Friday, March 11, 2011

Senior Year


CAST: Che Ramos, LJ Moreno, RJ Ledesma, Ina Feleo, Arnold Reyes, Dimples Romana, Ramon Bautista, Aaron Balana, Celina PeƱaflorida, Rossanne de Boda, Eric Marquez, Sheila Bulanhagui, Francez Bunda, Daniel Medrana, Nikita Conwi, Mary Lojo, Daniel Lumain; SCREENPLAY & DIRECTOR: Jerrold Tarog; LOCATION: Manila; GENRE: Drama
RUNNING TIME:100 minutes

Technical Assessment: 3
Moral Assessment: 4
CINEMA Rating: Audience Age 14 and above


Class Reunion sa hinaharap ng high school batch 2010 ng St. Frederick School. Inaalala ng class valedictorian na si Henry (RJ Ledesma) ang mga nangyari noong huling taon sa high school ng batch niya habang nag-iipon siya ng lakas at dahilan upang tumuloy at magpakita sa reunion. Dito magsisimulang manumbalik ang isang makulay na taon at iba’t-ibang kuwento ng kanyang mga batchmates. Nariyan ang hirap na dinanas niya sa pagbuo ng kanyang graduation speech habang tinitikis ang lihim niyang pagtingin kay Sofia. Kasabay nito ay ilang pagaalinlangan ng kanyang mga kaibigan sa kanilang buhay sa kasalukuyan at hinaharap habang nalalapit ang kanilang pinakahihintay na graduation.

Mahusay ang pagkakagawa ng pelikula at buo ang pagkakalahad ng kuwento ng Senior Year. Kahit pa maraming tauhan at kuwentong uminog sa iisang kalugaran, nagawa pa rin ng direktor na habiin ang ang lahat ng elemento sa isang makabuluhang kabuuan. Sino ba naman ang hindi nakakaalala sa kanyang high school life? Sobrang aliw ang pelikula sa pagbibigay-buhay sa mga tipikal na kuwento at tauhan sa high school. Sa pagkakataong ito, mga tunay na estudyante at hindi artista ang mga nagsiganap at lumabas na sobrang tototo ang pelikula. Parang pinapanood ng mga manonood ang kani-kanilang buhay noong sila ay nasa mataas na paaralan. Ang ilang tauhan naman ay pawang mga nakasalamuha mo nga noong ika’y dumaraan sa parehas na panahon. Ang resulta’y isang nakakaaliw na pelikula na pumupukaw sa isip at damdamin dahil parang hindi pelikula ang napapanood kundi ang totoong buhay. Buhay high school.

Tulad sa totoong buhay, maraming ibinato at inihaing nararapat pag-isipan sa pelikulang Senior Year. Ito nga ba ang panahon kung saan ang mga kabataan ay naghahanap ng kahulugan sa kawalang-kahulugan ng lahat ng kanilang pinagdadaanan? Dahil dito’y naging kahanga-hanga ang papel ng mga guro sa mga mag-aaral dahil nagsisilbi silang inspirasyon sa mga ito upang maging mabubuting mamamayan na maghahatid ng pagbabago sa lipunan. Sa kabilang banda rin ay marami ding dapat ipagpasalamat ang mga guro sa kanilang mga estudyante na nagtuturo din sa kanila ng maraming bagay ng higit sa kanilang nalalaman. Ang buhay high school nga naman ay isang matinding pagtawid – pagtawid mula sa pagkabata tungo sa pagtanda, pagtawid mula sa nakaraan tungo sa pagharap sa kinabukasan. Nariyan pa ang ilang kalituhan ukol sa pag-ibig, pamilya, pagkakaibigan at maging sa moral. Hindi naghusga ang pelikula at hindi rin ito nagsermon ngunit nag-iwan ito ng maraming malalim na konsepto na nararapat bigyang pansin kaakibat ang matinding pagsubok sa bawat isa na gawing makabuluhan ang pagkabata upang maging maliwanag ang kinabukasan pagtanda. Hindi nawawala ang pananalig sa Diyos, sa kapwa, sa sarili at sa mga institusyon na katulad ng paaralan. Gaano man katindi, kakulay, kapait ang buhay high school, ang isa’y makakapulot pa rin ng aral mula dito gaano man kaliit, dala pa rin ito habambuhay. Makabubuting kasama ng mga magulang ang kanilang mga anak sa panonood ng pelikulang ito hindi lamang para gabayan ngunit para mas higit pa nilang malaman ang mga saloobin ng mga kabataan ngayon.