Monday, October 18, 2010
Petrang Kabayo
Cast: Vice Ganda, Eugene Domingo, Luis Manzano, Candy Pangilinan, Gloria Romero, John Arcilla; Director: Wenn Deramas; Screenplay: Mel-Mendoza Del-Rosario ; Producer-Distributor: Viva Films; Running Time:120 minutes; Location: Manila; Genre: Comedy
Technical Assessment: 3 Moral Assessment: 3
Rating: For viewers ages 13 and below with parental guidance
Nakaranas ng malabis na kalupitan si Peter (Vice Ganda) sa kamay ng kanyang ama (John Arcilla) nung siya’y bata pa.Dahilan upang siya’y maglayas. Mabuti na lamang at natagpuan siya ng isang haciendera (Eugene Domingo) na kinupkop siya at itinuring na sariling anak. Subalit lalaking malupit si Peter sa mga tao man o hayop lalo na sa mga kabayo dahil na rin sa dinanas niyang hirap sa kanyang ama na ginawa siyang panghalili sa kabayo sa kalesa nito. Nang mamatay ang itinuring na ina at ipinamana sa kanya ang hacienda, lalong naging malupit si Peter sa mga tauhan nila. Dahil sa malabis na kalupitang ito ni Peter sa mga hayop ay isusumpa siya ng diyosa ng mga kabayo na sa tuwing siya ay magagalit o magmamalupit sa hayop man o tao ay magiging isang kabayo siya kung kaya’t siya'y magiging si Petrang Kabayo. Magawa kaya ni Peter na magbago dala ng sumpang ito?
Bagama’t hindi maiiwasang maihambing ang Petrang Kabayo na ito sa orihinal na bersyon ni Roderick Paulate noon, masasabi namang nagawa ng pelikulang punuan ang inaasahan ng manonood na maaliw. Salamat sa napakahusay na pagganap ni Ganda bilang Petrang Kabayo at nagawa nitong palutangin ang katatawanan sa kabila ng mangilan-ngilang kabagalan ng pelikula sa pagkukuwento. Dahil kay Ganda, nabigyang buhay ang kabuuan ng tauhan at kuwento ni Petrang Kabayo. Pawang mahuhusay din naman ang kanyang mga kasamang tauhan ngunit dahil siya ang bida at ito ang kauna-unahan niyang pagbibida sa pelikula, ay malaki ang inaasahan sa kanya. Nagampanan naman niya ng buong husay ito at walang humpay sa kakatawa ang mga manonood. Ang sunod na lamang sigurong aabangan ay kung makaya pa kaya niyang masundan o mahigitan ang nagawa niya sa Petrang Kabayo. Hindi kaya maglaon ay maumay rin ang manonood sa kanya at sa kanyang mga patawa?
Maganda ang pangunahing mensahe ng pelikula ukol sa pakikipag-kapwa tao at pakikitungo sa iba pang nilalang ng Diyos tulad ng hayop, na sa pelikula ay naka-sentro sa kabayo. Ang hayop, tulad ng tao ay dapat ding inaaruga, pinagmamalasakitan at binubusog ng pagmamahal. Inakala ni Peter sa simula na makatarungan ang kanyang pagiging malupit , gawa ng mga naranasan niyang kalupitan mula sa ama, ngunit nagkamali siya at natauhan din naman sa bandang huli na hindi ito nararapat. Napagtanto din niyang sa kabila ng lahat ng kalupitan at kasamaang dinanas sa ama ay pawang kabutihan naman ang ginawa sa kanya ng nag-ampon sa kanya. Matagal bago naghilom ang sugat ni Peter na siya sigurong magiging tanong ng mga manonood. Una, bakit ang tagal pa rin naalis ng poot sa kanyang puso gayong nagkaroon na siya ng magandang buhay? Pangalawa, kinakailangan pa bang magkasakit ang isang tao upang siya ay magbago? Pangatlo, bakit naging mahirap kay Peter na maging mabuti sa mga taong hindi naman naging malupit sa kanya? May ilan pa ring diskriminasyon sa pelikula sa mga itinuturing na pangit at maging sa mga bakla bagama’t ito ang pangunahing tauhan. Hindi rin naging malinaw kung paanong si Peter ay lumaking bakla. Dahil nga ba ito sa pagmamalupit ng kanyang ama? Bunga ng impluwensiya? Sinasabi bang ito ay nangyayari na lamang at hindi ginugusto ninuman? (O ginawa ba lamang bakla ang bida dahil mas nakakatawa ito kaysa kung ang gaganap na Peter ay si Cesar Montano, halimbawa, o kahit si Vhong Navarro?) Hindi naman ito pinalawig ng pelikula pero kahanga-hanga pa rin ang ipinapahiwatig nitong mensahe ukol sa pantay-pantay na pagtingin sa tao: mayaman man o mahirap, maganda man o pangit, ano pa man ang kasarian. –Ni RizalinoR. Pinlac, Jr.