Friday, July 15, 2011

The Adventures of Pureza: Queen of the Riles

CAST: Milai Canteveros, Jason Francisco, Martin Del Rosario, Bianca Manalo, Bekimon, Nico Antonio, Joem Bascom, Ms, Gina Pareno; DIRECTOR: Soxie Topacio; PRODUCER: Star Cinema & Cine Screen; DISTRIBUTOR: Star Cinema; GENRE: Romantic Comedy; LOCATION: Manila; RUNNING TIME: 115 minutes.

Technical Assessment: 3
Moral Assessment: 2.5
CINEMA Rating: For viewers age 14 and above.


Nakatira si Pura (Melai Cantiveros) sa gilid ng riles kasama ang itinuturing niyang nakababatang kapatid na si Ulam (Martin del Rosario). Lahat ng trabaho ay pinapasok ni Pura para maipantustos sa pangangailangan nilang magkapatid at lalo na para sa pag-aaral ni Ulam. Sa gitna ng kabi-kabilang mga raket ay pinakamataas na pangarap pa rin ni Pura ang maging isang modelo. Ang matalik na kaibigan naman ni Pura na si Ruben (Jason Francisco) ay nagta-trabaho bilang driver ng isang sindikato. Magpupumilit si Pura nang minsang utusan si Ruben ng sindikato na sunduin ang isang paparating na modelo galing Brazil. Sa di sinasadyang pangyayari ay mawawala sa kanilang paningin ang Brazilian model at manganganib ang kanilang buhay sa sindikato kung kaya’t susubukan ni Pura na humalili sa mga dapat sana’y gagampanan ng modelo tulad ng pagrampa, pag-pose sa pictorial at iba pa. Pero mas magiging simula pa lamang ito ng mga nakaambang panganib sa buhay ng magkaibigang Pura at Ruben.


Hindi malinaw ang takbo ng kuwento ng pelikula. Lumiko-liko ito sa maraming direksyon ngunit hindi pa rin nagkaroon ng malinaw na patutunguhan. Bagama’t nakasentro ang kuwento sa buhay ni Pura, sumasanga-sanga ito sa kung saan-saan. Resulta tuloy ay pawang sabog at peilkula at di nito gaanong naaliw ang manononood. Nasayang ang husay ng mga nagsiganap lalo na ang bida na si Cantiveros at Francisco. Nagkulang sa hagod ang mga esksena na pawang minadali lang lahat. Labas tuloy ay nagkulang sa pagiging komedya ang pelikula. Sa dami rin ng gusto nitong sabihin ay hindi pa rin siya nakarating sa nais nitong paroonan. Karamihan din sa mga sangkap ng patawa na ihalo sa pelikula ay gasgas na kundi man muling ibinabalik ang ‘toilet: humor.”

Ang bidang si Pura ay larawan ng isang uliran kapatid at kaibigan.  Bagama’t  sumasabog ang kuwento ng The Adventures of Pureza: Queen of the Riles ay maliwanag naman ang mensahe nito ukol sa paggawa ng kabutihan at pag-iwas sa gawaing masama. Sa kabila ng pagkapit ni Pura sa patalim sa panahon ng kagipitan, nakuha pa rin nitong ipaglaban ang mga kaibigan at isakripisyo ang kaligtasan ng kanyang buhay alang-alang sa kapatid at mga kaibigan. Yun nga lang, nakababahala ang ginawang pagsisinungaling ng ilang tauhan sa oras ng pangangailangan. Baka isipin ng mga mas nakababatang manonood na ang pagsisinungaling ay tama. Nariyan din ang nakababahalang paggamit ng pelikula ng sinaunang “toilet humor” na ginagawang kasangkapan sa pagpapatawa ang mga bagay na dapat sana’y sa pribadong pagkakataon lamang ginagawa at pinag-uusapan. Sa kabila nito, nariyan pa rin ang pamamayani ng pakikipag-kapwa-tao, pagkiling sa mabuti, paggawa ng kabutihan at pagmamalasakit sa kapwa maging kadugo man ito o hindi. At sa pagkakaroon nito ng bidang katulad ni Cantiveros, mabibigyan ng pag-asa ang maraming mga katulad niya na kadalasan ay agad nahuhusgahan dahil sa panlabas na anyo. Pwede rin palang maging bida sa pelikula kahit hindi mestiza at ang lahat ay may karapatang mangarap, umibig at ibigin.