Thursday, November 4, 2010
Till My Heartaches End
Cast: Kim Chiu, Gerard Anderson, Mark Gil, Desiree del Valle, Matet de LDirector: Jose Javier-Reyes; Screenplay: Jose Javier-Reyes; Producer/ Distributor: Star Cinema; Running Time:100 minutes; Location: Manila; Genre: Romance, Drama
Technical Assessment: 3
Moral Assessment: 3
Rating: For Viewers 14 years old and above
Mataas ang pangarap ng baristang si Paolo (Gerard Anderson) at makikilala niya sa pinapasukang coffee shop si Agnes (Kim Chiu), isang probinsiyanang nagpunta ng Maynila upang mag-review sa nursing board exams. Magkakalapit ang kanilang loob habang unti-unting inaabot ni Paolo ang kaniyang mga pangarap. Magiging matagumpay si Paolo sa bagong karera bilang real estate agent. Yun nga lang, sa pagbabago ng kanyang mundo ay hindi naman makasabay si Agnes na nagiging ugat ng madalas nilang pag-aaway. Habang nararating ni Paolo ang tugatog ng tagumpay ay unti-unti namang napapalayo si Agnes sa kanya. Dagdag pa dito ang pagnanais ni Agnes na sundan ang kanyang ina sa America. May patunguhan pa kaya ang pagmamahalan nila sa kabila ng marami nilang pinagdadaanan?
Isang tipikal na kuwentong pag-ibig ang Till My Heartaches End na sinubukang bigyan ng bagong-bihis sa pamamagitan ng paggamit ng naiibang paraan ng pagkukuwento. Ang kuwentong pag-ibig ng dalawang pangunahing tauhan ay inilahad sa punto de vista ng mga taong nakapaligid sa kanila. Isang makabagong paraan ito ng pagkukuwento. Yun nga lang, halos hindi maramdaman ang damdamin ng dalawang bida. May pagka-malamlam ang pagganap ni Anderson at Chiu sa kabila ng kanilang sinseridad pero may kilig pa rin ang kanilang tambalan. Maayos ang kuha ng kamera at malinis naman ang daloy ng damdamin ngunit tila nakakainip paminsan-minsan ang paikot-ikot na problema ng dalawang bida. Marahil ay sinasadya naman ito sa kuwento. Epektibo ang mga pangalawang tauhan pero hindi naman gaanong nabigyan ng kuwento ang mga ito at naging halos palamuti na lang. Sa kabuuan ay nakaka-aliw at nakakakilig pa rin ang pelikula at ang pagsusubok nitong bigyan ng bagong timpla ang isang tila gasgas na kuwentong pag-ibig.
Ipinakita ng pelikula kung paanong ang dalawang magkaibang pagkatao ay maaring magkatagpo sa pag-ibig. Dumaan sa maraming unos ang pagmamahalan nila Paolo at Agnes dahil sa maraming komplikasyon sa kanilang paligid at sa pagkakaiba na rin ng kanilang pananaw sa buhay at pag-uugali. Totoong-totoo ang mga problemang ito at naging totoo rin ang pelikula sa pagsasabing mahirap talaga itong lutasin sa kabila ng pagnanais ng isa’t-isa na magparaya. Ngunit tunay na pag-ibig pa rin ang natatanging pag-asang pwedeng panghawakan sa bandang huli. Marami ring argumento ang pelikula na nararapat pag-isipan ng manonood ukol sa kung ano nga ba ang dapat mas bigyan ng halaga, pangarap o pag-ibig? Maaari bang magtagpo ang paghahangad ng yaman at pagpapayabong ng relasyon? Sa nagbabagong panahon at nagbabagong mundo, saan nga ba dapat ilugar ang puso? Sa ipinakita ng pelikula, sinasabi nitong pagmamahalan at relasyon pa rin ang pinakamalaga sa mundo ngunit hindi naman nito lantarang ipinakita ang nararapat na sakripisyong kaabikat nito. May mga ilan ding nakakababahalang mensahe ang pelikula tulad ng maaaring ipagsawalang-bahala na lang ang ilang maseselang isyu sa relasyon gaya ng pagsiping sa iba. Bagama’t wala namang ipinakitang maseselang eksena bukod sa ilang halikan, masasabi pa ring ang tema ng pelikula ay nararapat lamang sa manonood na may edad 14 pataas. --By Rizalino R. Pinlac, Jr.