Friday, April 9, 2010

Babe I Love You


Cast: Anne Curtis, Sam Milby, Tetchie Agbayani, Nikki Bacolod, Megan Young; Director: Mae Czarina Cruz; Distributor: Star Cinema Productions; Genre: Romance: Location: Philippines;

Technical Assessment: 3
Moral Assessment: 3.5
CINEMA Rating: For viewers 14 and above

Hindi maganda ang simula ng pagkakakilala ng sales promo girl na si Sasa Sanchez (Anne Curtis) at architecture professor na si Nico Borromeo (Sam Milby). Naunang nakatikim si Sasa ng kasupladuhan ni Nico ng alukin niya ito ng produktong alak at nang masamain ng huli ang pagtulong nina Sasa kasama ang mga kaibigan upang iligtas si Nico laban sa mga holdaper. Hindi tinantanan ni Sasa si Nico ng paniningil sa idinulot na pinsala ng pagtulong sa kanya sa hiniram niyang sasakyan at sa kanyang leeg. Upang tumigil sa maiskandalong paniningil ni Sasa ay napilitan si Nico na pumayag ipagmaneho ito upang makapaghanapbuhay habang nagpapagaling ng neck injury. Sa "arrangement" nilang ito ay magkakaroon sila ng pagkakataon na makilala ang isa't isa at makikita ang mga magagandang katangian sa kabila ng mga katayuan sa buhay. Masaya na mahirap ang pamilya ni Sasa na binubuo ng ina at tatlo pang kapatid na iba-ibang ama. Samantala may sariling isyu si Nico sa kanyang pamilya partikular sa kanyang ina na isang sikat na book writer at mayamang academician dahil siya at ang kanyang nakaraan bilang pasaway na anak ang sinisisi sa maagang pagkamatay ng kanyang ama. Sa kahirapan ng kanyang loob ay pinipilit niyang abutin ang kanyang ina subalit paano mangyayari ang lubos na pagkakasundo nila ng ina kung tuluyan siyang ma-involved sa katulad ni Sasa na mayroon din pangit na nakaraan?

Gasgas na at madaling mahulaan ang kwento ng "Babe, I love You" subalit nabigyan ng kulay na mahusay na produksyon at timpla ng direktor. Maganda ang pagkakahatid ng pinagsamang light at heavy drama. May mga tampok na eksena ang mga pangunahing tauhan at epektibo na naihatid ng mga nagsiganap. Maganda ring ideya ang voice over bago matapos ang pelikula kung saan literal na ibinahagi ang mahalagang aral at mensahe. Akma ang pag-iilaw sa mga eksena may kinakailangang bigyan-diin, gayundin ang paglalapat na musika. Bagama't madalas na pa-cute ang dating ng mga close-up shot sa mga bida at medyo eksaherada ang focus ng camera sa magagandang legs ni Anne ay nabawi ito ng magagandang aspetong teknikal ng pelikula.

Binigyan-diin sa pelikulang "Babe, I Love you" na ang hindi magandang nakaraan ay maaaring pagsikapan na mabawi at tuluyang makapagbago kung mabibigyan lamang ng panahon at pagkakataon. Sa ganitong sitwasyon ay malaki ang gampaning papel ng pamilya, mga kaibigan, lipunan, ng tanging minamahal at ng pananalig sa Diyos na nagbibigay ng pag-asa. Mahalaga ang ituon ang pansin sa gustong makamit, alamin ang pangunahin sa buhay at bigyan dignidad ang sarili sa pagtahak sa landas ng tagumpay. Salat sa yaman at limitado sa kaalaman si Sasa, may panahong naging mahina sa kanyang nakaraan, pero nagsikap na iwasto at ituon ang serbisyo sa pamilya sa maayos na paraan. Pagtanggap sa pagkakamali, kapatawaran at pamamayani naman ng pagmamahal ang namagitan kina Nico at kanyang ina. Dito sila kapwa humugot ng lakas upang harapin ang sakit ng paghihiwalay at pagpapalaya sa isa't isa. Pinahalagahan nila ang panahon na ibinigay nila sa kani-kanilang mga sarili at hindi sila nabigo na matuklasan ang magandang idinulot nito sa kanila sa muli nilang pagkikita. Positibo sa mensahe at madamdaming tagpo ang pelikula na kapupulutan ng aral ng mga manonood.