Thursday, November 4, 2010
White House
Cast: Gabby Concepcion, Iza Calzado, Joem Gascon, Lovi Poe, Angel Jacob, Maricar Reyes; Director: Topel Lee; Screenplay: Lamberto Casas, Jr; Running Time:100 minutes; Location: Baguio; Genre: Horror
Technical Assessment: 2
Moral Assessment: 2.5
Rating: For Viewers 14 years old and above
Isang kilalang ispiritista si Jet Castillo (Gabby Concepcion) na aalukin ng trabaho ng isang malaking estasyon ng telebisyon na gagawa ng isang “horror reality show” kung saan ang mga kalahok ay ikukulong sa isang haunted house at ang makakatagal ng tatlong araw ay mag-uuwi ng isang milyon. Pinuntahan ni Jet ang sinasabing haunted house sa Baguio na kilala bilang white house. May mararamdaman siyang di kanais-nais- mayroong nagmumulto sa bahay na nagbabadya ng panganib dahil maaari itong makapanakit. Tatanggihan ni Jet ang trabaho at pagsasabihan ang executive producer (Maricar Reyes) na huwag nang ituloy ang programa. Ngunit magiging mapilit ito at itutuloy ang pagpapa-audition sa mga nais maging kalahok. Samantala, ang nag-iisang anak na babae ni Jet ay magkakaroon ng kakaibang karamdaman. Mapagtatanto niyang kinuha ng isang masamang espiritu ang kaluluwa ng kanyang anak. Dahil ang hinala niya ay isa itong espritu mula sa white house, kakailanganin niyang bumalik doon upang mabawi ang kaluluwa ng anak. At dahil wala siyang oras na dapat sayangin, masasabay ang paghahanap niya sa espiritu sa pagsho-shooting ng reality horror show. Dito masasaksihan nilang lahat ang malalagim na pambibiktima ng multong tinatawag na black lady (Iza Calzado).
Sinubok ng White House na magpakita ng kakaibang pelikulang katatakutan sa pamamagitan ng paghahalo ng tinatawag na reality TV show na usong-uso sa panahong ito. Nakakaintrigang panoorin ang pelikula dahil dito. Dagdag pa diyan na pinagbibidahan ito ng mga kilala at respetadong mga artista sa industriya. Ngunit sa simula pa lang ng pelikula ay pawang magiging malaking pagsisisi ang panonood nito. Karamihan sa mga sitwasyon na kinahantungan ng mga tauhan sa kuwento ay pawang bunga ng kani-kanilang katangahan at kabalintunaan. Lahat ng ninais ng pelikulang iparating sa manonood ay bigo. Bigo itong magtanim ng takot at misteryo sa manonood.. Nakabulatlat antimano ang anumang nais itago ng pelikula kung kaya’t wala na itong gulat sa bandang huli. Maganda sana ang mga special effects na mukha namang pinagbuhusan ng talino ngunit dahil palpak ang pagkukuwento, ay pumalpak nang todo ang pelikula sa kabuuan. Mababaw ang karakterisasyon ng mga tauhan na hindi man lamang pinalawig, tuloy, walang kakampihan o kakaawaan man lang ang manonood. Marami pa sanang pwedeng iganda ang pelikula ngunit sinayang nila ang pagkakataong ito. Marahil nagkulang sila oras sa paghahabol na maipalabas ito sa panahon ng Undas.
May ilang malilinaw na puntong nais sabihin ang White House sa kabila ng kakulangan nitong teknikal. Una ay ang dalisay na pagmamahal ng isang ama sa kanyang anak na gagawin ang lahat, susuungin ang panganib mailigtas lamang ang anak sa kapahamakan. Ganyan ang ipinakita sa katauhan ni Jet. Pangalawang ipinakita sa pelikula ang pagsasalarawan ng kung paanong ang mass media ay ginagamit at pinagkakakitaan ang kasawian ng iba. Ipinakita ring pinarurusahan ang sinumang naglalagay sa buhay ng tao sa alanganin maging ito man ay isang taong may mataas na katungkulan. Pangatlo ay pinaigting ng pelikula ang kapangyarihan ng kabutihan laban sa kasamaan. Naging matagumpay man si ‘black lady” sa simula ay hindi pa rin ito nanaig sa bandang huli. Yun nga lang, marami nang buhay ang nasayang at nawala nang ganun-ganun na lamang. May mangilan-ngilan lamang tanong at nakakabahala sa kuwento. Tulad halimbawa ng hindi paglilinaw kung bakit ganoon na lamang kasama ang tinaguriang “black lady”. Saan nanggagaling ang kanyang poot at galit? Tila yata hindi ito masyadong napalawig sa pelikula. Pinalabas na sadya lamang siyang masama at may makitid na pag-iisip. O marahil, may diprensiya siya sa pag-iisip? Maging yun ay hindi malinaw. Hindi rin maganda ang mga ipinakitang larawan ng kababaihan sa pelikula. Ang isa ay kaladkarin, ang isa nama’y ubod ng hina, at ang isa nama’y labis ang kasamaan. Ang karamihan sa mga tauhan sa pelikula ay isteryotipikal. Ang lalaking bida naman ay tila lumalabas na bayani at tagapag-sagip. Hindi rin gaanong ipinakita ang kalakasan ng pagdarasal sa pelikula dahil hinayaan nitong maraming buhay ang mawala. Para bang walang silbi ang mga dasal at orasyon laban sa masamang espiritu. Hindi napalawig ang kapangyarihang taglay ng panalangin sa kabuuan ng pelikula. May mga ilang eksesan pang nakababahala tulad ng lantarang pagtatalik sa labas ng kasal isinasapubliko pa sa kamera, at paggamit ng ipinagbabawal na gamot na pinalabas na katawa-tawang gawain sa halip na ipakitang ito ay masama. --By Rizalino R. Pinlac, Jr.