Friday, November 6, 2009

Estasyon

Cast: Mon Confiado, Klaudia Coronel, Christian Galindo, Diana Alferez; Director: Cesar Apolinario; Producer: Cesar Apolinario; Screenwriters: Chris Lim, Cesar Apolinario; Music: Jerrold Tarog; Editor: Miguel Araneta; Genre: Drama; Cinematography: Jay Linao; Distributor: Huge Screen Small Pictures; Location: Philippines; Running Time: 100 min.;

Technical Assessment: 2.5
Moral Assessment: 2
CINEMA Rating: For viewers age 14 and above

Sa kagustuhang makagawa ng may saysay na pelikula, susubukan ni Martin (Mon Confiado) na gawan ng dokyumentaryo ang panata ng mga deboto sa Quiapo sa pista ng Poong Nazareno. Dito niya makikilala si Christian (Christian Galindo), isang tinedyer mula sa Laguna na naglakbay mag-isa patungo sa pista upang ipahid ang dala-dalang puting panyo sa Poong Nazareno sa pag-asang ito ang magpapagaling sa maysakit na ina (Klaudia Koronel). Sasamahan at susundan ni Martin si Christian sa pagsusubok nitong makalapit sa Poon. Makakapanayam pa niya ito at dito malalaman ni Martin ang kuwentong-buhay ni Christian habang patungo sa pista ng Nazareno. Makuha kaya ni Christian ang inaasam na himala?

Nagnais ang pelikula na gumawa ng makabuluhang kuwento ukol sa isang sikat na debosyon sa pamamagitan ng paggamit ng paralelismo sa daan ng krus ni Hesukristo at sa buhay ng isang deboto. Sa ganitong konsepto nais palabasin ng direktor ang paghahalo ng katotohanan sa kathang-isip. Ngunit sayang at hindi ito ang naipalabas ng pelikula. Maraming nais sabihin ang kuwento na hindi nito naipamalas sapagkat kulang sa masusing pananaliksik ang kabuuan ng istorya. Mahusay naman ang pagkakaganap ng mga pangunahing tauhan lalo na si Koronel at maganda rin ang potograpiya ngunit hindi pa rin naging epektibo ang kabuuan ng pelikula. Marahil ay talagang hindi naging sigurado ang mga nasa likod ng pelikula kung ano ba talaga ang nais nilang sabihin at kitang-kita ang pagkalitong ito sa pagkakalahad ng kuwento.

Isang matinding pagkuwestiyon sa pananampalatayang Katoliko ang Estasyon. Sa isang banda, dapat nga namang suriing maigi ang mga debosyon at panata kung ang mga ito ay sadyang nakakatulong sa pag-unlad ng buhay ispiritwal ng isang tao o nagiging instrumento lamang ba ito ng panatisismo tulad ng sa mga pagano. Ngunit napako ang pananaw ng mga gumawa ng pelikula sa negatibong aspeto lamang ng debosyon, at hindi na nila nakita ang kagandahan at maging ang pinagmulan ng isang debosyon na tulad sa Poong Nazareno. Kapwa naghahanap ang mga pangunahing tauhan ng kahulugan sa maling lugar, sa maling oras at sa maling intensiyon. Sa aspetong ito, nakababahala ang ninais iparating ng pelikula. Pawang walang silbi ang relihiyon, ang simbahan at kung ano pa mang pananampalataya sa pagpapayabong ng buhay ng sangkatauhan. Isa itong mababaw na pagtingin sa isang pananampalatayang nananatiling matatag sa loob ng mahigit 2,000 taon. Oo nga’t may kahirapan, may karahasan, may kawalang-katarungan, kawalang-pag-asa at kahalayan, ngunit hindi masisisi ang relihiyon dito kung tutuusin. Kita naman sa pelikula na walang pagkukusa ang mga tauhan na alamin at palalimin ang kani-kanilang debosyon kung kaya’t nagiging pawang mababaw ang kanilang pananampalataya. Ngunit tahasan na itong hinusgahan ang relihiyon sa kabuuan. Nariyang ipakitang suot ng isang babaeng halos walang saplot ang rosaryo at lantarang itapon ni Martin. Na sa bandang huli ay binawi naman ng paghalik niya dito. Ngunit hindi pa rin malinaw kung ito nga ay pagbabalik-loob o gawa pa rin ng kanyang pagkalito. Mas mabigat ang mga binitiwan niyang salita sa huli: “Ninais ko lang ipakita ang kawalang-kabuluhan ng anumang debosyon at relihiyon.” Sa mga nagugulumihanan at naghahanap ng kahulugan sa kanilang pananampalataya, hindi makakatulong ang pelikulang tulad nito