Cast: Eugene Domingo, Tuesday Vargas, John Lapus, Jaime Fabregas, Angelica Panganiban; Director: Chris Martinez; Screenwriter: Chris Martinez; Genre: Comedy: Distributor: Star Cinema Productions; Location: Philippines; Running Time: 110 mins.;
Technical Assessment: 4
Moral Assessment: 3
CINEMA Rating: For age 13 and below with parental guidance
Dumating na ang araw na pinakahihintay ni Stephanie (Angelica Panganiban): ang kanyang kasal na gagawin sa isang beach resort. Papunta na rin ang ilan sa kanyang mga bisita na karamihan ay manggagaling ng Maynila. Sa kalagitnaan ng biyahe, habang nagaganap ang partial solar eclipse ay biglang maaaksidente si Stephanie pati na rin ang iba niyang mga bisita sa lugar na tinatawag na Magnetic Hill. Magkakabungguan ang kanilang mga sasakyan, mawawalan ng malay at sa kanilang paggising ay nagkapalit-palit na ang kanilang mga kaluluwa sa kanilang katawan. Si Stephanie ay nasa katawan ng kanyang matandang dalagang ninang (Eugene Domingo) at walang naniniwalang siya ito. Ang ninang naman niya ay napunta sa katawan ng isang yaya (Tuesday Vargas). Si yaya naman ay nasa katawan ng isang matandang mayaman (Jaime Fabregas) na napunta naman ang kaluluwa sa katawan ng binabaeng beautician na si Toffee (John Lapuz) na ngayon ay nagsasaya dahil ang kaluluwa niya ang nasa katawan ni Stephanie. Magkakagulo oras na malaman ng lahat ang misteryoso nilang pagpapalitan ng kaluluwa.
Isang mahusay na pelikula ang Here Comes the Bride na hindi lamang nagbigay ng todong aliw at saya kundi naghatid din ng makabuluhang istorya. Naiiba at bago sa panlasa ang tipo ng komedyang kumilos sa pelikula. Pakaaabangan ang bawat eksena at talaga namang hahagalpak sa katatawa ang manonood sa bawat linya at kakatwang sitwasyon. Sa pagkakataong ito, mas nakakatawa ang mga sitwasyon at ito ang tunay na tinatawanan at hindi ang mga komedyante lamang. Hindi kinailangan ng mga tauhan na gawing katawa-tawa ang mga sarili upang magbigay aliw. Lutang ang kahusayan ng manunulat na siya ring nagdirehe ng pelikula. Walang itulak kabigin ang husay ng mga nagsiganap na naging doble ang hirap dahil kailangan din nilang gampanan ang karakter ng bawat isa. Lahat sila ay naghatid ng laksang kasiyahan at lumutang ang kanilang tunay na talino sa pag-arte. Sana’y ito na ang maging batayan ng pelikulang komedya sa Pilipinas.
Sa likod ng matinding katatawanan ay may malalim na mensahe ang pelikula. Ito ay ang pagpapahalaga sa kabuuan ng isang tao: ang kanyang katawan at kaluluwa. Bagama’t ang kaluluwa ay tinuturing na mas mahalaga dahil ito ay nananatili at hindi namamatay, dapat ding igalang at pahalagahan ang katawang lupa. Sa lahat ng bagay ay dapat may kaisahan ang katawan at kaluluwa lalo na sa mga desisyon sa buhay. Sa maraming beses ay ninais ni Toffee na samantalahin ang pagkakataon na siya ay nasa katawan ni Stephanie ngunit maigting ang pagtutol ni Stephanie na gamitin ni Toffee ang kanyang katawan sa masamang paraan. Nariyan din ang matinding tukso sa lahat na manatili na lamang sa katawan ng iba upang matakasan ang kani-kanilang problema. Para bang ang mabuhay bilang ibang tao ang sagot sa kanilang mga suliranin ngunit sa bandang huli’y napagtanto din nila na hindi ito nararapat at kailangan nilang makabalik sa kani-kanilang katawan sapagkat iyon ang tamang gawin. Pinahalagahan din ng pelikula ang pananatiling dalisay ng katawan hanggang sa pagpapakasal. May ilang nakababahalang eksena lamang na kung saan ay may biglaang pagtatalik ang dalawang tauhan ngunit nabawi naman ito sa kabuuang konteksto. Yun nga lang ay nararapat pa ring gabayan ang mga batang manonood lalo na sa ilang mga eksena na may patungkol sa maseselang relasyong sekswal, at lalo’t higit sa isang nakaliligaw na pananaw na maaari palang magkapalit-palit ang mga kaluluwa ng tao. Sa Here Comes the Bride, ang pagpapalitan ng kaluluwa’y nagmistulang isang laro, bagay na taliwas sa turo ni Kristo at ng Simbahan.