Cast: Marian Rivera, Dingdong Dantes, Jacklyn Jose, Isabel Oli; Director: Mark Reyes; Genre: Romance/ Comedy: Distributor: GMA Films; Location: Manila/ Benguet; Running Time: 100 mins;
Technical Assessment: 1.5
Moral Assessment: 2.5
CINEMA Rating: For viewers age 13 and below with parental guidance
Si Francisca o Iska (Marian Rivera) ay isang Igorota na nagbebenta ng strawberry jam. Magbabago ang takbo ng kanyang buhay nang malaman niyang siya’y pinamanahan ng malaking yaman, mga negosyo at ari-arian ng nasirang ama na hindi niya nakilala. Si Raphael (Dingdong Dantes) naman ay kabaligtaran ang kapalaran. Ang dati niyang yaman ay nawala lahat sa kanya nang makulong sa salang pangdarambong ang kanyang pulitikong ama. Sa isang kakatwang sitwasyon ay magtatagpo ang landas nila Iska at Raphael. Dahil baguhan sa kanyang mundo, maiisipan ni Iska na kunin ang serbisyo ni Raphael upang matulungan siya sa kanyang mga transaksiyon at mga magiging desisyon. Papayag naman si Raphael at maiisip niyang si Iska ang paraan upang maibalik sa dati ang marangya niyang buhay. Ngunit unti-unti ay mahuhulog ang loob nila sa isa’t-isa. Paano kung malaman ni Iska na ginagamit lamang siya ni Raphael?
Isang malaking pag-aaksaya ng panahon ang panonood ng pelikulang ito. Walang bago sa kuwento. Gasgas na at pawang makaluma lahat ng sitwasyon pati na ang dayalogo. Walang anumang aabangan sa kuwento sapagkat walang mabigat na problema ang mga pangunahing tauhan. Walang lalim at walang kurot sa puso. Ninanis man nitong mang-aliw at magpatawa, hindi pa rin naging epektibo dahil pawang pilit ang lahat ng ito. Maging ang pag-arte ng mga tauhan ay malamlam at walang bigat. Nasayang ang magandang chemistry nila Rivera at Dantes na nakapag-bigay naman ng mangilan-ngilang kilig. Sa kabuuan, walang anumang aspeto ang nagsalba sa pelikula. Maging ang magagandang tanawin ay hindi rin gaanong nabigyang halaga. Sayang at nakaka-angat na sana ang pelikulang Pilipino lalo na pagdating sa drama at komedya ngunit pawang nag-aksaya lamang ng pagod ang mga may-gawa ng You To Me Are Everything at wala silang nasa isip kundi ang kumita ng pera sa pelikulang ito. Maging yan, marahil ay nabigo sila dahil kuwento na ang hinahanap ng manonood at hindi lang basta mababaw na kilig.
Sinasadya man o hindi, naging mapanlait ang pelikula sa kabuuan. Mapanlait sa kultura at kalinangang Igorot na wala naman silang malinaw at malalim na basehan. Ipinakita nilang pawang mga mangmang at taga-bundok lamang ang mga kapatid nating ito. Hindi nabigyan ng katarungan hanggang sa katapusan ng kuwento ang paksang ito dahil ang karakter ni Iska ay sumuko at nagpaubaya na lamang. Nakakabahala ang kahinaang ito na ipinakita sa pelikula. Sa kabilang banda, nais namang sabihin ng pelikula na hindi ang yaman ang mahalaga sa buhay kundi pag-ibig. Maganda ang pagpapahalagang ito sapagkat sa mundo ngayon na naging malabis nang materyoso, nararapat pa ring ipaalala sa mga kabataan ang higit na mahahalaga sa buhay – ang pamilya at pag-ibig. Dalisay ang karakter ni Iska na hindi nasilaw at hindi binago ng salapi. Isang magandang halimbawa. Nanatili ring konserbatibo at positibo ang kanyang pananaw sa buhay sa kabila ng maraming tukso sa kanyang paligid.