Cast; Ai Ai Delas Alas, Joseph Estrada, Sam Milby, Toni Gonzaga, Aling Dionisia Pacquiao: Director: Wenn Deramas; Genre: Comedy; Distributor: Star Cinema: Location: Philippines ; Running Time: 100 mins.;
Technical Assessment: 2.5
Moral Assessment: 2
CINEMA Rating: For viewers 14 and above
Makikilala ni Charlie (Toni Gonzaga) si Prince (Sam Milby) sa kanyang panaginip at sa halos pareho ding araw ay makikilala niya ito sa tunay na buhay. Yun nga lang, si Prince ay sa Amerika namamalagi kung kaya't nagkasya na lamang ang dalawa na payabuningin ang kanilang relasyon nang magkalayo ang lugar. Salamat sa tulong ng makabagong teknolohiyang tulad ng Internet. Makalipas ang ilang buwan ay susurpresahin ni Prince si Charlie sa kanilang bahay at agad itong yayayaing magpakasal. Ngunit agad itong tututulan ng ama ni Charlie na si Dindo (Joseph Estrada) at kanyang pahihirapan si Prince bago tuluyang mapapayag. Magkakaron din ng kaunting pagtutol ang ina ni Charlie na si Sunshine (Ai-ai delas Alas) sa takot na mangyari kay Charlie ang dinanas kay Dindo na mas inuuna ang kapakanan ng ibang tao bago ang asawa at pamilya. Mas lalong lalala ang sitwasyon sa pagdating ng mga magulang ni Prince dahil hindi nila makakasundo ang ina nito (Dionisia Pacquiao).
Palasak na ang uri ng komedyang ginamit sa pelikula kung kaya't hindi ito naging matagumpay sa paghahatid ng akmang aliw at katatawanan sa mga manonood. Bagama't mahuhusay naman ang mga nagsiganap, hindi pa rin kinayang salbahin ang kabuuan sa sobrang daming butas ng kuwento na halatang hindi na pinagbuhusan ng pansin. Sabog ang daloy ng kuwento at hindi malaman ang nais nilang palabasin. Kulang na kulang ito sa nararapat na karakterisasyon kaya't pawang pilit ang mga sitwasyon at halos walang mararamdamang simpatya sa mga tauhan. Wala tuloy epekto ang mga eksenang dapat sana ay nakakaiyak o nakakatawa dahil sa walang pinatutunguhang daloy ng damdamin. Maraming tauhan ang naging pawang palamuti lamang sa kuwento at walang anumang iniambag tulad ni Dionisia Pacquiao na pawang pinagkatuwaan lamang sa pelikula. Si Estrada naman ay pawang nangangampaniya lamang sa pagsisingit ng mga konsepto ng maka-mahirap at maka-pamilya. Ang dating tuloy ay kulang na kulang sa sinseridad ang pelikula sa kabuuan.
Bagama't Ang Tanging Pamilya ang pamagat ng pelikula, pawang hindi naman nito gaanong pinahahalagahan ang pamilya bilang isang sagradong sangay ng simbahan at lipunan. Kitang-kita ang pagbabalewala ng padre de pamilya sa saktramento ng kasal alang-alang sa kapakanan ng ibang tao. Oo nga't mahalagang bigyang-pansin ang nangangailangan ngunit marami pa namang paraan ng pagtulong na hindi kinakailangang isakripisyo ang mahahalagang panahon para sa pamilya. O baka rin isa lamang itong pangangampanya ni Estrada? Hindi rin katanggap-tanggap na ituring na isang katatawanan lamang ang isang napakahalagang sakramento na tulad ng kasal. Marami ring maling halimbawa ang ipinakita sa pelikula tulad ng biglaan na lamang na pagpapakasal na hindi dumaraan sa tamang proseso. Nakakabahala rin ang kawalang-galang na pagturing ni Prince sa ina ni Charlie na umabot pa sa pananakit na pisikal at pinalabas pa itong katawa-tawa. Maging ang iringan ng magkabilang pamilya ay hindi rin magandang halimbawa lalo pa't nakabase lamang ang lahat sa panlabas na anyo ng isang tao. Ang higit pang nakakabahala dito ay ang gawing katawa-tawa ang itsura ng isang tao. Ito'y isang malaking pag-insulto at maling panukat sa pagkatao. Marahil ang maganda lamang sa pelikula ay ang maayos na paggabay ng ina sa isang anak na naguguluhan ang isip at hindi makapagdesisyon ng tama. Sa mga ganitong pagkakataon ay talagang kinakailangan ang mga magulang na gabayan ang anak.