search”, sa iba’t iba ring mga dahilan: si Virginia P. (Heart Evangelista), isang estudyante sa kolehiyo na sumali lamang para makakawala sa kanyang pamilya; si Serafina F. (Lovi Poe), isang “spoiled socialite” sumali dahil banidosa siya; si Pura K., (Solenn Heussaff), dating anak mayaman nguni’t wala nang pera para tustusan ang engrandeng debut na pangarap niya; at si Christine G. (Marian Rivera), na nagbabalak gamitin ang kanyang nobyo at kanyang katawan para maimpluwensiya ang huradong papanalunin siya. Sa dinami-dami ng mga contestants, ang apat na ito ang naging mga finalists.
Kasalukuyang nasa isang cruise ship sila upang itanghal ang evening gown competition nang magkasunog at sumabog ang barko. Sa madaling salita, lumubog ang barko ngunit nakalikas ang apat na dalaga, at nagkasama-sama sila sa isang islang mistulang disyerto, kasama rin ang baklang pageant coordinator na si Joshua (John Lapus) at ang kanyang boyfriend (Mikael Daez); ang waiter sa barko na si Umberto (Tom Rodriguez); si Alfredo (Aljur Abrenica), isang stowaway na pasahero ng barko; at isa pang babae, si Maria (Ruffa Mae Quinto) na yaya at laging kabuntot ng mayamang socialite na si Serfania F.
Hindi gasinong nasubok ng pelikula ang husay ng mga pangunahing artista sa pagganap, gawa marahil ng kababawan ng istorya at katauhang nasasangkot. Bagama’t may kuwento naman masasabi ang pelikula, hindi nito masunggaban ang atensiyon ng manonood pagka’t higit pang minahalaga nito ang mga kababawan ng mga tauhan kaysa sa takbo ng istorya. Kahit may mga hidwaan at kumpitensya ang apat na dalagang contestants, halimbawa, hindi ito ang siniryoso ng pelikula, bagkus ay naging pokado ito sa “kabaklaan” ng mga modelo.
Maraming parte na pinahaba at tuloy naging nakakasawa o nakakaantok pagkat wala itong maihaing katuturan sa manonood man o sa takbo ng istorya. May mga bahagi din namang nakakatawa, at halos lahat ng mga iyon ay dahil sa papel ni Quinto bilang “alila” ni Poe. Naiba siya sa apat na reyna-reynahan pagkat hindi siya nakikipagtarayan, bagkus ay sunud-sunuran lamang ng among abusada.
Ilang puntos din ang salungat sa pagkamakatotohanan ng pelikula, kaya’t nasasabi naming hindi nito dinidibdib ang sarili niyang kuwento. Halimbawa, ilang araw na sila sa isla, gutom, uhaw, babad sa init kung araw, at nginig naman sa ginaw sa gabi pagkat wala silang tulugang maayos—pero ang lilinis at ang gaganda pa rin nila, ang puputi pa rin at ni hindi man lamang namula nang bahagya samantalang dapat ay sunog na sila sa araw.
Di ba—para maging kapani-paniwala ang kuwento—dapat ay nangangalumata na sila sa pagod, burado na ang makeup, nanlilimahid na ang damit sa pawis (dahil walang liguan), gutom at uhaw na pagkat wala silang makain at mainom dito sa disyertong walang tumutubong halaman? Teka—sa lawak ng disyertong iyon, wala kaming nakitang balon o sapa man lang, kaya saan sumalok ng tubig ang alilang si Maria para gumawa ng barokeng sofa na upuan ni Serafina? Wala rin kaming nakitang halaman o punong kahoy, kaya saan din nanggaling ang mga tuyong dahon na ginawa nilang tent? May abanikong anahaw pa si Joshua! Atsaka nung kumain sila ng barbecue, saan sila namitas ng berdeng dahon na pinambalot sa karne, at saan din sila nakapulot ng parilyang pinag-ihawan?
Kung sabagay, katatawanan o comedy ang pelikula, kaya siguro ipinagpalagay na lang ng direktor at manunulat na si Chris Martinez na “mapapatawad” na ng mga manonood ang ganoong mga pagkukulang. Ang mahalaga siguro sa kanila ay mapatawa nila ang audience. Pero kung gusto nitong magpatawa, bakit naman isinali pa ang isang napakaselang isyu na kung sa tunay na buhay ay sadyang magiging sanhi ng kabigatan ng loob at matinding hirap sa konsiyensiya sa taong daranas nito?
Gusto lang kaya talagang magpatawa ng pelikula, o hangad ba nitong punahin at pagtakhan ng manonood ang nangyayari sa tunay na buhay—ang pagiging obsessed ng mga makabagong babae sa pagkakaroon ng lalaking makakasiping sa ano mang kalagayan? Isipin nyo na lang, kung kailan ang dapat manguna sa kanilang isipan ay ang kanilang buhay, nakukuha pa mag-agawan sa mga lalaki? At nagsasamantala naman ang mga lalaki sa mga “uhaw” na babae? May magpapakamatay pa dahil naagawan ng kasiping!