Cast: Eugene Domingo, Eula Valdes, Jennylyn Mercado, Iza Calzado, Cristine Reyes, Bianca King, Ruffa Gutierrez; Director: Jose Javier Reyes; Producers: Tony Gloria, Annete Gozon-Abrogar; Screenwriter: Jose Javier Reyes; Genre: Comedy/ Drama; Distributor: Unitel and GMA Films; Location: Manila; Running Time: 110 min.;
Technical Assessment: 3
Moral Assessment: 2.5
CINEMA Rating: For viewers 14 and above
Isang sanga-sangang kuwento ng iba’t-ibang kabababaihan ng makabagong panahon. Si Paula (Eugene Domingo) ay itinataguyod ang kanyang pamilya sa pagbebenta ng mga pekeng bag at kung anu-ano pa dahil ang kanyang asawa ay isang batugan. Si Cleo (Eula Valdes) naman ay isang sikat na doctor ng pagreretoke na kinakalaban ng mga grupong feminista. Si Marilou (Ruffa Gutierrez) naman ay isang dating beauty queen na mabibiyuda ng kanyang mayamang asawa ngunit malalaman niyang walang yaman na iniwan sa kanya. Si Teresa (Iza Calzado) naman ay isang nurse na mapipilitang alagaan ang asawa ng lalaking nang-iwan sa kanya noon. Si Ada (Jennylyn Mercado) ay isang single mother na nawawalan na ng panahon sa kanyang anak dahil sa kanyang trabaho bilang call center agent. Habang ang promo girl na si Wendy (Cristine Reyes) ay pilit na hinahanap ang lalaking mag-aahon sa kanya sa kahirapan, si Dara (Bianca King) nama’y piniling maging isang mamamahayag sa kabila ng kanyang mayamang pamilyang pinagmulan.
Isang nasayang na kuwento ang pelikula na dapat sana’y karugtong ng orihinal na Working Girls na ipinalabas noong dekada 80. Hindi gaanong naka-sentro sa buhay-trabaho ng mga kababaihan ang pelikula kundi natuon lamang ang karamihan ng kanilang kuwento sa kanilang buhay pamilya at buhay pag-ibig. Malayo sa orihinal na kuwento na naka-sentro sa buhay ng mga kababaihan sa kanilang trabaho at ang hirap na kanilang dinaranas dahil sa sila ay mga babae. Nalihis ang bagong Working Girls sa sanga-sangang kuwento ng kababaihan na may iba’t-ibang problema ngunit nawala ang dapat sana’y pinaka-kaluluwa ng pelikula. Lumalabas tuloy na isang karaniwang kuwento ng mga kababaihan lang ang napanood at hindi patungkol sa iba’t-ibang klase ng hanap-buhay ng mga babae. Sayang ang lahat ng magagandang intensiyon ng pelikula dahil sumabog ang konsepto nito sa kabuuan. Higit na sayang din ang mga talino ng mga nagsiganap lalo na si Domingo na siyang nagbigay-buhay sa pelikula. Sa kabila ng mga kakulangang ito’y marami pa rin namang magaganda at nakakaaliw na eksena sa pelikula kung kaya’t hindi rin naman gaanong sayang ang panonood nito.
Dahil sa dami ng pinagsiksikang kuwento, hindi naging malinaw ang kabuuang mensahe ng pelikula ukol sa mga kababaihan. Sa isang banda, sinasabi nitong malaki at mahalaga ang ginagampanang papel ng mga kababaihan sa lipunan lalo na sa mga industriya dahil karamihan sa mga ito ay babae na ang nagpapatakbo at babae ang mangagawa. Sa kabilang banda naman ay nariyan ang lantarang paggamit sa panlabas na kagandahan ng kababaihan upang ibenta ang isang produkto. Sa pagbebentang ito ay lumalabas na halos ibenta na rin ng babae ang kanyang sarili at pawang walang moralidad ang nasa ganitong uri ng trabaho. Isa itong masamang imahe para sa maraming kababaihan na nasa ganitong propesyon. Nariyan din ang isang babaeng natuksong pumatol sa iba sa kabila ng pagkakaroon niya ng asawa’t anak. Ang kaniyang pagtataksil ay nasaksihan pa ng mga bata pa niyang anak. Nakababahala ang mga ganitong uri ng eksena. Ipinakita naman sa pelikula kung gaanong katindi ang sakrispisyo ng isang babae ng kumita ng pera para kanyang pamilya habang pinagsasabay-sabay niya ng iba pa niyang papel bilang asawa at ina.