Monday, October 4, 2010
I do
Cast: Erich Gonzalez, Enchong Dee, Dennis Padilla, Pokwang, Isay Alvarez ; Director: Veronica Velasco; Producer: Malu Santos; Screenwriter: Veronica Velasco; Distributor: Star Cinema; Genre: Comedy/ Drama; Location: Manila; Running Time: 100 minutes
Cast: Steve Time: 88
Technical: 3 Moral: 2.5 Rating: For viewers 14 and above
Si Yumi (Erich Gonzalez) ay naniniwala sa kapalaran at nangangarap na balang araw ay makikilala niya ang kanyang Prince Charming at sila’y ikakasal sa kanyang dream wedding. Nang makilala niya si Lance (Enchong Dee), aakalain niyang ito na ang kanyang hinihintay. Magiging mabilis ang pangyayari sa kanilang dalawa at makalipas lamang ang ilang buwan ay magugulat na lamang si Yumi na siya ay nabuntis na pala. Sa takot ni Yumi sa kanyang pamilya ay agad niyang niyaya si Lance na magpakasal kahit hindi pa ito handa, bukod sa hindi rin matanggap ng pamilya ni Lance na ikakasal ito sa isang hindi nila katulad na Tsino. Magiging malabis ang kalituhan ni Lance at hindi nito itutuloy ang pagpapakasal kay Yumi. Maraming beses silang mag-uurong-sulong sa pagpapakasal dala ng maraming aberya, pati ang komplikasyon sa kani-kanilang pamilya, damay na rin ang kanilang anak. Matupad pa nga kaya ang inaasam ni Yuming dream wedding?
Bagama’t kung tutuusin ay gasgas na ang kwento ng I do, nagawa nitong bigyan ng bagong bihis ang tila palasak nang konsepto. Maraming nakakaaliw na eksena na binigyang buhay at kulay ng mga batikang komedyante at aktor. Ang mga bida naman, bagama’t halatang mga pa-cute pa ay nagawa namang umarte sa mga eksenang kinakailangan at sadyang ibinagay sa kanila ang kani-kaniyang papel. Pero nagkulang pa rin sa hagod ang pelikula. Bukod sa kakulangan ng hagod ang pag-arte ng mga pangunahing tauhan lalo na si Dee, kulang din sa lalim ang kabuuang pagkukuwento ng pelikula. Hindi gaanong napalalim ang mga tunay na isyung dapat tinalakay. Sa halip, nasobrahan ng pagkaka-sentro sa kasalan ang kwento, kaya’t halos mawalan na ito ng saysay. Maaring ito rin ang gustong palabasin ng pelikula sa kabuuan ngunit nabigo ito dahil sa mahinang pundasyon ng kuwento. Sa kabuuan tuloy ay madali ring makakalimutan ang pelikulang ito.
Ang kuwento ng mga kabataang mapupusok na nauuwi sa di-inaasahang pagbubuntis ay palasak na rin sa lipunan. Isa itong problemang dapat pagtuunan ng pansin at hindi magkakaroon ng solusyon kung dadaanin na lamang sa tawa. Ito ang ginawa ng I Do – ang gawing katatawanan ang isang napakaseryoso, at maging mga sagradong sitwasyon. Walang nakakatawa sa maagang pagbubuntis nang wala pang kasalan. Magiging sanhi ito ng marami pang komplikasyon na dapat sanang ipinakita sa pelikula upang maging halimbawa sa mga kabataang manonood. Oo nga’t mabigat na ang buhay at hindi na dapat lalo pang pabigatin ngunit sa ginawang pagpapagaan ng I Do sa sitwasyon ay lalo itong naging nakakabahala. Wala ngang matinding halikan o hubaran na ipinakita ngunit ang pagkauwi ng isang bubot na relasyon sa pagbubuntis ay hindi dapat ipinagsa-walang bahal ng perlikula. Wala man lang matapat na pagsisisi mula sa sinumang tauhan. Bagkus, nakatuon pa rin ang babaeng tauhan sa maraming ilusyon— ilusyon ng pag-ibig at pagpapakasal. Hindi dahil sa isa itong mahalagang sakramento kundi dahil, isa itong magandang palabas. Hanggang sa huli’y parang hindi naman nabago ang pagtingin na ito. Para bang ninais pa nitong sabihin na, basta’t mahal mo’y, yun na. Hindi isina-alang-alang ang kahalagahan ng sakramento at ang malalim na inspirasyong kaugnay dito. Sa malaking bahagi ng pelikula, naging insidental at tila palamuti na lamang ang naging anak ng dalawang tauhan. Kahit paano mo ito tingnan, ito’y isang kamalian. --By Rizalino Pinlac, Jr.