Monday, May 23, 2011
In The Name of Love
CAST: Aga Mulach, Angel Locsin, Jake Cuenca; DIRECTOR: Olivia Lamasan; SCREENWRITERS: Enrico Santos, Olivia Lamasan; PRODUCERS: Charo Santos-Concio, Maricel Samson-Maritinez; GENRE: Drama; DISTRIBUTOR: Star Cinema; LOCATION: Philippines; RUNNING TIME: 120 minutes
Technical Assessment: 3.5
Moral Assessment: 2.5
CINEMA Rating: For viewers age 18 and above.
Pitong buwan na si Emman (Aga Mulach) na nakakabalik sa Pilipinas matapos ang 7 taong pagkakakulong sa Japan dahil sa pagtatangkang magtakas ng pera para sa mga Yakuza. Mula sa pagiging mananayaw ay kuntento na sana siyang tumulong na lamang sa pagtitinda sa palengke hanggang malaman niyang naghahanap ng mga Dance Instructor (DI) para sa mga asawa ng pamilya ng gobernador. Dahil minsang nailigtas niya si Dylan (Jake Cuenca), ang anak ng gobernador na ngayo’y tatakbo bilang pangalawang alkalde, siya ang kukuning tagapagturo para sa kanya at ang kanyang kasintahang si Cedes (Angel Locsin). Mapapalapit ang loob ni Dylan kay Emman at mapipilitang si Cedes na tanggapin na ang binate bilang DI nila para sa darating na Governor’s Ball. Lingid sa kaalaman ni Dylan, dating magkasintahan sina Cedes at Emman sa Japan na nagkahiwalay lamang dahil sa pagkakahuli ng binate nuong itatakas niya ang pera para sa mga Yakuza. Sa una ang may galit si Emman kay Cedes dahil bigla na lamang itong nawala nang mabilanggo siya. Subalit nang malaman niya ang pagsusumikap at mga sakripisyo ni Cedes, kabilang ang pagpayag na makarelasyon si Dylan, para lamang makalaya siya ay muling mabubuo ang kanilang relasyon. Magtatangka silang takasan ang katiwalian ng pamilya ni Dylan subalit kailangan muna nilang lagpasan ang pagsubok na ibabato sa kanila ng tiwaling pamilyang ito.
May potensyal sana ang simula ng pelikula, lalo ang di-linyadong pagsasalaysay at pagpapakilala sa kwento ng bawat tauhan. Ang nakakatuwa ang “love story” nina Emman at Cedes sa Japan ay siya naman sanang nakalulungkot na pagtatagpo nilang muli sa Pilipinas. Isa pang kahanga-hanga ay ang paggamit ng mga makabagong “post production techniques” na kitang-kita sa mga pagbabalik-tanaw na eksena sa Japan at sa “opening credits’ ng pelikula. Hindi na tulad ng dati na biglang magiging mala-sepia ang kulay para lamang ipakita ang nakaraan. Mahusay din ang disenyong pamproduksyon dahil nabigyan tuon ang mga maliliit na detalye mula ayos ng bahay at pananamit ng tauhan para lalong maging buo at malinaw ang kwento. Dahil hindi naman masyadong mabigat ang hiningi sa mga actor ay pasado naman ang kanilang mga pagganap na ginawa. Pasado pero hindi pang-Famas. Dalawa ang pinakamalaking pintas sa pelikula. Una, hindi makatotohanang na mananayaw si Aga. Hindi naman dahil hindi siya marunong sumayaw kundi dahil nakikita sa kanyang postura at linya na hindi siya isang “ballroom dancer” at may kabigatan na ang kanyang kilos bilang “hiphop” dancer. Kahit si Angel Locsin ay kulang din ang istilo at disiplina sa pagdadala ng sayaw. Kaya’t halos puro malapitang kuha at pagpitik lamang ng lee gang kanilang ginagawa. Mas maganda sana kung kumuha ng mga “double” upang ang mga eksena ng sayaw ay mas maganda at makatotohanan. Ikalawa, masyadong madrama ang pelikula. Sakit na ata ng Pinoy ang pahabain ang iayakan at ibabad ang luha. Nakuha mo na sa unang 3 segundo, pagtatagalin pa ito ng ilang minuto. Baka mas nababagay ang ganitong istilo sa telebisyon kung saan kailangan pahabain ang eksena.
Pinupunto ng pelikula na ang tunay na pag-ibig ay hindi sumusuko, handing mag-alay at mapagpatawad at handing magparayaw. Naipakita naman ito ni Cedes at Emman sa bawat pagsubok na kanilang nilagpasan alang-alang sa minamahal. May ilang mensahe nga lamang na dapat bigyan tuon ng mga magulang lalo sa mga kabataan anak na manunuod. Una, ang pakikipagtalik sa labas ng kasal ay para bang pangkariniwang gawain lamang. Mahalagang ipaalala na sa kultura natin ay pinahahalagahan pa rin ang sakramento ng kasal at ang pakikipagtalik bilang pribilehiyo lamang ng mag-asawa. Pangalawa, kahit sakripisyo at ginawa alang-alang sa kaligtasan ng iniibig, ang paggamit ng katawan para makakuha ng pabor ay hindi pa rin tama. Maraming karahasan dulot ng katiwalian at pagkagahaman ang ipinakita sa pelikula. Mainam na naipakitang may mga marangal na alagad ng batas na tapat sa tungkulin subalit nakalulungkot na lagi na lamang sa huling bahagi sila nakararating. Maayos naman ang pelikula para sa pamilya pero mas nababagy ito sa mga matatandang kaya nang timbangin ang mga sensitibong eksena.