Friday, May 6, 2011

Tumbok


CAST: Christine Reyes (Grace), Carlo Aguino (Carlo), Ryan Eigenmann; DIRECTOR: Topel Lee; PRODUCER:Viva Films; GENRE: Horror/Suspense; LOCATION: Philippines

Technical Assessment: 3
Moral Assessment: 1.5
CINEMA Rating: For viewers age 14 and above.


Ilang araw pa lamang sa lumang condominium unit ang mag-asawang Ronnie (Carlo Aquino) at Grace (Christine Reyes) ay marami ng kakaibang nararamdaman, nakikita at naririnig si Grace. Kinumpirma ng mag-inang kapit kwarto nila ang mga kakaibang kaganapan na nakasanayan na nila gayon din ang mga kamalasan sa buhay ng mga tumira sa condominium. Napag-alaman ni Grace na maliban sa kanila ng mag-ina ay mayroon pang mag-asawa at grupo ng mga estudyante na kasama nilang naninirahan sa condominium. Hanggang sa pagtulog ay dinadalaw si Grace ng kababalaghan. Napansin din niya na sunod-sunod na kamalasan din ang nangyayari sa kanila. Napaslang pa ang pinsan niya pagkatapos bumisita sa kanya at payuhan siya na lisanin nila ang condominium dahil sa napakalakas na negatibong enerhiyang bumabalot sa kabahayan. Sa kalaunan ay natuklasan ni Grace na ang pamilya ng asawa niyang si Ronnie ang isa sa mga naunang biktima ng kamalasan ng bahay. Samantala hindi naniniwala sa kababalaghan at malas si Ronnie. May praktikal ding dahilan ito na limitasyong pinansyal kaya mas mainam para sa kanya na manatili sa condo at hwag na lamang pansinin ni Grace ang mga inaakala niyang kababalaghan na naghahatid ng kamalasan sa buhay nila dahil sa pagtira nila sa condominium na nakatirik sa tumbok na tatlong sanga ng daan.

Masalimuot ang kwento ng pelikulang Tumbok. May kalabuan kung seryosong nais ipahatid ng pelikula ang paniniwala tungkol sa kamalasang hatid kapag nakatirik ang iyong tirahan sa tumbok ng daanan. Hindi malinaw kung mga ligallig na kaluluwa o espiritu ng demonyo ang mga namiminsala. Bigla na lang may mga taong nagbubuwis ng buhay para lang maipakita ang kamalasan. May kakahayahan na makapanghalay ang demonyo habang nasa anyong tao o kaya ay bilang espiritu sa realidad o panaginip. Sa layunin na makapanakot ay pinagalaw ang mga bagay kahit walang tao, bumubukas at sara ang mga pintuan, may mga lumilitaw na imahe ng batang babae at lalaki, at mga tunog ng iyak ng bata at paghiyaw ng babae. Establisado ang pagkakaroon ng temang may kaugnayan sa kadiliman ang pelikula. Ang lumang condominium ay tila di ana angkop tirahan dahil madumi at kawalan ng ayos. Hindi masyadong gumamit ng mga nakakatakot na imahe o make-up. Medyo palaisipan naman na sumabog ang kalan sa isang kuwarto at namatay lahat ng nasa loob pero ang kwarto lamang nila ang nasunog.. Wala namang dating ang pagganap ni Christine Reyes, walang naipakitang takot sa mga ekesanang hinihingi ito. Gayon din si Carlo Aquino kulang din ang ipinakitang damdamin sa pagganap bilang police photorgrapher at asawa ni Grace lalo na mayroon pala siyang nakaraan sa mahiwagang bahay.

Maliban sa mga pananalita ng kapitbahay nina Grace na dinadaan sa panalangin ang mga kababalaghan at kamalasan na nakasanayan na niya sa ilan taon ng paninirahan niya sa condominium ay wala nang iba pang mapupulot na aral sa pelikulang Tumbok. Maganda naman ang samahan ng mag-asawa. Pero nakakabahala na natapos ang pelikulang nagpapatotoo sa mga tinatawag na malas at swerte. Karumaldumal ang ilang eksena ng pagpaslang. Iilan lamang ang tauhan ng pelikula subalit walang naipakitang positibong image --- mag-asawang nagbubugan at humantong sa patayan, estudyanteng maiingay at walang galang, pulis opisyal na nagbabanta kapag nalaman ng publiko ang pangit na katotohanan sa serbisyo, at kasero na kampon ng demonyo at nanghahalay ng tumitirang babae sa paupahan, ina nais mamatay ang anak na iniluwal sa paniniwaang kampon ng demonyo, at istambay sa daan na bigla na lang mananaga ng mga inosenteng dumadaan sa kalye.. Sa kabuuan ay halos walang naihaing moral ang pelikula.