Saturday, March 5, 2011
Who's That Girl?
CAST: Anne Curtis, Luis Manzano, Eugene Domingo, Dina Bonnevie; DIRECTOR: Wenn Deramas; PRODUCER/ DISTRIBUTOR: Viva Films ; GENRE: Romantic Comedy; LOCATION: Manila; RUNNING TIME:120 minutes;
Technical Assessment: 3
Moral Assessment: 2.5
CINEMA Rating: For viewers ages 14 and above
Humaling na humaling si Elizabeth Pedrosa (Anne Curtis) sa campus figure na si John Eduque (Luis Manzano) mula nung sila’y na sa kolehiyo pa. Yun nga lang, palihim ang paghanga ni Elizabeth kay John at pawang nasa pedestal kung ituring niya ito. Kinimkim ito ni Elizabeth hanggang sa sila’y magkalayo na ng landas at magkaroon ng kani-kaniyang buhay pagkatapos ng kolehiyo. Ngunit magbabago ang takbo ng lahat nang mabasa ni Elizabeth ang pangalan ni John sa obitwaryo. Pupunta siya sa burol at gagawa ng malaking eksena para lang malaman na ang namatay ay hindi si John kundi ang ama nito na kanyang kapangalan. Dala ng matinding hiya ay hindi na makakapagpaliwanag pa si Elizabeth at kakaripas na lang ng takbo. Mabibigla ang lahat sa burol at kanilang aakalain na nagkaroon ng ibang babae ang ama ni John na labis na ikagagalit ng ina niyang si Belinda (Eugene Domingo). Ipapahanap at tutugisin ni Belinda si Elizabeth habang si John ay ganun din ang gagawin. Yun nga lang, sa pagkikita at pagkakakilala nina John kay Elizabeth ay unti-unting mahuhulog ang loob nila sa isa’t-isa.
Naghatid ng matinding aliw ang Who’s That Girl sa mga manonood nito sa kabuuan. Pinakamatingkad na yaman ng pelikula ang talento ng mga nagsiganap lalo na si Domingo na wala pa ring kupas sa pagpapatawa. Mahuhusay din ang mga pangunahing tauhan na sina Curtis at Manzano yun nga lang, parang nagkulang pa sa hagod ang kanilang tambalan upang maging tunay na nakakakilig. Maganda ang naging simula ng kuwento at naging matindi ang interes ng manonood sa takbo nito. Talaga namang hagalpakan lahat sa kakatawa sa tuwing hihirit ang kakatwang karakter ni Domingo. Yun nga lang, parang nakakasawa na rin ang iba paglaon. Hindi pa rin napigilan ang pelikulang ito na gaya ng inaasahan sa isang pelikulang gawa ni Deramas, marami pa ring eksenang pawang pilit na isinisingit ang pagpapapatalastas ng mga produkto. Naging matahimik naman sa pagkakataong ito ang mga product placements pero pawang nahahalata pa rin ng maraming manonood. Nakakaapekto pa rin ito ng malaki sa daloy ng pelikula sa kabuuan.
Patungkol ang Who’s That Girl sa kung paanong maraming nagkakasira sa maling akala at kung paanong ang pagkakasirang ito ay maari namang maayos ng pagmamahalan. Yun nga lang, tila may mga bagay na sadyang pag nasira na ay mahirap nang ayusin pa. Tulad na lamang ng maraming bagay na nagawa ng galit ni Belinda dahil sa kanyang maling akala. Pinagsisihan naman niya ito sa bandang huli at naliwanagan din siya sa kahalagahan ng tunay na pag-ibig. Yun nga lang, maraming bagay sa pelikula ang nagkulang sa hagod at pagbibigay ng tamang kahulugan lalo na sa konsepto ng pag-ibig. Hindi gaanong malinaw kung ano ang nagtulak kina Elizabeth at John upang mahalin ang isa’t-isa. Ang kay Elizabeth ay malinaw na pagkahumaling pero tinatawag niya itong pag-ibig. Kay John naman ay pawang pagnanasa pero tinawag din nila itong pag-ibig. Nakababaha lang na magdulot ng maling impresyon at konsepto ang pelikula, lalo na sa mga kabataan, kung ano nga ba talaga ang tunay at wagas na pag-ibig. Ipinakita na sana ito sa pagmamahalan nina Belinda at John Sr. ngunit nasira din naman kalaunan. Malabo tuloy ang mensahe ng pelikula sa kabuuan. Sa gitna ng mga aliw at halakhak ay tila naman yata walang laman ang pelikula. Nariyan pa ang mangilan-ngilang paghuhubad ng ilang tauhan na nasa konteksto naman ngunit kinakailangan pa ring gabayan ang mga batang manonood.